Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 52

Libo-libo ang Napakain sa Kaunting Tinapay at Isda

Libo-libo ang Napakain sa Kaunting Tinapay at Isda

MATEO 14:13-21 MARCOS 6:30-44 LUCAS 9:10-17 JUAN 6:1-13

  • NAGPAKAIN SI JESUS NG 5,000 LALAKI

Masayang nangaral ang 12 apostol sa buong Galilea. Sinabi nila kay Jesus “ang lahat ng ginawa nila at itinuro.” Pagód sila, at halos wala silang panahong kumain dahil walang tigil ang pagdating ng mga tao. Kaya sinabi ni Jesus: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”—Marcos 6:30, 31.

Sumakay sila sa bangka, malapit marahil sa Capernaum, at nagpunta sa isang liblib na lugar sa silangan ng Ilog Jordan, lampas pa sa Betsaida. Pero marami ang nakakitang paalis sila, at nabalitaan din ito ng iba. Kaya tumakbo ang mga tao sa may dalampasigan at naunahan pa nila ang pagdaong ng bangka.

Pagbaba sa bangka, nakita ni Jesus ang mga tao at naawa siya sa kanila dahil para silang mga tupang walang pastol. Kaya “tinuruan niya sila ng maraming bagay” tungkol sa Kaharian. (Marcos 6:34) Pinagaling din niya “ang mga may sakit.” (Lucas 9:11) Paglipas ng ilang oras, sinabi ng mga alagad: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na; paalisin mo na ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng makakain nila.”—Mateo 14:15.

Sumagot si Jesus: “Hindi nila kailangang umalis; bigyan ninyo sila ng makakain.” (Mateo 14:16) Alam ni Jesus ang gagawin niya, pero tinanong niya si Felipe para subukin ito: “Saan tayo bibili ng tinapay para sa kanila?” Taga-Betsaida si Felipe kaya siya ang pinakamagandang tanungin. Pero hindi rin solusyon ang pagbili ng tinapay. Mga 5,000 lalaki ang nandoon. At kung isasama sa bilang ang mga babae at bata, madodoble pa iyan! Sumagot si Felipe: “Kahit 200-denariong [isang denario ang kita sa isang araw] tinapay ay hindi sapat para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.”—Juan 6:5-7.

Marahil para ipakitang imposibleng mapakain ang lahat, nagkomento si Andres: “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?”—Juan 6:9.

Tagsibol noon, bago ang Paskuwa ng 32 C.E., at madamo ang burol. Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang tiglilimampu at tig-iisang daan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda at nagpasalamat sa Diyos. Saka niya pinagputol-putol ang tinapay at hinati-hati ang isda. Ibinigay ito ni Jesus sa mga alagad para sila ang magbigay nito sa mga tao. At ang lahat ay kumain at nabusog!

Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang mga natira para walang masayang.” (Juan 6:12) At 12 basket ang natira!