Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 118

Pagtatalo Kung Sino ang Pinakadakila

Pagtatalo Kung Sino ang Pinakadakila

MATEO 26:31-35 MARCOS 14:27-31 LUCAS 22:24-38 JUAN 13:31-38

  • NAGPAYO SI JESUS TUNGKOL SA PAGHAHANGAD NG POSISYON

  • INIHULANG IKAKAILA NI PEDRO SI JESUS

  • SA PAG-IBIG MAKIKILALA ANG MGA TAGASUNOD NI JESUS

Noong huling gabing kasama ni Jesus ang mga apostol, nagpakita siya ng magandang halimbawa ng kapakumbabaan nang hugasan niya ang kanilang mga paa. Bakit angkop ito? Dahil sa isang kahinaan nila. Makadiyos ang mga apostol, pero madalas pa rin nilang pagtalunan kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Marcos 9:33, 34; 10:35-37) Muling lumabas ang kahinaang ito nang gabing iyon.

“Nagkaroon ng matinding pagtatalo-talo sa gitna [ng mga apostol] kung sino sa kanila ang pinakadakila.” (Lucas 22:24) Tiyak na ikinalungkot ito ni Jesus! Ano ang ginawa niya?

Imbes na pagalitan ang mga apostol, matiyagang nangatuwiran si Jesus: “Ang mga hari ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila, at ang mga may awtoridad sa mga tao ay tinatawag na mga Pilantropo. Pero hindi kayo dapat maging gayon. . . . Dahil sino ang mas dakila, ang kumakain o ang nagsisilbi?” Pagkatapos, ipinaalaala ni Jesus sa kanila ang halimbawa niya: “Pero ako ay nagsisilbi sa inyo.”—Lucas 22:25-27.

Kahit may mga kahinaan ang mga apostol, nanatili silang kasama ni Jesus sa maraming mahihirap na sitwasyon. Kaya sinabi niya: “Nakikipagtipan ako sa inyo para sa isang kaharian, kung paanong nakipagtipan sa akin ang aking Ama.” (Lucas 22:29) Tapat na tagasunod ni Jesus ang mga lalaking iyon. Tiniyak niyang sa pamamagitan ng pakikipagtipan niya sa kanila, mamamahala silang kasama niya sa Kaharian.

Kahit napakaganda ng pag-asa ng mga apostol, tao lang sila at may mga kahinaan. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Hinihingi kayo ni Satanas para masala niya kayong lahat na gaya ng trigo,” na nangangalat habang tinatahip. (Lucas 22:31) Nagbabala rin siya: “Sa gabing ito, iiwan ninyo akong lahat, dahil nasusulat: ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay mangangalat.’”—Mateo 26:31; Zacarias 13:7.

Tumutol si Pedro: “Kahit na iwan ka nilang lahat, hinding-hindi kita iiwan!” (Mateo 26:33) Sinabi ni Jesus kay Pedro na bago tumilaok nang dalawang beses ang tandang sa gabing iyon, ikakaila siya ni Pedro. Pero idinagdag ni Jesus: “Nagsumamo na ako para sa iyo na huwag sanang manghina ang pananampalataya mo; at kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Lucas 22:32) Ipinagpilitan pa rin ni Pedro: “Kahit na mamatay akong kasama mo, hinding-hindi kita ikakaila.” (Mateo 26:35) Ganoon din ang sinabi ng iba pang apostol.

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; at ang sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.’” Idinagdag pa niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”—Juan 13:33-35.

Pagkarinig sa sinabi ni Jesus na sandali na lang nila siyang makakasama, nagtanong si Pedro: “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka pa makakasama ngayon sa pupuntahan ko, pero makakasunod ka rin.” Nagtaka si Pedro, kaya sinabi niya: “Panginoon, bakit hindi ako makakasama sa iyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.”—Juan 13:36, 37.

Ipinaalaala ngayon ni Jesus ang panahon noong isugo niya ang mga apostol para mangaral sa Galilea. Hindi niya sila pinagdala ng pera o pagkain noon. (Mateo 10:5, 9, 10) Nagtanong siya: “Hindi kayo kinapos ng anuman, hindi ba?” Sumagot sila: “Hindi!” Pero ano ang gagawin nila ngayon? Inutusan sila ni Jesus: “Kung kayo ay may pera o lalagyan ng pagkain, dalhin ninyo iyon, at kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang inyong damit at bumili ng espada. Dahil sinasabi ko sa inyo, kailangang matupad sa akin kung ano ang nakasulat, ‘Ibinilang siyang kasama ng mga kriminal.’ Ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.”—Lucas 22:35-37.

Tinutukoy ni Jesus ang panahon kung kailan ipapako siya sa tulos kasama ng mga kriminal. Pagkatapos nito, makakaranas ng matinding pag-uusig ang kaniyang mga tagasunod. Sa tingin nila ay handa na sila, kaya sinabi nila: “Panginoon, may dalawang espada rito.” Sumagot siya: “Sapat na iyan.” (Lucas 22:38) May kinalaman sa espada, isa pang mahalagang aral ang ituturo ni Jesus sa kaniyang mga alagad.