KABANATA 124
Tinraidor si Kristo at Inaresto
MATEO 26:47-56 MARCOS 14:43-52 LUCAS 22:47-53 JUAN 18:2-12
-
TINRAIDOR NI HUDAS SI JESUS SA HARDIN
-
TINAGPAS NI PEDRO ANG TAINGA NG ISANG LALAKI
-
INARESTO SI JESUS
Lampas hatinggabi na. Nagkasundo ang mga saserdote na bayaran si Hudas ng 30 pirasong pilak para traidurin si Jesus. Isang malaking grupo ng mga punong saserdote at Pariseo ang kasama ni Hudas sa paghahanap kay Jesus. Kasama rin nila ang isang hukbo ng armadong sundalong Romano at ang kumandante nito.
Lumilitaw na nang paalisin ni Jesus si Hudas noong hapunan ng Paskuwa, nagpunta agad ito sa mga punong saserdote. (Juan 13:27) Tinipon nila ang mga guwardiya nila at isang pangkat ng mga sundalo. Maaaring dinala muna sila ni Hudas sa silid kung saan ipinagdiwang ni Jesus at ng mga apostol ang Paskuwa. Pero ngayon, tumawid ang grupong kasama ni Hudas sa Lambak ng Kidron at papunta na sa hardin. Bukod sa mga sandata, may dala silang mga lampara at sulo; determinado silang hanapin si Jesus.
Nasa unahan ng grupo si Hudas papunta sa Bundok ng mga Olibo dahil alam niya kung saan nila makikita si Jesus. Noong nagdaang linggo, habang pabalik-balik si Jesus at ang mga apostol sa Betania at Jerusalem, madalas silang huminto sa hardin ng Getsemani. Pero gabi na, at maaaring natatakpan si Jesus ng anino ng mga puno ng olibo sa hardin. Kaya paano siya makikilala ng mga sundalong maaaring hindi pa siya nakita kahit kailan? Binigyan sila ni Hudas ng tanda. Sinabi nito: “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon; dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.”—Marcos 14:44.
Nakita ni Hudas si Jesus sa hardin kasama ang mga apostol, at agad nitong nilapitan si Jesus. “Magandang gabi, Rabbi!” ang sabi ni Hudas, sabay halik kay Jesus. “Kaibigan, bakit ka nandito?” ang sabi ni Jesus. (Mateo 26:49, 50) Sinagot ni Jesus ang sariling tanong at sinabi: “Hudas, tinatraidor mo ba ang Anak ng tao sa pamamagitan ng isang halik?” (Lucas 22:48) Pero hindi na mahalaga kay Jesus ang sagot ng traidor na ito!
Nagpakita ngayon si Jesus sa grupo, sa liwanag ng dala nilang mga sulo at lampara, at nagtanong: “Sino ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila: “Si Jesus na Nazareno.” Buong-tapang na sinabi ni Jesus: “Ako ang hinahanap ninyo.” (Juan 18:4, 5) Nagulat ang mga lalaki kaya napaatras sila at natumba.
Imbes na tumakas, muling nagtanong si Jesus kung sino ang hinahanap nila. Nang sabihin nilang “si Jesus na Nazareno,” kalmado siyang sumagot: “Sinabi ko na sa inyo na ako iyon. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga lalaking ito.” Kahit sa kritikal na sandaling iyon, naalala ni Jesus ang sinabi niyang wala siyang maiwawalang sinuman. (Juan 6:39; 17:12) Naingatan ni Jesus ang kaniyang tapat na mga apostol at walang isa man sa kanila ang nawala maliban sa “anak ng pagkapuksa”—si Hudas. (Juan 18:7-9) Kaya nakiusap siya na hayaang umalis ang tapat na mga tagasunod niya.
Nang tumayo at lumapit ang mga sundalo kay Jesus, saka lang napag-isip-isip ng mga apostol ang nangyayari. “Panginoon, gagamitin na ba namin ang espada?” tanong nila. (Lucas 22:49) Bago pa man makasagot si Jesus, humugot ng isang espada si Pedro at tinagpas ang kanang tainga ni Malco, na alipin ng mataas na saserdote.
Hinipo ni Jesus ang tainga ni Malco at pinagaling ang sugat. Pagkatapos, isang mahalagang aral ang itinuro ni Jesus nang utusan niya si Pedro: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa pamamagitan ng espada.” Handang magpaaresto si Jesus. Sinabi niya: “Paano matutupad ang sinasabi ng Kasulatan na dapat itong mangyari sa ganitong paraan?” (Mateo 26:52, 54) Idinagdag pa niya: “Hindi ko ba dapat inuman ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama?” (Juan 18:11) Sang-ayon si Jesus sa kalooban ng Diyos para sa kaniya, kahit kamatayan pa ito.
Tinanong ni Jesus ang grupong nandoon: “Ako Mateo 26:55, 56.
ba ay isang magnanakaw at may dala pa kayong mga espada at mga pamalo para arestuhin ako? Araw-araw akong nakaupo noon sa templo at nagtuturo, pero hindi ninyo ako dinarakip. Pero ang lahat ng ito ay nangyari para matupad ang isinulat ng mga propeta.”—Sinunggaban si Jesus ng hukbo, ng kumandante, at ng mga guwardiya at tinalian siya. Nang makita ito ng mga apostol, tumakas sila. Pero “isang kabataang lalaki”—marahil ay si Marcos—ang nanatili at humalo sa grupo para masundan si Jesus. (Marcos 14:51) Nakilala ng mga tao ang kabataang ito at nang tangkain nilang dakpin siya, nahubad ang kaniyang damit na lino at tumakas.