KABANATA 132
“Tiyak na ang Taong Ito ang Anak ng Diyos”
MATEO 27:45-56 MARCOS 15:33-41 LUCAS 23:44-49 JUAN 19:25-30
-
NAMATAY SI JESUS SA TULOS
-
DI-PANGKARANIWANG PANGYAYARI NANG MAMATAY SI JESUS
Ngayon ay “ikaanim na oras” na, o tanghaling tapat. Nagdilim ang buong lupain “hanggang sa ikasiyam na oras,” o alas tres ng hapon. (Marcos 15:33) Ang nakapangingilabot na kadilimang ito ay hindi dahil sa eklipseng solar, na nangyayari lang kapag panahon ng bagong buwan. Pero ngayon ay panahon ng Paskuwa, at kabilugan ng buwan. At ang kadilimang ito ay di-hamak na mas matagal kaysa sa eklipse. Tiyak na ang Diyos ang gumawa ng kadilimang ito!
Gunigunihin ang epekto nito sa mga nang-iinsulto kay Jesus. Nang mga oras na ito, apat na babae ang lumapit sa pahirapang tulos—ang ina ni Jesus, si Salome, si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago na Nakabababa.
Kasama ng nagdadalamhating ina ni Jesus si apostol Juan “sa tabi ng pahirapang tulos.” Pinagmamasdan ni Maria ang anak na isinilang niya at pinalaki, na ngayon ay naghihirap sa tulos. Para siyang sinasaksak ng “isang mahabang espada.” (Juan 19:25; Lucas 2:35) Kahit hiráp na hiráp si Jesus, kapakanan pa rin ng kaniyang ina ang iniisip niya. Pinilit tumango ni Jesus para ituro si Juan sa kaniyang ina at sinabi rito: “Tingnan mo! Ang iyong anak!” Pagkatapos, tumango ulit siya para ituro naman ang kaniyang ina kay Juan, at sinabi rito: “Tingnan mo! Ang iyong ina!”—Juan 19:26, 27.
Inihabilin ni Jesus sa minamahal niyang apostol ang kaniyang ina, na maliwanag na biyuda na ngayon. Alam ni Jesus na hindi pa nananampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya sa ina. Kaya tiniyak niyang may mag-aaruga sa kaniyang ina at maglalaan ng espirituwal na pangangailangan nito. Napakaganda ngang halimbawa!
Noong mga alas tres ng hapon, sinabi ni Jesus: “Nauuhaw ako.” Dito, isa pang hula ang tinupad ni Jesus. (Juan 19:28; Awit 22:15) Naramdaman ni Jesus na hindi siya poprotektahan ng kaniyang Ama sa pagkakataong ito, para lubusang masubok ang katapatan niya. Sumigaw si Kristo, marahil ay sa Aramaiko ng Galilea: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na nangangahulugang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” May ilang nakatayo sa malapit na nagsabi: “Tingnan ninyo! Tinatawag niya si Elias.” Isa sa kanila ang tumakbo at isinawsaw sa maasim na alak ang isang espongha na nakakabit sa dulo ng isang tambo, at ibinigay kay Jesus para painumin. Pero may nagsabi: “Tingnan lang natin kung darating si Elias para ibaba siya.”—Marcos 15:34-36.
Pagkatapos, sumigaw si Jesus: “Naganap na!” (Juan 19:30) Oo, naganap niya, o nagampanan, ang lahat ng iniutos ng kaniyang Ama na gawin niya dito sa lupa. Panghuli, sinabi ni Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.” (Lucas 23:46) Sa gayon, ipinaubaya ni Jesus kay Jehova ang kaniyang buhay, buo ang tiwalang ibabalik ito ng Diyos. Pagkatapos, yumuko siya at namatay.
Nang oras na iyon, lumindol nang napakalakas at nabiyak ang mga bato. Sa lakas ng lindol, nagiba ang mga libingan sa labas ng Jerusalem at tumilapon ang mga bangkay. Nang makita ng mga dumaraan ang mga bangkay, pumasok sila sa “banal na lunsod” at ibinalita ang nakita nila.—Mateo 27:51-53.
Noong mamatay si Jesus, nahati mula taas hanggang baba ang makapal at mahabang kurtina Hebreo 9:2, 3; 10:19, 20.
sa templo ng Diyos na nagbubukod sa Banal at sa Kabanal-banalang silid. Ang kamangha-manghang pangyayaring ito ay kapahayagan ng galit ng Diyos sa mga pumatay sa kaniyang Anak. Ipinakikita rin nito na ang daan tungo sa Kabanal-banalan, sa langit, ay bukás na.—Takót na takót ang mga tao. Sinabi ng opisyal ng hukbo na nangasiwa sa pagpatay: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.” (Marcos 15:39) Malamang na nandoon siya nang litisin si Jesus sa harap ni Pilato tungkol sa isyu ng pagiging Anak ng Diyos. Ngayon, kumbinsido ang opisyal na si Jesus ay walang kasalanan at na siya nga ang Anak ng Diyos.
Dahil sa di-pangkaraniwang mga pangyayaring ito, ang iba ay umuwi sa kani-kanilang bahay, na “sinusuntok ang dibdib,” tanda ng matinding pamimighati at pagkapahiya. (Lucas 23:48) Kabilang sa mga nagmamasid mula sa malayo ang maraming alagad na babae na nakasama ni Jesus sa paglalakbay. Malaki rin ang naging epekto sa kanila ng mga pangyayaring ito.