KABANATA 83
Imbitasyon sa Salusalo—Sino ang Imbitado ng Diyos?
-
ISANG ARAL SA PAGPAPAKUMBABA
-
INIMBITAHAN PERO NAGDAHILAN
Matapos pagalingin ang isang lalaking minamanas, nasa bahay pa rin ng Pariseo si Jesus. Napansin ni Jesus na pinipili ng mga bisita ang puwesto para sa importanteng mga bisita, at ginamit niya ang pagkakataon para magturo ng kapakumbabaan.
“Kapag may nag-imbita sa iyo sa isang handaan sa kasal,” ang sabi ni Jesus, “huwag mong piliin ang mga upuan para sa importanteng mga bisita. Baka may inimbitahan siya na mas prominente kaysa sa iyo. Kaya lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ At mapapahiya ka at lilipat sa pinakapangit na puwesto.”—Lucas 14:8, 9.
Idinagdag ni Jesus: “Kapag inimbitahan ka, umupo ka sa pinakapangit na puwesto. At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas magandang puwesto.’ Sa gayon, mapararangalan ka sa harap ng lahat ng bisita.” Higit pa sa pagpapakita ng kagandahang-asal ang sinasabi niya. Ipinaliwanag ni Jesus: “Dahil ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Lucas 14:10, 11) Oo, hinihimok ni Jesus ang mga tagapakinig na maging mapagpakumbaba.
Isa pang aral ang ibinigay ni Jesus sa Pariseong nag-imbita sa kaniya—kung paano mapasasaya ang Diyos kapag nag-iimbita sa salusalo. “Kapag naghanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mong tawagin ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, o mayayaman mong kapitbahay. Dahil baka imbitahan ka rin nila, at masusuklian na ang ginawa mo. Sa halip, kapag naghanda ka, imbitahan mo ang mahihirap, mga pilay, mga bulag, at iba pang may kapansanan; at magiging maligaya ka, dahil wala silang maisusukli sa iyo.”—Lucas 14:12-14.
Natural lang na mag-imbita ng mga kaibigan, kamag-anak, o kapitbahay sa isang salusalo, at hindi naman sinabi ni Jesus na masama iyon. Pero idiniin niya na ang paghahanda ng salusalo para sa mahihirap, mga pilay, o mga bulag ay saganang pagpapalain. Ipinaliwanag ni Jesus sa nag-imbita sa kaniya: “Susuklian ka sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid.” Sang-ayon dito ang isang bisita, na nagsabi: “Maligaya siya na kumakain sa Kaharian ng Diyos.” (Lucas 14:15) Nakita ng bisitang ito kung gaano kalaking pribilehiyo iyon. Pero hindi lahat ay nagpapahalaga, gaya ng sumunod na ilustrasyon ni Jesus:
“May isang tao na naghanda ng isang engrandeng hapunan, at marami siyang inimbitahan. . . . Isinugo niya ang kaniyang alipin para sabihin sa mga inimbitahan, ‘Halikayo, dahil nakahanda na ang lahat.’ Pero nagdahilan silang lahat. Sinabi ng isa, ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong magpunta roon para tingnan iyon; pasensiya ka na, hindi ako makakapunta.’ At sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang pares ng baka at kailangan kong masubukan ang mga iyon; pasensiya ka na, hindi ako makakapunta.’ Sinabi naman ng isa, ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’”—Lucas 14:16-20.
Napakababaw na dahilan! Bago bumili ng bukid o baka, karaniwan nang tinitingnan muna ito ng bibili, kaya hindi niya kailangang puntahan ito agad pagkabili niya. Ang ikatlong lalaki ay hindi naghahanda ng kasal. Kasal na siya, kaya hindi dahilan iyon para tanggihan ang importanteng imbitasyon. Nagalit ang panginoon sa mga dahilang ito at sinabi sa alipin:
“Dali, pumunta ka sa malalapad na daan at mga kalye ng lunsod, at isama mo rito ang mahihirap, mga bulag, mga pilay, at iba pang may kapansanan.” Sumunod ang alipin, pero may bakante pa. Kaya sinabi ng panginoon: “Pumunta ka sa mga lansangan at mga daan, at pilitin mo silang pumasok sa bahay ko para mapuno ito. Dahil sinasabi ko sa inyo, walang isa man sa mga inimbitahan Lucas 14:21-24.
ko ang makakatikim ng inihanda kong hapunan.”—Nailarawan sa ilustrasyon ni Jesus ang pag-iimbita ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ng mga makakasama sa Kaharian ng langit. Ang mga Judio, partikular na ang mga lider ng relihiyon, ang unang inimbitahan. Pero sa panahon ng ministeryo ni Jesus, tinanggihan ng karamihan sa kanila ang imbitasyon. Pero hindi lang sila ang inimbitahan. Ipinakita ni Jesus na sa hinaharap, magpapadala ng ikalawang imbitasyon para sa ordinaryong mga Judio at proselita. Pagkatapos, may ikatlo at huli pang imbitasyon na para naman sa mga taong itinuturing ng mga Judio na hindi karapat-dapat sa Diyos.—Gawa 10:28-48.
Oo, pinatutunayan ng mga salita ni Jesus ang sinabi ng isang bisita: “Maligaya siya na kumakain sa Kaharian ng Diyos.”