KABANATA 63
Nagpayo si Jesus Tungkol sa Pagtisod at Kasalanan
MATEO 18:6-20 MARCOS 9:38-50 LUCAS 9:49, 50
-
PAYO TUNGKOL SA PAGTISOD
-
KAPAG NAGKASALA ANG ISANG KAPATID
Ipinakita ni Jesus kung ano ang dapat na maging saloobin ng mga tagasunod niya. Dapat silang maging gaya ng mga bata, mapagpakumbaba at hindi ambisyoso. Dapat ‘tanggapin ng mga alagad ang isang batang gaya nito alang-alang sa kaniya.’—Mateo 18:5.
Ang sinabing ito ni Jesus ay maaaring pagsaway sa mga apostol dahil sa pagtatalo nila kung sino sa kanila ang pinakadakila. Pero ngayon, may iba namang binabanggit si Juan: “Nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo gamit ang pangalan mo, at pinipigilan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.”—Lucas 9:49.
Tingin kaya ni Juan ay mga apostol lang ang awtorisadong magpagaling o magpalayas ng mga demonyo? Kung gayon, bakit nakapagpapalayas ng demonyo ang Judiong ito? Para kay Juan, hindi karapat-dapat sa gayong makapangyarihang gawa ang lalaking ito dahil hindi naman ito sumasama kay Jesus at sa mga apostol.
Hindi inaasahan ni Juan ang sagot ni Jesus: “Huwag ninyo siyang pigilan, dahil ang sinumang gumagawa ng himala gamit ang pangalan ko ay hindi agad-agad makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. Dahil sinumang hindi laban sa atin ay nasa panig natin. At sinumang magbigay sa inyo ng isang baso ng tubig na maiinom dahil tagasunod kayo ni Kristo, sinasabi ko sa inyo, tiyak na tatanggap siya ng gantimpala.”—Marcos 9:39-41.
Hindi pa naman kailangang sumama kay Kristo ang lalaking ito para masabing nasa panig siya ni Jesus, kasi hindi pa naitatatag noon ang kongregasyong Kristiyano. Kaya hindi dapat ituring na mananalansang o nagtataguyod ng maling pagsamba ang lalaki dahil lang sa hindi siya naglalakbay kasama ni Jesus. Malinaw na may pananampalataya siya sa pangalan ni Jesus, at makikita sa sinabi ni Jesus na hindi maiwawala ng lalaking ito ang gantimpala niya.
Sa kabilang dako, malaking kasalanan kung matitisod ang lalaki sa mga salita at gawa ng mga apostol. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang tumisod sa isa sa maliliit na ito na nananampalataya, mas mabuti pang bitinan ang leeg niya ng isang gilingang-bato na iniikot ng isang asno at ihagis siya sa dagat.” (Marcos 9:42) Idinagdag ni Jesus na dapat alisin ng mga tagasunod niya ang anumang bagay—kasinghalaga man ito ng kamay, paa, o mata—na nagpapatisod sa kanila. Mas mabuti pang wala ang mahalagang bagay na iyon at makapasok sa Kaharian ng Diyos kaysa ingatan ito at mapunta lang sa Gehenna (Lambak ng Hinom). Malamang na nakita na ng mga apostol ang lambak na ito malapit sa Jerusalem. Dito sinusunog ang basura, kaya naintindihan nilang sagisag ito ng permanenteng pagkapuksa.
Nagbabala rin si Jesus: “Huwag na huwag ninyong hahamakin ang isa sa maliliit na ito, dahil sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama.” Gaano kamahal ng Ama ang “maliliit na ito”? Binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang lalaki na Mateo 18:10, 14.
may 100 tupa, pero nawala ang isa. Iniwan ng lalaki ang 99 para hanapin ang isang nawala, at mas natuwa siyang makita ang isang ito kaysa sa natirang 99. Idinagdag ni Jesus: “Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.”—Marahil dahil sa pagtatalo ng mga apostol, hinimok sila ni Jesus: “Maging gaya kayo ng asin, at panatilihin ninyo ang kapayapaan sa isa’t isa.” (Marcos 9:50) Pinasasarap ng asin ang pagkain. Pinasasarap naman, wika nga, ng makasagisag na asin ang sinasabi ng isa para madali itong tanggapin at mapanatili ang kapayapaan, isang bagay na hindi magagawa ng pakikipagtalo.—Colosas 4:6.
Puwedeng bumangon ang malulubhang problema, at nagpayo si Jesus kung paano ito aayusin. “Kung ang kapatid mo ay magkasala,” ang sabi niya, “puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya nang kayong dalawa lang. Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama.” Paano kung hindi siya makinig? “Magsama ka ng isa o dalawa pa,” ang payo ni Jesus, “para sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay maging malinaw ang bawat bagay.” Kung hindi pa rin malutas ang problema, kailangan itong sabihin “sa kongregasyon,” samakatuwid, sa mga elder na puwedeng magpasiya. Paano kung hindi pa rin makinig ang nagkasala? “Ituring mo siyang gaya ng tao ng ibang bansa at gaya ng maniningil ng buwis,” mga taong hindi pinakikisamahan ng mga Judio.—Mateo 18:15-17.
Kailangang sundin ng mga tagapangasiwa sa kongregasyon ang Salita ng Diyos. Kung mapatunayang nagkasala ang isa at kailangan ng disiplina, ang hatol nila ay “naitali na sa langit.” Pero kung mapatunayan itong walang sala, ito ay “nakalagan na sa langit.” Makatutulong ang mga tagubiling ito kapag naitatag na ang kongregasyong Kristiyano. Tungkol sa ganitong seryosong bagay, sinabi ni Jesus: “Kapag may dalawa o tatlong tao na nagtitipon sa pangalan ko, kasama nila ako.”—Mateo 18:18-20.