Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Naghiwalay Sina Daddy at Mommy?

Bakit Naghiwalay Sina Daddy at Mommy?

KABANATA 4

Bakit Naghiwalay Sina Daddy at Mommy?

“Magkasama kami ni Mommy sa bahay nang araw na iwan kami ni Daddy. Anim na taon lang ako noon kaya wala akong kamalay-malay sa nangyayari. Nasa sahig ako at nanonood ng TV. Naririnig ko si Mommy na umiiyak at nagmamakaawa kay Daddy na huwag nang umalis. Bumaba si Daddy bitbit ang maleta niya, lumuhod, at hinalikan ako, tapos sabi niya, ‘Mahal na mahal ka ni Daddy ha.’ Tapos umalis na siya. Matagal kaming hindi nagkita ni Daddy. Mula noon, takot na takot ako na baka iwan din ako ni Mommy.”​—Elaine, 19.

KAPAG naghiwalay ang iyong mga magulang, baka parang katapusan na ng mundo at magiging miserable na ang buhay mo. Halu-halong damdamin ang kasama nito​—hiya, galit, kabalisahan, takot na iwanan, pagkakonsiyensiya, depresyon, at malaking kawalan, maging ng pagnanais na makaganti.

Kung kahihiwalay pa lang ng mga magulang mo, baka ganiyan din ang nadarama mo. At normal lang iyan kasi nilayon ng ating Maylalang na ang mga anak ay lumaking may tatay at nanay. (Efeso 6:1-3) Ngayon, hindi mo na araw-araw na makikita ang isa sa pinakamamahal mong magulang. Ganito ang sabi ni Daniel, na ang mga magulang ay naghiwalay noong pitong taóng gulang siya: “Mataas ang tingin ko kay Tatay at sa kaniya ko gustong sumama. Kaya lang, kay Nanay kami napunta.”

Kung Bakit Naghihiwalay ang mga Magulang

Dahil naitatago ng mag-asawa ang problema, madalas na nabibigla na lang ang mga anak na maghihiwalay na pala ang mga magulang nila. “Nagulat talaga ako,” ang sabi ni Rachel, na 15 anyos nang magdiborsiyo ang mga magulang niya. “Akala ko in love na in love sila sa isa’t isa.” Kahit nag-aaway pa ang mga magulang, nakakabigla pa rin kapag talagang naghiwalay na sila!

Sa maraming kaso, naghihiwalay ang mag-asawa kapag ang isa ay nagtaksil. Sa gayong kalagayan, pinahihintulutan ng Diyos ang pinagtaksilang kabiyak na makipagdiborsiyo at mag-asawang muli. (Mateo 19:9) Sa ibang kaso naman, ang “poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita” ay nauuwi sa karahasan at nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng asawa at ng mga anak.​—Efeso 4:31.

Pero may mga mag-asawang naghihiwalay sa mababaw na dahilan. Sa halip na ayusin ang problema, nagdidiborsiyo sila dahil hindi na raw sila masaya o hindi na nila mahal ang isa’t isa. Ang Diyos ay ‘napopoot sa [gayong] pagdidiborsiyo.’ (Malakias 2:16) Ayon naman kay Jesus, magiging problema sa ilang pamilya kapag naging Kristiyano ang isang kabiyak.​—Mateo 10:34-36.

Pero anuman ang kaso, kung ayaw muna ng magulang mo na magsalita o magpaliwanag tungkol sa paghihiwalay nila, hindi naman ibig sabihin na hindi ka na nila mahal. Malamang na masyado nilang dinibdib ang mga pangyayari kaya hindi pa nila ito kayang ipakipag-usap sa iyo. (Kawikaan 24:10) Baka naaasiwa o nahihiya rin silang aminin na pareho silang may pagkukulang.

Ang Puwede Mong Gawin

Alamin ang ikinatatakot mo. Magbabago talaga ang buhay mo kapag naghiwalay ang iyong mga magulang. Kaya malamang na pinag-iisipan mo ngayon ang mga bagay na dating hindi mo naman iniisip. Pero puwedeng mabawasan ang pangamba mo kung alam mo ang mga ikinatatakot mo. Lagyan ng ✔ ang ikinatatakot mo, o isulat ang sarili mong sagot sa “Iba pa.”

□ Iiwan din ako ng isa ko pang magulang.

□ Kakapusin sa pera ang pamilya namin.

□ Naiisip kong ako ang dahilan ng paghihiwalay.

□ Mabibigo rin ang pag-aasawa ko.

□ Iba pa ․․․․․

Sabihin sa iba ang ikinatatakot mo. Sinabi ni Haring Solomon na may “panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Kaya humanap ng tiyempo para masabi sa iyong mga magulang ang ikinatatakot mo. Ipaalam sa kanila na lungkot na lungkot ka at gulung-gulo. Baka maipaliwanag nila sa iyo kung ano talaga ang nangyayari, at mabawasan ang pagkabalisa mo. Kung ayaw nila o hindi pa nila kayang ibigay ang tulong na kailangan mo, humanap ng isang may-gulang na kaibigan. Malaking ginhawa kung mayroon kang mapaghihingahan.​—Kawikaan 17:17.

Higit sa lahat, handang makinig sa iyo ang iyong Ama sa langit, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Ibuhos mo ang laman ng iyong puso sa kaniya ‘sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’​—1 Pedro 5:7.

Ang Hindi Dapat Gawin

Huwag magkimkim ng galit. “Walang inisip ang mga magulang ko kundi sarili nila,” ang sabi ni Daniel, na nabanggit kanina. “Hindi man lang nila inisip ang epekto sa amin ng ginawa nila.” Hindi masisisi si Daniel kung ganiyan man ang nadarama niya, at baka nga tama siya. Pero subukang sagutin ang sumusunod na mga tanong at isulat ang iyong sagot sa patlang.

Ano kaya ang magiging epekto kay Daniel ng pagkikimkim ng galit at sama ng loob? (Basahin ang Kawikaan 29:22.) ․․․․․

Kahit mahirap, bakit makabubuti kay Daniel na patawarin ang kaniyang mga magulang? (Basahin ang Efeso 4:31, 32.) ․․․․․

Paano makakatulong kay Daniel ang Roma 3:23 para maunawaan niya ang mga magulang niya? ․․․․․

Huwag pahirapan ang sarili. “Nalungkot ako at na-depress nang magdiborsiyo ang mga magulang ko,” ang sabi ni Denny. “Nagkaproblema ako sa pag-aaral at bumagsak ako nang isang taon. Pagkatapos, . . . naging numero uno ako sa kalokohan at madalas akong mapaaway.”

Sa tingin mo, bakit sinasadya ni Denny na maging ‘numero uno sa kalokohan’? ․․․․․

Bakit kaya siya madalas makipag-away? ․․․․․

Kung naiisip mong gumawi nang di-maganda para makaganti sa magulang, paano makakatulong sa iyo ang simulain sa Galacia 6:7 para magkaroon ng tamang kaisipan? ․․․․․

Ang Dapat Mong Asahan

Kapag nabalian ka ng buto, aabot ng ilang linggo, o buwan pa nga, bago ito lubusang gumaling. Ganiyan din kapag nasugatan ang iyong damdamin. Kailangan ng panahon bago ito maghilom. Sinasabi ng ilang eksperto na sa loob ng mga tatlong taon, puwede nang maka-recover ang isa sa kirot na dulot ng diborsiyo. Parang napakatagal nito, pero tandaan, marami pang mangyayari bago bumalik sa ayos ang lahat.

Halimbawa, kailangang isaayos ang mga gawain sa bahay na naapektuhan ng paghihiwalay ng mga magulang mo. Kailangan din nila ng panahon para maka-recover. Sa panahong iyon, baka maibigay na nila sa iyo ang tulong na kailangan mo. Habang bumabalik ang normal mong rutin, unti-unti ring babalik sa normal ang buhay mo.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 25

SA SUSUNOD NA KABANATA

Nag-aalala ka ba dahil nag-asawa ulit ang magulang mo? Ano ang gagawin mo?

TEMANG TEKSTO

“May . . . panahon ng pagpapagaling.”​—Eclesiastes 3:1, 3.

TIP

Kung naghiwalay ang mga magulang mo, puwedeng isa sa kanila ang nagkamali, o silang dalawa pa nga. Alamin ang mga pagkakamaling iyon para maiwasan mo ito kung mag-aasawa ka.​—Kawikaan 27:12.

ALAM MO BA . . . ?

Puwede kang maging maligaya sa pag-aasawa kahit na hindi naging masaya ang pagsasama ng mga magulang mo.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Puwede kong sabihin ang ikinatatakot ko kay (isulat ang pangalan ng isang may-gulang na gusto mong mapaghingahan) ․․․․․

Kung naiisip kong gumawi nang di-maganda para makaganti sa mga magulang ko, mapipigilan ko ito kung ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya umiiwas ang mga magulang mo na pag-usapan ang tungkol sa paghihiwalay nila?

● Bakit mahalagang tandaan na ang dahilan ng paghihiwalay ng mga magulang mo ay problema sa pagitan nila, at wala kang kasalanan dito?

[Blurb sa pahina 32]

“Nang iwan kami ni Mommy, na-depress ako at araw-araw na umiiyak. Pero nanalangin ako nang madalas, nagpakaabala sa pagtulong sa iba, at nanatiling malapít sa may-gulang kong mga kaibigan. Alam kong paraan ng Diyos na Jehova ang lahat ng iyon para tulungan ako.”​—Natalie

[Larawan sa pahina 33]

Kapag naghiwalay ang mga magulang mo, para kang nabalian ng buto​—masakit sa una, pero unti-unti ka ring makaka-recover