KABANATA 114
Pagdating ni Kristo, Hahatulan Niya ang mga Tupa at Kambing
-
INILAHAD NI JESUS ANG ILUSTRASYON TUNGKOL SA MGA TUPA AT KAMBING
Habang nasa Bundok ng mga Olibo, ibinigay ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga at mga talento. Paano tinapos ni Jesus ang sagot niya sa tanong tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya at ng katapusan ng sistemang ito? Nagbigay siya ng huling ilustrasyon; tungkol ito sa mga tupa at kambing.
Sinimulan ito ni Jesus sa pagbanggit sa tagpo, na sinasabi: “Sa pagdating ng Anak ng tao na may malaking awtoridad, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mateo 25:31) Maliwanag sa mga salita ni Jesus na siya ang pangunahing tauhan sa ilustrasyon. Madalas niyang tukuyin ang sarili bilang “ang Anak ng tao.”—Mateo 8:20; 9:6; 20:18, 28.
Kailan matutupad ang ilustrasyong ito? Ito ay sa “pagdating” ni Jesus “na may malaking awtoridad” kasama ang mga anghel at pag-upo niya “sa kaniyang maluwalhating trono.” Dati na niyang binanggit ang tungkol sa “Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” at kasama ang mga anghel. Kailan mangyayari iyon? “Agad-agad pagkatapos ng kapighatian.” (Mateo 24:29-31; Marcos 13:26, 27; Lucas 21:27) Kaya ang ilustrasyong ito ay matutupad sa hinaharap pagdating ni Jesus na may malaking awtoridad. Ano ang susunod na gagawin niya?
Ipinaliwanag ni Jesus: “Sa pagdating ng Anak ng tao . . . , ang lahat ng bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukod-bukurin niya ang mga tao, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, pero ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”—Mateo 25:31-33.
Tungkol sa mga tupang inilagay sa kanan, sinabi ni Jesus: “Pagkatapos, sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang Kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa pasimula ng sangkatauhan.’Mateo 25:34) Bakit pinagpala ng Hari ang mga tupa?
” (Ipinaliwanag ng Hari: “Nang magutom ako, binigyan ninyo ako ng makakain; nang mauhaw ako, binigyan ninyo ako ng maiinom. Tagaibang bayan ako, at pinatuloy ninyo ako sa bahay ninyo. Hubad ako at dinamtan ninyo. Nagkasakit ako at inalagaan ninyo. Nabilanggo ako at dinalaw ninyo.” Kapag ang mga tupa, “ang mga matuwid,” ay nagtanong kung paano nila nagawa ang mabubuting bagay na ito, sasagot ang Hari: “Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamababa sa mga kapatid ko ay ginawa ninyo sa akin.” (Mateo 25:35, 36, 40, 46) Hindi nila sa langit ginawa ang kabutihang ito dahil wala namang nagkakasakit o nagugutom doon. Tiyak na sa mga kapatid ni Kristo dito sa lupa ginawa ang kabutihang ito.
Ano naman ang mangyayari sa mga kambing, na inilagay sa kaliwa? Sinabi ni Jesus: “Pagkatapos, sasabihin naman [ng Hari] sa mga nasa kaliwa niya: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa, papunta sa walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa mga anghel niya. Dahil nang magutom ako, hindi ninyo ako binigyan ng makakain; at nang mauhaw ako, hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. Tagaibang bayan ako, pero hindi ninyo ako pinatuloy sa bahay ninyo. Nakita ninyo akong hubad, pero hindi ninyo ako dinamtan; may sakit at nakabilanggo, pero hindi ninyo ako inalagaan.’” (Mateo 25:41-43) Tama lang sa mga kambing ang hatol na ito dahil hindi nila ginawan ng mabuti ang mga kapatid ni Kristo dito sa lupa.
Naunawaan ng mga apostol na ang epekto ng paghatol na ito sa hinaharap ay permanente—walang hanggan. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sasagot [ang Hari] sa kanila: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang hindi ninyo ginawa sa isa sa mga pinakamababang ito ay hindi ninyo ginawa sa akin.’ Sila ay parurusahan ng walang-hanggang kamatayan, pero ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”—Mateo 25:45, 46.
Magandang pag-isipan ng mga tagasunod ni Jesus ang sagot niya sa tanong ng mga apostol para masuri nila ang kanilang saloobin at ginagawa.