Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 8

Tumakas Sila Mula sa Napakasamang Tagapamahala

Tumakas Sila Mula sa Napakasamang Tagapamahala

MATEO 2:13-23

  • TUMAKAS PAPUNTANG EHIPTO ANG PAMILYA NINA JESUS

  • DINALA NI JOSE ANG KANIYANG PAMILYA SA NAZARET

Ginising ni Jose si Maria para sabihin ang isang mahalagang balita. Nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ni Jehova. Sinabi nito kay Jose: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka papuntang Ehipto, at huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi, dahil hahanapin ni Herodes ang bata para patayin ito.”—Mateo 2:13.

Agad na tumakas nang gabing iyon sina Jose at Maria, kasama ang kanilang anak. Tamang-tama ang alis nila, dahil nalaman na ni Herodes na nilinlang siya ng mga astrologo. Pinababalik niya ang mga ito sa kaniya para sabihin ang kinaroroonan ng bata, pero hindi na sila bumalik. Galít na galít si Herodes. Talagang gusto niyang patayin si Jesus, kaya nagbigay siya ng utos na patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa kalapit na mga lugar na edad dalawang taon pababa. Ang pagtantiyang ito sa edad ay ibinatay niya sa impormasyong nakuha niya mula sa mga astrologong taga-Silangan.

Kakila-kilabot ang pagpatay na ito sa lahat ng batang lalaki! Hindi natin alam kung gaano karami ang napatay, pero ang labis na pag-iyak at paghagulgol ng mga inang namatayan ng anak ay katuparan ng hula sa Bibliya na sinabi ng propeta ng Diyos na si Jeremias.—Jeremias 31:15.

Samantala, nakatakas na papuntang Ehipto si Jose at ang pamilya niya, at doon muna sila nanirahan. Isang gabi, muling nagpakita kay Jose sa panaginip ang anghel ni Jehova. “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina,” ang sabi ng anghel, “at pumunta ka sa Israel, dahil patay na ang mga gustong pumatay sa bata.” (Mateo 2:20) Dahil dito, naisip ni Jose na puwede nang bumalik ang pamilya niya sa kanilang sariling bayan. Katuparan ito ng isa pang hula sa Bibliya—ang Anak ng Diyos ay tinawag mula sa Ehipto.—Oseas 11:1.

Lumilitaw, gusto ni Jose na manirahan ang kaniyang pamilya sa Judea, marahil malapit sa bayan ng Betlehem, kung saan sila nakatira bago sila pumunta sa Ehipto. Pero nalaman niyang ang malupit na anak ni Herodes na si Arquelao ang hari ngayon ng Judea. Sa isa pang panaginip, binabalaan ng Diyos si Jose tungkol sa panganib. Kaya si Jose at ang pamilya niya ay naglakbay patungo sa mas malayo pang lugar sa hilaga at nanirahan sa lunsod ng Nazaret, na sakop ng Galilea, malayo sa sentro ng pagsamba ng mga Judio. Sa lugar na ito lumaki si Jesus, na katuparan ng isa pang hula: “Tatawagin siyang Nazareno.”—Mateo 2:23.