Pumunta sa nilalaman

HULYO 31, 2014
RUSSIA

Mga Saksi ni Jehova Hinatulan ng Korte sa Taganrog Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Mga Saksi ni Jehova Hinatulan ng Korte sa Taganrog Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Noong Hulyo 30, 2014, hinatulan at sinentensiyahan ng Taganrog City Court ang 7 sa 16 na Saksing nilitis dahil sa pagdalo at pag-oorganisa ng kanilang mapayapang pagtitipon. Kinasuhan sila dahil lang sa kanilang relihiyosong mga gawain na kapareho ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Ang hatol na ito ay magsisilbing batayan na maaaring magsapanganib sa kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia.

Ilalabas sana ng hukom ang hatol noong Hulyo 28, 2014, pero ipinagpaliban niya ito para sa susunod na araw. Noong Hulyo 29, maghapong binasa ng hukom ang 100-pahinang desisyon at ipinagpatuloy ito noong umaga ng Hulyo 30. Sinentensiyahan niya ang apat na elder na mabilanggo nang lima hanggang lima’t kalahating taon at magbayad ng multa na 100,000 ruble ($2,800 U.S.). Sinentensiyahan din niya ang tatlo pang Saksi na magbayad ng multang 50,000 hanggang 60,000 ruble ($1,400 hanggang $1,700 U.S.) bawat isa. Pero hindi na niya ito pinabayaran sa kanila dahil ang imbestigasyon at paglilitis ay lumampas na sa statute of limitations (panahong itinakda para sa pagsasampa ng kaso o pagpaparusa). Sinuspende rin niya ang mga sentensiyang pagkabilanggo. Napawalang-sala naman ang siyam na iba pang Saksi.

Ginawang batayan ng hukom ang desisyon ng Rostov Regional Court noong Setyembre 2009 na buwagin ang Local Religious Organization of Jehovah’s Witnesses sa Taganrog. Bagaman ang 2009 na desisyon ay patungkol lang sa legal na korporasyon, ipinasiya ng hukom na bawal ang relihiyosong gawain ng lahat ng Saksi ni Jehova sa Taganrog at sa mga distrito sa palibot nito.

Sa paglilitis na tumagal nang 15 buwan, tumestigo ang mga akusado na hindi nila tatalikuran ang kanilang pananampalataya at ipagpapatuloy nila ang kanilang pagsamba bilang mga Saksi ni Jehova. Para sa mga nasentensiyahan, ang paninindigang ito ay nangangahulugang posible na naman silang makasuhan ng paglabag at mabilanggo uli.

Ganito ang sabi ni Victor Zhenkov, isa sa mga abogado sa kaso: “Natatakot ako sa magiging kahulugan ng desisyong ito para sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Puwedeng gamitin ng mga awtoridad sa Taganrog at sa buong Russia ang desisyong ito sa isang kampanya ng pangha-harass at pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova, na maaaring ipabilanggo dahil lang sa pagsasagawa ng kanilang pananampalataya.”

Ang mga Saksi sa Taganrog ay umapela sa Rostov Regional Court.