ENERO 29, 2019
PERU
Nag-host ang Peru ng Huling Espesyal na Kombensiyon ng 2018
Malugod na tinanggap ng mga Saksi ni Jehova sa Peru ang 3,400 delegado mula sa siyam na sangay para sa huling “Magpakalakas-Loob!” na espesyal na kombensiyon ng 2018, na ginanap noong Nobyembre 23-25. Ginanap ang kombensiyon sa Monumental Stadium sa kabiserang lunsod na Lima. Ang pinagsamang bilang ng dumalo sa istadyum at sa apat pang lokasyon ay umabot nang 66,254. Bukod diyan, 719 ang nabautismuhan. Ang programa ay isinalin ng magkakasabay sa wikang English, Peruvian Sign Language, Quechua Ayacucho, at Spanish.
Tampok sa okasyong ito ang pagsama ng mga delegado sa mga kapatid sa Peru sa gawaing pangangaral. Nasiyahan din ang mga delegado sa lokal na mga pagkain at kultura, at sa pamamasyal sa sangay sa Peru.
Sinabi ni Ezequiel Porras, kinatawan ng tanggapang pansangay sa Peru: “Napakaganda ng resulta ng espesyal na kombensiyon sa Peru. Bukod sa hindi ito malilimutan ng mga kapatid, naging magandang patotoo rin ito sa komunidad. Nagpapasalamat kami kay Jehova para sa natatanging pagkakataong ito na maluwalhati ang dakila niyang pangalan.”—1 Pedro 2:12.
Naglagay ng mga pool para sa bautismo sa Monumental Stadium, kung saan 483 ang nabautismuhan. Mayroon ding 236 na nabautismuhan sa apat pang lokasyon.
Nangangaral ang mga delegado kasama ang mga Saksi sa Peru.
Si Brother Samuel Herd, na miyembro ng lupong tagapamahala, ang nagbigay ng huling pahayag sa bawat araw.
Mainit na tinanggap ang mga bisitang dumating sa Jorge Chávez International Airport sa Lima.
Kasama sa tour sa sangay ang Bible exhibit na nagpapaliwanag kung paano naingatan sa Kasulatan ang pangalan ng Diyos.
Ipinakita ng mga brother kung paano gumawa ng iba’t ibang pagkaing Peruvian sa isang group activity sa Assembly Hall. Dito, inihanda at inihain sa mga delegado ang ceviche, hilaw na seafood na ibinabad sa sitrus.
Ipinakita ang tradisyonal na paraan ng pag-ikid ng yarn. Ang balahibo ay kinukulayan gamit ang tina mula sa mga halaman.
Ang mga delegadong nag-tour sa sangay ay nasiyahan sa evening gathering na nagtampok ng musical play na may temang “Pag-abot ng Tunguhin.” Kasama sa palabas ang tradisyonal na musika, tugtugan, at sayaw mula sa tatlong pangunahing parte ng Peru: baybaying disyerto, Kabundukan ng Andes, at ang kagubatan.
Sinayaw ang tradisyonal na sayaw na Trujillo sa evening gathering.
Isinadula ang iba’t ibang eksena ng pangangaral sa musical play. Ang ipinakitang mga kasuotan at bahay na gawa sa adobe ang karaniwan sa mga taong Quechua na naninirahan sa bulubunduking bahagi ng Cuzco.
Lahat ng gumanap sa musical play sa pagtatapos ng evening gathering.