KABANATA 115
Malapit Na ang Huling Paskuwa ni Jesus
MATEO 26:1-5, 14-19 MARCOS 14:1, 2, 10-16 LUCAS 22:1-13
-
BINAYARAN SI HUDAS ISCARIOTE PARA TRAIDURIN SI JESUS
-
NAGHANDA PARA SA PASKUWA ANG DALAWANG APOSTOL
Tapos nang magturo si Jesus sa apat na apostol sa Bundok ng mga Olibo, at nasagot na niya ang mga tanong nila tungkol sa kaniyang presensiya sa hinaharap at sa katapusan ng sistemang ito.
Punong-puno ng aktibidad ang Nisan 11! Malamang na pabalik na sila sa Betania para magpalipas ng gabi nang sabihin ni Jesus sa mga apostol: “Alam ninyo na dalawang araw na lang ay Paskuwa na, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kaaway para ibayubay sa tulos.”—Mateo 26:2.
Kinabukasan, Miyerkules, lumilitaw na ang mga apostol lang ang kasama ni Jesus. Araw ng Martes nang sawayin niya ang mga lider ng relihiyon at ilantad ang tunay na kulay nila. Gusto nilang patayin siya. Kaya hindi siya nagpakita sa marami noong Nisan 12, para walang makahadlang sa kaniya na ipagdiwang ang Paskuwa kasama ng mga apostol pagkalubog ng araw nang sumunod na gabi, ang pasimula ng Nisan 14.
Pero hindi mapakali ang mga punong saserdote at ang matatandang lalaki bago ang Paskuwa. Nagtipon sila sa looban ng bahay ng mataas na saserdoteng si Caifas. Bakit? Galít sila kay Jesus dahil sirang-sira na sila sa mga tao. Ngayon, “nagsabuwatan sila para madakip si Jesus sa tusong paraan at mapatay siya.” Paano nila ito gagawin, at kailan? Sinabi nila: “Huwag sa kapistahan. Baka magkagulo ang mga tao.” (Mateo 26:4, 5) Natatakot sila dahil marami ang nakikinig kay Jesus.
Pagkatapos, may bisitang dumating—si Hudas Iscariote, isa sa mga apostol ni Jesus. Naitanim ni Satanas sa isip ni Hudas na traidurin ang Panginoon niya! Tinanong sila ni Hudas: “Ano ang ibibigay ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip siya?” (Mateo 26:15) Natuwa ang mga lider ng relihiyon, at “nagkasundo silang bigyan siya ng perang pilak.” (Lucas 22:5) Magkano? Napagkaisahan nilang bigyan siya ng 30 pirasong pilak. Kapansin-pansin ito dahil ang halaga ng isang alipin ay 30 siklo. (Exodo 21:32) Talagang hinahamak nila si Jesus, at ganoon lang kaliit ang halaga niya sa kanila. Mula noon, si Hudas ay “naghanap ng magandang pagkakataon para ibigay siya sa kaaway nang hindi nakikita ng mga tao.”—Lucas 22:6.
Nagsimula ang Nisan 13 pagkalubog ng araw ng Miyerkules, at ito ang ikaanim at huling araw ni Jesus sa Betania. Kinabukasan, kailangan nang maghanda para sa Paskuwa. Kailangan nila ng korderong kakatayin at iihawin nang buo kapag nagsimula na ang Nisan 14. Saan sila kakain, at sino ang maghahanda? Hindi pa nagbigay ng detalye si Jesus. Kaya walang maibabalita si Hudas sa mga punong saserdote.
Malamang na Huwebes ng hapon nang utusan ni Jesus sina Pedro at Juan mula sa Betania, na sinasabi: “Ihanda na ninyo ang hapunan para sa Paskuwa na kakainin natin.” Sumagot sila: “Saan mo kami gustong maghanda nito?” Sinabi ni Jesus: “Kapag pumasok kayo sa lunsod, sasalubungin kayo ng isang taong may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya. Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapasabi ng Guro: “Nasaan ang silid para sa bisita kung saan puwede akong kumain ng hapunan para sa Paskuwa kasama ang mga alagad ko?”’ At ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakaayos na. Doon ninyo iyon ihanda.”—Lucas 22:8-12.
Tiyak na alagad ni Jesus ang may-ari ng bahay. Inaasahan niya marahil na hihilingin ni Jesus na gamitin ang bahay niya para sa okasyong ito. Pagdating ng dalawang apostol sa Jerusalem, nakita nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus. Kaya tiniyak nilang maihanda ang kordero at maisaayos ang lahat ng kailangan sa hapunan ng Paskuwa para sa 13 katao—kay Jesus at sa 12 apostol.