Pumunta sa nilalaman

Kabilang sina Aibek Salayev, Matkarim Aminov, at Bahram Shamuradov sa mga Saksing nabigyan ng amnestiya

NOBYEMBRE 13, 2014
TURKMENISTAN

Turkmenistan—Pinalaya ang mga Saksi ni Jehova na Nakulong Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Turkmenistan—Pinalaya ang mga Saksi ni Jehova na Nakulong Dahil sa Kanilang Pananampalataya

Nakapagtataka, binigyan ni President Gurbanguly Berdimuhamedov ng amnestiya ang walong Saksi ni Jehova na nakulong sa Turkmenistan dahil sa pagsasagawa ng kanilang pananampalataya. Kabilang sila sa iba pang bilanggo na pinalaya noong Oktubre 22, 2014. Anim sa mga Saksi ay ikinulong dahil sa kanilang pagtangging magsundalo udyok ng budhi at ang dalawa naman ay dahil sa inimbentong mga paratang sa relihiyosong gawain nila.

Sina Merdan Amanov at Pavel Paymov

Ang mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi, mga kabataang lalaki sa pagitan ng edad na 18 at 23, ay ikinulong sa Seydi Labor Colony, sa disyerto ng Turkmen. Ang apat na lalaki ay nasa general regime camp, pero sina Matkarim Aminov at Dovran Matyakubov ay nasa mas mahigpit na parusa sa regime camp, yamang nahatulan sila bilang “repeat offenders.” Habang nakakulong, tiniis nila ang malupit na pagtrato at kahabag-habag na kalagayan.

Ang dalawang Saksi na nakulong dahil sa inimbentong mga paratang, ang 35-anyos na si Aibek Salayev at ang 42-anyos na si Bahram Shamuradov, ay nasa general regime camp din sa Seydi. Sila ay nasentensiyahan ng apat-na-taóng pagkabilanggo dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala at gawain. Dumanas sila ng matinding pagmamaltrato habang nakakulong, bukod pa sa kawalang-katarungan na pagkabilanggo batay sa itinanim na ebidensiya.

Si Amirlan Tolkachev

Isang Saksi lang, si Ruslan Narkuliev, ang nakakulong pa rin sa Turkmenistan. Nahatulan siya bilang isa na tumatangging magsundalo udyok ng budhi mga ilang linggo lang bago ang amnestiya, at wala ang pangalan niya sa Presidential Administration nang ipahayag ang amnestiya. Nilalakad na ng mga abogado niya sa mga awtoridad sa Turkmenistan na mapalaya siya.

Kapuri-puri at mahalaga ang ginawa ni President Berdimuhamedov nang bigyan niya ng amnestiya ang walong nakakulong na mga lalaki dahil sa kanilang pananampalataya. Umaasa ang mga nagpapahalaga sa kalayaan sa pagsamba na ito ang pasimula ng pagbabago sa Turkmenistan, isang pagbabago na magpapahintulot sa mga Saksi ni Jehova na mamuhay kaayon ng kanilang budhi nang walang takot na pag-usigin o ikulong.