Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 57

Pinagaling ni Jesus ang Isang Batang Babae at Isang Lalaking Bingi

Pinagaling ni Jesus ang Isang Batang Babae at Isang Lalaking Bingi

MATEO 15:21-31 MARCOS 7:24-37

  • PINAGALING NI JESUS ANG ANAK NG ISANG BABAENG TAGA-FENICIA

  • PINAGALING NIYA ANG ISANG LALAKING BINGI AT PIPI

Matapos tuligsain ni Jesus ang mga Pariseo dahil sa kanilang makasariling mga tradisyon, umalis siya kasama ang mga alagad. Pumunta sila sa rehiyon ng Tiro at Sidon sa Fenicia, sa hilagang-kanluran.

Nakakita si Jesus ng bahay na matutuluyan, pero ayaw niyang malaman ng mga tao na nandoon siya. Gayunman, nalaman pa rin ng mga tao ang pagdating niya. Isang babaeng Griego na ipinanganak sa lugar na iyon ang nakakita sa kaniya. Nagmakaawa ito: “Maawa ka sa akin, Panginoon, Anak ni David. Hirap na hirap ang anak kong babae dahil sinasaniban siya ng demonyo.”—Mateo 15:22; Marcos 7:26.

Mayamaya, hinimok si Jesus ng mga alagad niya: “Paalisin mo siya, dahil sigaw siya nang sigaw sa likuran natin.” Ipinaliwanag ni Jesus kung bakit hindi niya pinapansin ang babae: “Isinugo ako para lang sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” Pero hindi pa rin tumigil ang babae. Lumapit ito at lumuhod sa harap ni Jesus, na sinasabi: “Panginoon, tulungan mo ako!”—Mateo 15:23-25.

Marahil para subukin ang pananampalataya nito, binanggit ni Jesus ang negatibong pananaw ng mga Judio sa mga hindi nila kalahi: “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.” (Mateo 15:26) Sa pagsasabing “maliliit na aso,” o tuta, makikita ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga di-Judio. Tiyak na nakita rin ang damdaming ito sa ekspresyon ng kaniyang mukha at tono ng boses.

Imbes na magdamdam, mapagpakumbabang sinabi ng babae: “Oo, Panginoon, pero kinakain ng maliliit na aso ang mga mumo na nalalaglag mula sa mesa ng mga amo nila.” Nakita ni Jesus ang mabuting puso ng babae at sinabi: “Malaki ang pananampalataya mo; mangyari nawa ang hinihiling mo.” (Mateo 15:27, 28) At iyon nga ang nangyari, kahit wala roon ang anak ng babae! Pag-uwi niya, nakita niyang nakahiga ang kaniyang anak at magaling na—“wala na ang demonyo”!—Marcos 7:30.

Mula sa rehiyon ng Fenicia, lumilitaw na tumawid si Jesus at ang mga alagad sa Ilog Jordan, hilaga ng Lawa ng Galilea, at pumunta sa rehiyon ng Decapolis. Doon, umakyat sila sa bundok, pero nasundan sila ng mga tao. Inilagay nila sa paanan ni Jesus ang mga pilay, baldado, bulag, at pipi, at pinagaling niya sila. Namangha ang mga tao at niluwalhati ang Diyos ng Israel.

Isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita ang binigyan ni Jesus ng espesyal na atensiyon. Malamang na hindi ito sanay sa maraming tao. Marahil ay nakita ni Jesus na kabadong-kabado ang lalaki, kaya isinama niya ito palayo sa mga tao. Nang silang dalawa na lang, isinenyas ni Jesus sa lalaki ang gagawin niya rito. Inilagay niya ang mga daliri niya sa tainga nito, at matapos dumura, hinipo niya ang dila nito. Tumingala siya sa langit at bumigkas ng salitang Semitiko na nangangahulugang “Mabuksan ka.” Nakarinig ang lalaki at nakapagsalita nang normal. Ayaw ni Jesus na mapabalita ito dahil gusto niyang maniwala ang mga tao sa kaniya base sa personal nilang nakita at narinig.—Marcos 7:32-36.

Malaki ang epekto ng mga himala ni Jesus sa mga nakakita nito, at “talagang namangha sila.” Sinabi nila: “Kahanga-hanga ang lahat ng ginagawa niya. Napagagaling niya kahit ang mga pipi at bingi.”—Marcos 7:37.