Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 71

Kinompronta ng mga Pariseo ang Lalaking Dating Bulag

Kinompronta ng mga Pariseo ang Lalaking Dating Bulag

JUAN 9:19-41

  • KINOMPRONTA NG MGA PARISEO ANG LALAKING DATING BULAG

  • “BULAG” ANG MGA LIDER NG RELIHIYON

Ayaw maniwala ng mga Pariseo na pinagaling ni Jesus ang lalaking ipinanganak na bulag, kaya ipinatawag nila ang mga magulang nito. Alam ng mga magulang ng lalaki na baka “itiwalag [sila] mula sa sinagoga.” (Juan 9:22) Kapag nangyari iyon, iiwasan sila ng mga tao at mawawalan ng hanapbuhay.

Nagtanong ang mga Pariseo: “Ito ba ang anak ninyo? Ipinanganak ba siyang bulag? Paano nangyari na nakakakita na siya ngayon?” Sumagot ang mga magulang: “Siya nga ang anak namin at ipinanganak siyang bulag. Pero hindi namin alam kung paano nangyaring nakakakita na siya ngayon. Hindi rin namin alam kung sino ang nagpagaling sa kaniya.” Sinabi man ng kanilang anak kung ano ang nangyari sa kaniya, maingat pa ring sumagot ang mga magulang: “Tanungin ninyo siya. Nasa hustong gulang na siya. Siya ang dapat sumagot sa inyo.”—Juan 9:19-21.

Kaya tinawag uli ng mga Pariseo ang lalaki at tinakot siya sa pagsasabing may ebidensiya sila laban kay Jesus. “Sa harap ng Diyos, magsabi ka ng totoo,” ang sabi nila. “Alam namin na makasalanan ang taong iyon.” Sumagot ang lalaking dating bulag: “Kung makasalanan man siya, hindi ko alam. Pero ito ang alam ko, bulag ako noon at nakakakita na ako ngayon.”—Juan 9:24, 25.

Ayaw pa ring sumuko ng mga Pariseo: “Ano ang ginawa niya? Paano ka niya pinagaling?” Matapang na sumagot ang lalaki: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo nakinig. Bakit gusto ninyong marinig ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” Nagalit ang mga Pariseo at sinabi: “Alagad ka ng taong iyon, pero mga alagad kami ni Moises. Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises, pero kung tungkol sa taong iyon, hindi namin alam kung sino ang nagsugo sa kaniya.”—Juan 9:26-29.

Takang-taka ang lalaki: “Parang ang hirap paniwalaan na hindi ninyo alam kung sino ang nagsugo sa kaniya pero napagaling niya ako.” Gumamit ngayon ang lalaki ng argumento para ipakita kung sino ang pinakikinggan at sinasang-ayunan ng Diyos: “Alam nating hindi nakikinig ang Diyos sa mga makasalanan, pero nakikinig ang Diyos sa mga may takot sa kaniya at gumagawa ng kalooban niya. At ngayon lang may nakapagpagaling sa isang ipinanganak na bulag.” Ito ang konklusyon niya: “Kung hindi mula sa Diyos ang taong ito, wala siyang magagawang anuman.”—Juan 9:30-33.

Walang maisagot ang mga Pariseo sa pangangatuwiran ng lalaki kaya nilait nila ito, at sinabi: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na makasalanan?” Pinalayas nila siya.—Juan 9:34.

Nabalitaan ni Jesus ang nangyari, at nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito: “Nananampalataya ka ba sa Anak ng tao?” Sumagot ito: “Sino siya, Ginoo, para manampalataya ako sa kaniya?” Direktang sinabi ni Jesus: “Nakita mo na siya, at ang totoo, siya ang kausap mo ngayon.”—Juan 9:35-37.

Sumagot ang lalaki: “Nananampalataya ako sa kaniya, Panginoon,” at yumukod ang lalaki kay Jesus. Sa gayon, sinabi ni Jesus: “Dumating ako sa mundong ito para mahatulan ang mga tao, para makakita ang mga hindi nakakakita at maging bulag ang mga nakakakita.”—Juan 9:38, 39.

Alam ng mga Pariseong naroon na hindi sila bulag. Pero kumusta ang sinasabi nilang papel bilang mga espirituwal na tagaakay? Sinabi ng mga Pariseo: “Mga bulag din ba kami?” Sumagot si Jesus: “Kung mga bulag kayo, wala kayong kasalanan. Pero sinasabi ninyo ngayon, ‘Nakakakita kami.’ Nananatili ang kasalanan ninyo.” (Juan 9:40, 41) Kung hindi sana sila mga guro sa Israel, may dahilan sila para hindi nila makilalang si Jesus ang Mesiyas. Pero alam nila ang Kautusan, kaya ang hindi nila pagkilala kay Jesus ay isang malaking kasalanan.