KABANATA 134
Walang Laman ang Libingan—Buháy si Jesus!
MATEO 28:3-15 MARCOS 16:5-8 LUCAS 24:4-12 JUAN 20:2-18
-
BINUHAY-MULI SI JESUS
-
MGA PANGYAYARI SA LIBINGAN NI JESUS
-
NAGPAKITA SIYA SA ILANG KABABAIHAN
Gulát na gulát ang mga babae nang makita nilang walang laman ang libingan ni Jesus! Tumakbo si Maria Magdalena papunta “kay Simon Pedro at sa isa pang alagad, na minamahal ni Jesus”—si apostol Juan. (Juan 20:2) Pero ang mga babaeng naiwan sa libingan ay nakakita ng anghel. At may isa pang anghel sa loob mismo ng libingan, na “nakasuot ng mahabang damit na puti.”—Marcos 16:5.
Sinabi sa kanila ng isang anghel: “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ibinayubay sa tulos. Wala siya rito, dahil binuhay siyang muli, gaya ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kaniya. At magmadali kayo at sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli at papunta na siya sa Galilea.” (Mateo 28:5-7) Kaya ang mga babae, “na nanginginig at manghang-mangha,” ay tumakbo para iulat ito sa mga alagad.—Marcos 16:8.
Samantala, nakita ni Maria sina Pedro at Juan. Habang humihingal, sinabi niya: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.” (Juan 20:2) Tumakbo agad sina Pedro at Juan papunta sa libingan. Mas mabilis tumakbo si Juan kaya nauna siyang dumating. Sumilip siya sa libingan at nakita ang telang lino, pero hindi siya pumasok.
Pagdating ni Pedro, dumeretso siya sa loob. Nakita niya ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Pumasok ngayon si Juan, at napatunayang totoo ang ulat ni Maria. Sa kabila ng mga sinabi ni Jesus bago nito, hindi pa rin nila naunawaan na binuhay siyang muli. (Mateo 16:21) Umuwi sila sa bahay na gulong-gulo ang isip. Pero si Maria, na kababalik lang ngayon sa libingan, ay nanatili roon.
Nagpunta naman ang ibang babae sa mga alagad para sabihing binuhay-muli si Jesus. Habang tumatakbo sila, sinalubong sila ni Jesus at sinabi: “Magandang araw!” Lumapit sila at yumukod sa Mateo 28:9, 10.
paanan niya. Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila para makapunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”—Bago nito, nang lumindol at magpakita ang mga anghel, ang mga sundalong nagbabantay sa libingan ay “nanginig . . . sa takot at hindi na makakilos.” Nang mahimasmasan sila, pumasok sila sa lunsod at “ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari.” Nakipagpulong naman ang mga saserdote sa matatandang lalaki ng mga Judio. Nagdesisyon sila na suhulan ang mga sundalo para isekreto ang bagay na ito at sabihin sa mga tao: “Dumating ang mga alagad niya kagabi at ninakaw siya habang natutulog kami.”—Mateo 28:4, 11, 13.
Puwedeng parusahan ng kamatayan ang mga sundalong Romano kapag nakatulog sila habang nagbabantay, kaya nangako ang mga saserdote: “Kung malaman ito ng gobernador, huwag kayong mag-alala dahil kami na ang magpapaliwanag sa kaniya.” (Mateo 28:14) Tinanggap ng mga sundalo ang suhol at sinunod ang utos ng mga saserdote. Kaya kumalat sa mga Judio ang kuwentong ninakaw diumano ang katawan ni Jesus.
Umiiyak pa rin si Maria Magdalena sa libingan. Pagsilip niya sa loob, may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi! Ang isa ay nakaupo sa ulunan kung saan dating nakahimlay ang katawan ni Jesus at ang isa naman ay sa paanan. “Babae, bakit ka umiiyak?” ang tanong nila. Sumagot si Maria: “Kinuha nila ang Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan nila siya dinala.” Paglingon ni Maria, may lalaking nakatayo. Inulit nito ang tanong ng mga anghel at idinagdag: “Sino ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang hardinero ang kausap niya, sinabi ni Maria: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya dinala, at kukunin ko siya.”—Juan 20:13-15.
Ang totoo, ang binuhay-muling si Jesus ang kausap ni Maria, pero hindi niya ito nakilala. Pero nang sabihin nito, “Maria!” agad niyang nakilala na si Jesus ito dahil sa paraan ng pakikipag-usap nito sa kaniya. “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay “Guro!”), ang nasabi ni Maria sa sobrang tuwa. Agad niyang hinawakan si Jesus dahil akala niya, aakyat na si Jesus sa langit. Kaya sinabi ni Jesus: “Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’”—Juan 20:16, 17.
Tumakbo si Maria sa lugar na pinagtitipunan ng mga apostol at ng iba pang alagad. Sinabi niya sa kanila: “Nakita ko ang Panginoon!” gaya ng iniulat ng iba pang babae. (Juan 20:18) Gayunman, inisip nilang “imahinasyon lang ang sinabi ng mga babae.”—Lucas 24:11.