Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 9

Nabubuhay Na ba Tayo sa “mga Huling Araw”?

Nabubuhay Na ba Tayo sa “mga Huling Araw”?
  • Anong mga pangyayari sa ating panahon ang inihula sa Bibliya?

  • Ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos na magiging ugali ng mga tao sa “mga huling araw”?

  • Anong mabubuting bagay ang inihula ng Bibliya hinggil sa “mga huling araw”?

1. Saan tayo makakakuha ng impormasyon tungkol sa hinaharap?

NANOOD ka na ba ng balita sa telebisyon at pagkatapos ay naisip mo, ‘Ano na lamang ang mangyayari sa daigdig na ito?’ Ang masasaklap na bagay ay nangyayari nang biglaan at di-inaasahan anupat hindi kayang hulaan ng mga tao kung ano ang mangyayari bukas. (Santiago 4:14) Gayunman, alam ni Jehova kung ano ang magaganap sa hinaharap. (Isaias 46:10) Matagal nang inihula ng kaniyang Salita, ang Bibliya, hindi lamang ang masasamang bagay na nangyayari sa ating panahon kundi pati na rin ang kapana-panabik na mga bagay na malapit nang maganap.

2, 3. Ano ang itinanong ng mga alagad kay Jesus, at paano siya sumagot?

2 Binanggit ni Jesu-Kristo ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, na siyang tatapos sa kasamaan at babago sa lupa upang maging isang paraiso. (Lucas 4:43) Gustong malaman ng mga tao kung kailan darating ang Kaharian. Sa katunayan, tinanong si Jesus ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Bilang sagot, sinabi sa kanila ni Jesus na ang Diyos na Jehova lamang ang nakaaalam kung kailan eksaktong darating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:36) Ngunit inihula naman ni Jesus ang mga bagay na magaganap sa lupa bago magdulot ang Kaharian ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan. Nagaganap na ngayon ang kaniyang inihula!

3 Bago natin suriin ang ebidensiya na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” isaalang-alang muna natin sandali ang isang digmaan na walang sinumang tao ang nakasaksi. Nangyari ito sa di-nakikitang daigdig ng mga espiritu, at naaapektuhan tayo ng naging resulta nito.

ISANG DIGMAAN SA LANGIT

4, 5. (a) Ano ang nangyari sa langit di-nagtagal matapos mailuklok si Jesus bilang Hari? (b) Ayon sa Apocalipsis 12:12, ano ang magiging resulta ng digmaan sa langit?

4 Ipinaliwanag ng nakaraang kabanata sa aklat na ito na si Jesu-Kristo ay naging Hari sa langit noong taóng 1914. (Daniel 7:13, 14) Di-nagtagal pagkatapos niyang maging Hari, kumilos si Jesus. “Sumiklab ang digmaan sa langit,” ang sabi ng Bibliya. “Si Miguel [isa pang pangalan ni Jesus] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas na Diyablo], at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka.” * Natalo si Satanas at ang kaniyang balakyot na mga anghel, ang mga demonyo, sa digmaang iyon at pinalayas sila sa langit at inihagis sa lupa. Nagsaya ang tapat na mga espiritung anak ng Diyos dahil wala na roon si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Ngunit hindi mararanasan ng mga tao ang gayong kagalakan. Sa halip, inihula ng Bibliya: “Sa aba ng lupa . . . sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”​—Apocalipsis 12:7, 9, 12.

5 Pakisuyong pansinin kung ano ang magiging resulta ng digmaan sa langit. Dahil sa kaniyang poot, magpapasapit si Satanas ng kaabahan, o kaguluhan, sa mga nasa lupa. Gaya ng makikita mo, nabubuhay na tayo ngayon sa panahong iyan ng kaabahan. Ngunit ito ay maituturing na sandali lamang​—‘maikling yugto lamang ng panahon.’ Natatanto iyan maging ni Satanas. Tinutukoy ng Bibliya ang yugtong ito bilang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Kaylaki ngang kagalakan natin na malapit nang alisin ng Diyos ang impluwensiya ng Diyablo sa lupa! Isaalang-alang natin ang ilan sa mga bagay na inihula sa Bibliya na nagaganap mismo ngayon. Pinatutunayan ng mga ito na nabubuhay na tayo sa mga huling araw at na malapit nang magdulot ang Kaharian ng Diyos ng walang-hanggang mga pagpapala sa mga umiibig kay Jehova. Una, suriin natin ang apat na bahagi ng tanda na sinabi ni Jesus na magiging pagkakakilanlan ng panahong kinabubuhayan natin.

MALALAKING KAGANAPAN SA MGA HULING ARAW

6, 7. Paano natutupad sa ngayon ang mga salita ni Jesus tungkol sa digmaan at kakapusan sa pagkain?

6 “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Milyun-milyong tao ang namatay sa mga digmaan noong nakalipas na siglo. Isang Britanong istoryador ang sumulat: “Ang ika-20 siglo ang pinakamadugo sa nakaulat na kasaysayan. . . . Ito ay isang siglo ng halos walang-patid na digmaan, na may iilang maikling yugto lamang na walang organisadong labanan.” Ganito ang sabi ng isang ulat mula sa Worldwatch Institute: “Tatlong beses na mas maraming tao ang naging biktima ng digmaan noong [ika-20] siglo kaysa sa lahat ng digmaan mula noong unang siglo AD hanggang 1899.” Mahigit na 100 milyong tao na ang namatay bunga ng mga digmaan mula noong 1914. Kahit na alam natin ang pighati ng mawalan ng isang mahal sa buhay sa digmaan, hindi natin lubusang mauunawaan ang hapis at kirot na nadarama ng milyun-milyong tao na nawalan ng mahal sa buhay.

7 “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) Sinasabi ng mga mananaliksik na malaki ang isinulong ng produksiyon ng pagkain sa nakalipas na 30 taon. Magkagayunman, patuloy pa rin ang kakapusan sa pagkain dahil maraming tao ang walang sapat na pera para makabili ng pagkain o kaya ay walang lupang mapagtatamnan. Sa papaunlad na mga bansa, mahigit sa isang bilyon katao ang nabubuhay lamang sa kita na isang dolyar o wala pa bawat araw. Dumaranas ang karamihan sa kanila ng matinding gutom. Tinataya ng World Health Organization na malnutrisyon ang isang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mahigit na limang milyong bata taun-taon.

8, 9. Ano ang nagpapakitang nagkakatotoo na ang mga hula ni Jesus tungkol sa mga lindol at mga salot?

8 “Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Ayon sa U.S. Geological Survey, mga 19 na malalakas na lindol na kayang-kayang sumira ng mga gusali at bumitak sa lupa ang inaasahang dumating taun-taon. At sa katamtaman, nagkakaroon ng malalakas na lindol taun-taon na kayang-kayang magpabagsak ng mga gusali. Ayon sa mga rekord, kumitil ang mga lindol ng mahigit sa dalawang milyong buhay mula noong 1900. Sabi sa isang pinagkukunan ng impormasyon: “Kakaunti lamang ang nagawa ng pagsulong sa teknolohiya upang mabawasan ang bilang ng mga namamatay.”

9 “Magkakaroon ng . . . mga salot.” (Lucas 21:11) Sa kabila ng mga pagsulong sa medisina, sinasalot ng dati at bagong mga sakit ang sangkatauhan. Sinasabi ng isang ulat na 20 kilaláng sakit​—kabilang na ang tuberkulosis, malarya, at kolera—​ang naging lalong pangkaraniwan nitong nakalipas na mga dekada, at nagiging mas mahirap gamutin ang ilang uri ng sakit. Sa katunayan, di-kukulangin sa 30 bagong sakit ang lumitaw. Nakamamatay ang ilan sa mga ito at wala pang nalalamang lunas.

ANG MGA TAO SA MGA HULING ARAW

10. Anu-anong pag-uugali na inihula sa 2 Timoteo 3:1-5 ang nakikita mo ngayon sa mga tao?

10 Bukod sa pagtukoy sa ilang kaganapan sa daigdig, inihula ng Bibliya na makikita sa mga huling araw ang pagbabago sa lipunan ng tao. Inilarawan ni apostol Pablo ang magiging katangian ng mga tao sa pangkalahatan. Sa 2 Timoteo 3:1-5, mababasa natin: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Sa bahagi, sinabi ni Pablo na ang mga tao ay magiging mga

  • maibigin sa kanilang sarili

  • maibigin sa salapi

  • masuwayin sa mga magulang

  • di-matapat

  • walang likas na pagmamahal

  • walang pagpipigil sa sarili

  • mabangis

  • maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos

  • may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito

11. Paano inilalarawan ng Awit 92:7 ang mangyayari sa mga balakyot?

11 Ganiyan na ba ang mga tao sa inyong komunidad? Walang alinlangan na ganiyan na nga sila. Sa lahat ng dako ay makakakita ka ng mga taong masasama ang ugali. Ipinakikita nito na malapit nang kumilos ang Diyos, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Kapag sumisibol ang mga balakyot na gaya ng pananim at namumukadkad ang lahat ng nagsasagawa ng bagay na nakasasakit, iyon ay upang malipol sila magpakailanman.”​—Awit 92:7.

MAGAGANDANG KAGANAPAN!

12, 13. Paano sumagana ang “tunay na kaalaman” sa ‘panahong ito ng kawakasan’?

12 Talagang lipos ng kaabahan ang mga huling araw, gaya ng inihula ng Bibliya. Gayunman, sa magulong daigdig na ito, may magagandang kaganapan naman sa mga mananamba ni Jehova.

13 “Ang tunay na kaalaman ay sasagana,” ang inihula ng aklat ng Bibliya na Daniel. Kailan kaya iyan mangyayari? Sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Lalung-lalo na mula noong 1914, tinulungan ni Jehova na sumulong sa pagkaunawa sa Bibliya ang mga talagang nagnanais na paglingkuran siya. Sumulong ang kanilang pagkaunawa sa mahahalagang katotohanan tungkol sa pangalan at layunin ng Diyos, sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, sa kalagayan ng mga patay, at sa pagkabuhay-muli. Karagdagan pa, natutuhan ng mga mananamba ni Jehova kung paano mamuhay sa paraang kapaki-pakinabang sa kanila at nagdudulot ng kapurihan sa Diyos. Nakapagtamo rin sila ng mas malinaw na kaunawaan sa papel ng Kaharian ng Diyos at kung paano nito itutuwid ang mga bagay-bagay sa lupa. Ano ang ginagawa nila sa kaalamang ito? Ang tanong na iyan ay umaakay sa atin sa isa pang hula na natutupad sa mga huling araw na ito.

“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”​—Mateo 24:14

14. Gaano na kalawak ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa ngayon, at sinu-sino ang nangangaral nito?

14 “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa,” ang sabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3, 14) Sa buong lupa, ang mabuting balita ng Kaharian​—kung ano ang Kaharian, ano ang gagawin nito, at paano natin matatamasa ang mga pagpapala nito—​ay ipinangangaral sa mahigit na 230 lupain at 400 wika. Milyun-milyong Saksi ni Jehova ang masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Nagmula sila sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Nagdaraos ang mga Saksi ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa milyun-milyong tao na nagnanais makaalam kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Tunay ngang isang kahanga-hangang katuparan ng hula, lalo na yamang inihula ni Jesus na ang mga tunay na Kristiyano ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao”!​—Lucas 21:17.

ANO ANG GAGAWIN MO?

15. (a) Naniniwala ka ba na nabubuhay na tayo sa mga huling araw, at bakit? (b) Ano ang magiging kahulugan ng “wakas” para sa mga sumasalansang kay Jehova at sa mga nagpapasakop sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos?

15 Yamang napakaraming hula sa Bibliya ang natutupad sa ngayon, hindi ka ba sumasang-ayon na nabubuhay na tayo sa mga huling araw? Kapag naipangaral na ang mabuting balita ayon sa nais ni Jehova, tiyak na darating “ang wakas.” (Mateo 24:14) Tumutukoy “ang wakas” sa panahong aalisin na ng Diyos ang kasamaan sa lupa. Para lipulin ang lahat ng kusang sumasalansang sa Kaniya, gagamitin ni Jehova si Jesus at ang makapangyarihang mga anghel. (2 Tesalonica 1:6-9) Ang mga bansa ay hindi na maililigaw pa ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Pagkatapos niyan, ang Kaharian ng Diyos ay magdudulot ng maraming pagpapala sa lahat ng nagpapasakop sa matuwid na pamamahala nito.​—Apocalipsis 20:1-3; 21:3-5.

16. Anong matalinong mga hakbang ang dapat mong gawin?

16 Yamang malapit na ang wakas ng sistema ni Satanas, kailangan nating itanong sa ating sarili, ‘Ano ba ang dapat na ginagawa ko?’ Isang matalinong hakbang na sikaping makilala nang higit si Jehova at alamin ang kaniyang mga kahilingan para sa atin. (Juan 17:3) Seryosohin ang iyong pag-aaral ng Bibliya. Ugaliin mong regular na makisama sa iba na nagsisikap na gawin ang kalooban ni Jehova. (Hebreo 10:24, 25) Kumuha ng saganang kaalaman na inilalaan ng Diyos na Jehova sa mga tao sa buong daigdig, at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa iyong buhay upang matamasa mo ang lingap ng Diyos.​—Santiago 4:8.

17. Bakit mabibigla ang karamihan sa mga tao sa pagkapuksa ng masasama?

17 Inihula ni Jesus na ipagwawalang-bahala ng karamihan sa mga tao ang ebidensiya na nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Ang pagkapuksa ng masasama ay darating nang biglaan at di-inaasahan. Gaya ng isang magnanakaw sa gabi, tiyak na mabibigla rito ang karamihan sa mga tao. (1 Tesalonica 5:2) Nagbabala si Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”​—Mateo 24:37-39.

18. Anong babala ni Jesus ang dapat nating isapuso?

18 Kaya naman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo [nang may pagsang-ayon] sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) Matalinong isapuso ang mga salita ni Jesus. Bakit? Sapagkat ang mga nagtataglay ng lingap ng Diyos na Jehova at ng “Anak ng tao,” si Jesu-Kristo, ay may pag-asang makaligtas sa wakas ng sistema ng mga bagay ni Satanas at mabuhay magpakailanman sa kamangha-manghang bagong sanlibutan na napakalapit na!​—Juan 3:16; 2 Pedro 3:13.

^ par. 4 Para sa impormasyon na nagpapakitang ang Miguel ay isa pang pangalan ni Jesu-Kristo, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Sino si Miguel na Arkanghel?