KABANATA 80
Ang Mabuting Pastol at ang mga Kulungan ng Tupa
-
ANG SINABI NI JESUS TUNGKOL SA MABUTING PASTOL AT MGA KULUNGAN NG TUPA
Habang nagtuturo si Jesus sa Judea, bumanggit siya ng bagay na pamilyar sa mga tagapakinig—ang tupa at ang mga kulungan ng tupa. Pero makasagisag ang sinasabi niya. Malamang na naalala ng mga Judio ang sinabi ni David: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman. Pinahihiga niya ako sa madamong mga pastulan.” (Awit 23:1, 2) Sa isa pang awit, nag-anyaya si David: “Lumuhod tayo sa harap ni Jehova na ating Maylikha. Sapagkat siya ang ating Diyos, at tayo ang bayan ng kaniyang pastulan.” (Awit 95:6, 7) Oo, noon pa man, inihahalintulad na sa isang kawan ng tupa ang mga Israelitang nasa ilalim ng Kautusan.
Ang mga Israelita ay mga “tupa” na nasa “kulungan” dahil sila ay ipinanganak sa ilalim ng tipan ng Kautusang Mosaiko. Ang Kautusan ay nagsilbing bakod na naghihiwalay sa kanila sa masasamang gawain ng mga tao na wala sa ilalim nito. Pero pinagmamalupitan ng ilang Israelita ang kawan ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa kulungan ng tupa na hindi dumaraan sa pinto kundi umaakyat sa bakod ay isang magnanakaw at mandarambong. Pero ang dumaraan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa.”—Juan 10:1, 2.
Maaaring naalala ng mga tao ang mga nagpanggap na Mesiyas, o Kristo. Gaya sila ng mga magnanakaw at mandarambong. Hindi dapat sundan ng mga tao ang gayong mga impostor. Sa halip, dapat nilang sundan ang “pastol ng mga tupa.” Sinabi ni Jesus tungkol sa pastol:
“Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang tinig niya. Tinatawag niya sa pangalan ang kaniyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag nailabas na niya ang lahat ng tupa niya, pumupunta siya sa unahan nila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa dahil kilala nila ang tinig niya. Hindi nila sinusundan ang ibang tao, kundi lumalayo sila rito dahil hindi nila kilala ang tinig ng ibang tao.”—Juan 10:3-5.
Gaya ng bantay sa pinto, sinabi noon ni Juan Bautista na si Jesus ang dapat sundan ng makasagisag na mga tupa na nasa ilalim ng Kautusan. At nakilala ng ilang tupa, sa Galilea at dito mismo sa Judea, ang tinig ni Jesus. Saan niya sila “inaakay”? At ano ang resulta ng pagsunod sa kaniya? Palaisipan sa ilan ang ilustrasyon. “Hindi nila iyon naintindihan.”—Juan 10:6.
Ipinaliwanag ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, ako ang pinto para sa mga tupa. Ang lahat ng dumarating na kahalili ko ay mga magnanakaw at mandarambong; pero hindi nakikinig sa kanila ang mga tupa. Ako ang pinto; ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at siya ay papasok at lalabas at makakakita ng madamong pastulan.”—Juan 10:7-9.
Maliwanag, may itinuturong bago si Jesus. Alam ng mga tagapakinig niya na hindi siya ang pinto tungo sa tipang Kautusan, na daan-daang taon nang umiiral. Kaya ang inaakay niyang mga tupa ay papapasukin sa ibang kulungan. Ano ang mangyayari sa kanila?
Bilang karagdagang paliwanag sa papel niya, sinabi ni Jesus: “Dumating ako para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. Ako ang mabuting pastol; ibinibigay ng mabuting pastol ang buhay niya alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:10, 11) Sinabi noon ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag kayong matakot, munting kawan, dahil ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.” (Lucas 12:32) Oo, ang mga kabilang sa “munting kawan” ay ang mga aakayin ni Jesus sa bagong kulungan, “para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan.” Napakalaki ngang pagpapala na mapabilang sa kawang iyon!
Pero hindi lang iyan ang mga tupa ni Jesus. Binanggit niya: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; kailangan ko rin silang akayin, at makikinig sila sa tinig ko, at sila ay magiging iisang kawan sa ilalim ng iisang pastol.” (Juan 10:16) Ang “ibang mga tupa” na ito ay “hindi sa kulungang ito.” Kaya tiyak na may ibang kulungan ang mga ito, hindi kasama sa “munting kawan” na magmamana ng Kaharian. Ang dalawang kulungang ito ay may magkaibang pag-asa. Pero pareho silang makikinabang sa papel ni Jesus. Sinabi niya: “Mahal ako ng Ama dahil ibinibigay ko ang aking buhay.”—Juan 10:17.
Marami ang nagsabi: “Baliw siya at sinasapian ng demonyo.” Pero may mga nakikinig na interesado at gustong sumunod sa Mabuting Pastol. Sinabi ng mga ito: “Hindi ito kayang sabihin ng taong sinasapian ng demonyo. Ang isang demonyo ay hindi nakapagpapagaling ng mga bulag, hindi ba?” (Juan 10:20, 21) Tiyak na ang tinutukoy nila ay ang lalaking ipinanganak na bulag na pinagaling ni Jesus.