APENDISE
Araw ng Paghuhukom—Ano Ito?
PAANO mo ilalarawan ang Araw ng Paghuhukom? Marami ang nag-iisip na isa-isang dadalhin sa harapan ng trono ng Diyos ang bilyun-bilyong kaluluwa. Doon hahatulan ang bawat indibiduwal. Ang ilan ay gagantimpalaang magtamasa ng paraiso sa langit, at ang iba naman ay papatawan ng walang-hanggang pagpapahirap. Gayunman, ibang-iba ang paglalarawan ng Bibliya sa yugtong ito ng panahon. Inilalarawan ito ng Salita ng Diyos, hindi bilang isang nakasisindak na panahon, kundi isang panahon ng pag-asa at pagsasauli.
Sa Apocalipsis 20:11, 12, mababasa natin ang paglalarawan ni apostol Juan hinggil sa Araw ng Paghuhukom: “Nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang isa na nakaupo roon. Mula sa harap niya ay tumakas ang lupa at ang langit, at walang dakong nasumpungan para sa kanila. At nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon. Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa.” Sino ang Hukom na inilalarawan dito?
Ang Diyos na Jehova ang sukdulang Hukom ng sangkatauhan. Gayunman, iniatas niya sa iba ang aktuwal na paghuhukom. Ayon sa Gawa 17:31, sinabi ni apostol Pablo na ang Diyos ay “nagtakda . . . ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan.” Ang inatasang Hukom na ito ay ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. (Juan 5:22) Subalit kailan magsisimula ang Araw ng Paghuhukom? Gaano ba ito katagal?
Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na magsisimula ang Araw ng Paghuhukom pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, kapag napuksa na ang sistema ni Satanas sa lupa. * (Apocalipsis 16:14, 16; 19:19–20:3) Pagkatapos ng Armagedon, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibibilanggo sa kalaliman sa loob ng isang libong taon. Sa panahong iyan, ang 144,000 kasamang mga tagapagmana sa langit ay magiging mga hukom at mamamahala “bilang mga hari na kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 14:1-3; 20:1-4; Roma 8:17) Ang Araw ng Paghuhukom ay hindi isang mabilis na pangyayari na tatagal lamang nang 24 na oras. Tatagal ito nang isang libong taon.
Sa loob ng yugtong iyon na isang libong taon, ‘hahatulan ni Jesu-Kristo ang mga buháy at ang mga patay.’ (2 Timoteo 4:1) Ang “mga buháy” ay ang “malaking pulutong” na makaliligtas sa Armagedon. (Apocalipsis 7:9-17) Nakita rin ni apostol Juan “ang mga patay . . . na nakatayo sa harap ng trono” ng paghatol. Gaya ng ipinangako ni Jesus, ang “nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Kristo] at lalabas” sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Ngunit saan nakasalig ang gagawing paghatol sa lahat?
Ayon sa pangitain ni apostol Juan, “nabuksan ang mga balumbon,” at “ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa.” Ang mga balumbon bang ito ang rekord ng nakalipas na mga ginawa ng mga tao? Hindi, ang paghatol ay hindi isasalig sa ginawa ng mga tao bago sila namatay. Paano natin nalaman iyan? Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.” (Roma 6:7) Kaya ang mga bubuhaying muli ay magkakaroon ng malinis na rekord, wika nga. Kung gayon, malamang na kumakatawan ang mga balumbon sa karagdagang mga kahilingan ng Diyos. Upang mabuhay magpakailanman, ang mga makaliligtas sa Armagedon at ang mga bubuhaying muli ay kailangang sumunod sa mga utos ng Diyos, kabilang na ang anumang bagong kahilingan na maaaring isiwalat ni Jehova sa panahon ng isang libong taon. Samakatuwid, hahatulan ang mga indibiduwal salig sa gagawin nila sa panahon ng Araw ng Paghuhukom.
Ang Araw ng Paghuhukom ay magbibigay sa bilyun-bilyong tao ng kanilang kauna-unahang pagkakataon upang matuto tungkol sa kalooban ng Diyos at maiayon ang kanilang sarili alinsunod dito. Nangangahulugan ito na magkakaroon ng malawakang pagtuturo. Sa katunayan, “katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Subalit hindi lahat ay magiging handang sumunod sa kalooban ng Diyos. Sinabi ng Isaias 26:10: “Pagpakitaan man ng lingap ang balakyot, hindi rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katapatan ay gagawi siya nang walang katarungan at hindi niya makikita ang karilagan ni Jehova.” Permanente nang papatayin ang mga balakyot sa Araw ng Paghuhukom.—Isaias 65:20.
Sa pagtatapos ng Araw ng Paghuhukom, ang mga taong makaliligtas ay ‘mabubuhay’ nang lubusan bilang sakdal na mga tao. (Apocalipsis 20:5) Sa gayo’y makikita sa Araw ng Paghuhukom ang pagsasauli sa sangkatauhan sa orihinal na sakdal na kalagayan nito. (1 Corinto 15:24-28) Pagkatapos ay magaganap ang pangwakas na pagsubok. Pakakawalan si Satanas sa pagkakabilanggo at pahihintulutan siyang iligáw ang sangkatauhan sa kahuli-hulihang pagkakataon. (Apocalipsis 20:3, 7-10) Tatamasahin ng mga sasalansang sa kaniya ang ganap na katuparan ng pangako ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Oo, ang Araw ng Paghuhukom ay magiging isang pagpapala sa buong tapat na sangkatauhan!
^ par. 1 Hinggil sa Armagedon, pakisuyong tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 594-5, 1037-8, at ang kabanata 20 ng Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos, na parehong inilathala ng mga Saksi ni Jehova.