Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 103

Muling Nilinis ang Templo

Muling Nilinis ang Templo

MATEO 21:12, 13, 18, 19 MARCOS 11:12-18 LUCAS 19:45-48 JUAN 12:20-27

  • ISINUMPA NI JESUS ANG ISANG PUNO NG IGOS AT NILINIS ANG TEMPLO

  • PARA MABUHAY ANG MARAMI, KAILANGANG MAMATAY SI JESUS

Tatlong gabi nang nasa Betania si Jesus at ang mga alagad mula nang manggaling sila sa Jerico. Ngayon, maaga nang Lunes, Nisan 10, papunta na sila sa Jerusalem. Gutóm si Jesus. Kaya nang makakita siya ng puno ng igos, pinuntahan niya ito. May bunga kaya ito?

Papatapos na ang Marso. Ang panahon ng igos ay Hunyo pa, pero maagang nagkadahon ang puno. Kaya inisip ni Jesus na may bunga na ito. Pero walang bunga. Nakakadaya ang mga dahon nito. Sinabi ngayon ni Jesus: “Mula ngayon, wala nang kakain ng bunga mula sa iyo.” (Marcos 11:14) Agad na natuyot ang puno, pero kinabukasan pa malalaman ang aral mula rito.

Di-nagtagal, nakarating si Jesus at ang mga alagad sa Jerusalem. Nagpunta si Jesus sa templo, na ininspeksiyon niya nang nagdaang hapon. Ngayon, hindi lang siya nag-inspeksiyon; may ginawa siya na kagaya ng ginawa niya tatlong taon na ang nakararaan noong Paskuwa ng 30 C.E. (Juan 2:14-16) Sa pagkakataong ito, pinalayas ni Jesus “ang mga nagtitinda at bumibili sa templo.” Pinagtataob niya ang “mga mesa ng mga tagapagpalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati.” (Marcos 11:15) Kahit ang mga nagdadala ng kagamitan papunta sa kabilang panig ng lunsod ay hindi niya pinayagang makiraan sa looban ng templo.

Bakit ganoon na lang katindi ang ginawa niya sa mga nagpapalit ng pera at nagbebenta ng mga hayop? Sinabi niya: “Hindi ba nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng bansa’? Pero ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.” (Marcos 11:17) Tinawag niyang magnanakaw ang mga taong ito dahil napakataas nilang magpresyo sa mga bumibili ng hayop na panghandog.

Nabalitaan ng mga punong saserdote, eskriba, at mga pinuno ng bayan ang ginawa ni Jesus, at mas pursigido sila ngayon na patayin siya. Pero may problema. Hindi nila alam kung paano nila papatayin si Jesus dahil pinupuntahan siya ng mga tao para makinig.

Hindi lang mga likas na Judio ang nagpunta para sa Paskuwa; may mga proselita rin, o mga nakumberte sa relihiyon ng mga Judio. Kabilang dito ang mga Griego na dumating sa kapistahan para sumamba. Nilapitan nila si Felipe, malamang dahil sa kaniyang Griegong pangalan, para hilinging makita si Jesus. Baka hindi sigurado si Felipe kung tamang pagbigyan ang kanilang hiling kaya kumonsulta siya kay Andres. Dalawa silang nagpunta kay Jesus, na lumilitaw na nasa templo pa rin.

Alam ni Jesus na ilang araw na lang ay mamamatay na siya, kaya hindi na panahon para pagbigyan ang mga taong nag-uusyoso o maging popular sa kanila. Nagbigay siya ng ilustrasyon bilang sagot sa dalawang apostol: “Dumating na ang oras para luwalhatiin ang Anak ng tao. Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi mahulog sa lupa ang isang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong isang butil lang; pero kung mamatay ito, mamumunga ito ng marami.”—Juan 12:23, 24.

Parang walang halaga ang isang butil ng trigo. Pero kapag itinanim ito sa lupa at “mamatay” na isang binhi, sisibol ito at lalaki hanggang sa mamunga nang marami. Sa katulad na paraan, si Jesus ay isang taong perpekto. Pero sa pananatili niyang tapat sa Diyos hanggang kamatayan, siya ang magiging paraan para mabuhay nang walang hanggan ang mga mapagsakripisyong gaya niya. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nagmamahal sa buhay niya ay pupuksa rito, pero kung napopoot ang isa sa buhay niya sa mundong ito, maiingatan niya ito para sa buhay na walang hanggan.”—Juan 12:25.

Pero hindi lang papel niya ang binanggit ni Jesus, dahil sinabi pa niya: “Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.” (Juan 12:26) Ang laking gantimpala! Ang mga pararangalan ng Ama ay makakasama ni Kristo sa Kaharian.

Yamang daranas si Jesus ng matinding pagdurusa at masaklap na kamatayan, sinabi niya: “Ngayon ay nababagabag ako, at ano ang dapat kong sabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito.” Pero hindi gustong iwasan ni Jesus ang kalooban ng Diyos. Idinagdag niya: “Pero ito ang dahilan kung bakit ako dumating, para harapin ang oras na ito.” (Juan 12:27) Sang-ayon si Jesus sa lahat ng layunin ng Diyos, pati na sa sakripisyong kamatayan niya.