Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 137

Daan-daan ang Nakakita sa Kaniya Bago ang Pentecostes

Daan-daan ang Nakakita sa Kaniya Bago ang Pentecostes

MATEO 28:16-20 LUCAS 24:50-52 GAWA 1:1-12; 2:1-4

  • NAGPAKITA SI JESUS SA MARAMI

  • UMAKYAT SIYA SA LANGIT

  • IBINUHOS NI JESUS ANG BANAL NA ESPIRITU SA 120 ALAGAD

Matapos buhaying muli si Jesus, pinapunta niya ang 11 apostol sa isang bundok sa Galilea para makita siya. Nandoon din ang ibang alagad, mga 500, na ang ilan ay may duda noong una. (Mateo 28:17; 1 Corinto 15:6) Pero makakatulong ang sasabihin ngayon ni Jesus para makumbinsi ang bawat isa na talagang buháy siya.

Ipinaliwanag ni Jesus na ibinigay na sa kaniya ng Diyos ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa. “Kaya humayo kayo,” ang sabi niya, “at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:18-20) Oo, buháy si Jesus at interesado siyang maipangaral ang mabuting balita.

Lahat ng tagasunod ni Jesus—mga lalaki, babae, at bata—ay inatasang gumawa ng alagad. May sasalansang sa pangangaral at pagtuturo nila, pero tiniyak ni Jesus: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” Ano ang ibig sabihin niyan? Sinabi niya: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” Hindi sinasabi ni Jesus na lahat ng mangangaral ng mabuting balita ay makakagawa ng himala. Pero tutulungan sila ng banal na espiritu.

Nagpakita si Jesus sa mga alagad “sa loob ng apatnapung araw” matapos siyang buhaying muli. Nagpakita siya na nasa iba’t ibang katawang laman at “sa pamamagitan ng maraming tiyak na patotoo ay nagpakita siyang buháy,” na tinuturuan sila “tungkol sa kaharian ng Diyos.”—Gawa 1:3; 1 Corinto 15:7.

Lumilitaw na nasa Galilea pa rin ang mga apostol nang utusan sila ni Jesus na bumalik sa Jerusalem. Nang makipagkita siya sa kanila sa lunsod, sinabi niya: “Huwag kayong umalis sa Jerusalem, kundi patuloy ninyong hintayin yaong ipinangako ng Ama, na siyang narinig ninyo sa akin; sapagkat si Juan ay nagbautismo nga ng tubig, ngunit kayo ay babautismuhan sa banal na espiritu hindi maraming araw pagkatapos nito.”—Gawa 1:4, 5.

Nang maglaon, nagpakita ulit si Jesus sa mga apostol. Isinama niya sila “hanggang sa Betania,” sa silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo. (Lucas 24:50) Sa kabila ng lahat ng sinabi ni Jesus tungkol sa pag-alis niya, naniniwala pa rin ang mga alagad na ang Kaharian niya ay itatatag dito sa lupa.—Lucas 22:16, 18, 30; Juan 14:2, 3.

Tinanong ng mga apostol si Jesus: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Sumagot siya: “Hindi nauukol sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.” Pagkatapos, muli niyang idiniin ang gawaing dapat nilang gawin: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:6-8.

Nasa Bundok ng mga Olibo ang mga apostol kasama ng binuhay-muling si Jesus nang magsimula siyang umakyat sa langit hanggang sa tumakip ang isang ulap at hindi na nila siya nakita. Matapos buhaying muli, nagkatawang-tao si Jesus. Pero naglaho ang katawang ginamit niya sa pagkakataong ito, at umakyat siya sa langit bilang isang espiritung nilalang. (1 Corinto 15:44, 50; 1 Pedro 3:18) Habang sinusundan siya ng tingin ng tapat na mga apostol, “dalawang lalaki na may mapuputing kasuutan” ang tumayo sa tabi nila. Mga anghel sila na nagkatawang-tao. Nagtanong sila: “Mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa kalangitan? Ang Jesus na ito na tinanggap sa kalangitan mula sa inyo ay gayon darating sa katulad na paraan kung paanong nakita ninyo siyang pumaparoon sa kalangitan.”—Gawa 1:10, 11.

Umalis si Jesus sa lupa na hindi hayag sa publiko; mga tapat na tagasunod lang niya ang nakakita nito. Babalik siya “sa katulad na paraan”—nang hindi hayag sa publiko, at mga tapat na tagasunod lang niya ang makakaalam ng kaniyang presensiya bilang Hari sa Kaharian.

Bumalik sa Jerusalem ang mga apostol. Nang sumunod na mga araw, nakipagtipon sila sa iba pang alagad, kasama na “si Maria na ina ni Jesus at . . . ang kaniyang mga kapatid.” (Gawa 1:14) Patuloy silang nanalangin. Isa sa ipinanalangin nila ay ang pagpili sa papalit kay Hudas Iscariote para maibalik sa 12 ang bilang ng mga apostol. (Mateo 19:28) Ang gusto nilang mapili ay yaong nakasaksi sa mga gawain at pagkabuhay-muli ni Jesus. Nagpalabunutan sila para malaman ang kalooban ng Diyos—ito ang huling pagbanggit sa Bibliya ng paggamit ng palabunot. (Awit 109:8; Kawikaan 16:33) Si Matias, na maaaring isa sa 70 na isinugo ni Jesus, ang napili at “ibinilang siyang kasama ng labing-isang apostol.”—Gawa 1:26.

Sampung araw makalipas ang pag-akyat ni Jesus sa langit, naganap ang Judiong Kapistahan ng Pentecostes 33 C.E. Mga 120 alagad ang sama-sama sa isang silid sa Jerusalem. Biglang nagkaroon ng ingay sa buong bahay na gaya ng malakas na hangin. May lumitaw na mga dilang gaya ng apoy sa uluhan ng bawat isang nandoon. Nakapagsalita ng iba’t ibang wika ang lahat ng alagad. Ito ang pagbubuhos ng banal na espiritu na ipinangako ni Jesus!—Juan 14:26.