Maging Gaya ni Jesus na . . .
MAHABAGIN
Yamang perpekto si Jesus, hindi niya naranasan ang marami sa mga problema at alalahanin ng mga tao. Pero may malasakit siya sa mga tao. Handa siyang magsakripisyo para sa kanila, na ginagawa ang higit pa sa kinakailangan. Oo, pinakilos siya ng habag na tulungan ang iba. Pag-isipan ang kaniyang halimbawa sa Kabanata 32, 37, 57, 99.
MADALING LAPITAN
Bata man o matanda ay hindi nahihiyang lumapit kay Jesus dahil hindi siya paimportante at hindi niya ipinaparamdam na masyado siyang abala. Dahil ramdam nila ang malasakit ni Jesus, hindi sila nailang sa kaniya. Tingnan ang Kabanata 25, 27, 95.
LAGING NANANALANGIN
Laging nananalangin nang marubdob si Jesus sa kaniyang Ama, mag-isa man siya o kasama ng mga tunay na mananamba. Nanalangin siya sa maraming pagkakataon, hindi lang tuwing kakain. Nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama para magpasalamat, pumuri, at humingi ng patnubay bago gumawa ng mabigat na desisyon. Isaalang-alang ang mga halimbawa sa Kabanata 24, 34, 91, 122, 123.
DI-MAKASARILI
Kung minsan, kahit kailangang magpahinga at magrelaks ni Jesus, inuuna pa rin niya ang iba. Wala siyang ugaling “ako muna.” Tungkol dito, nagbigay siya ng magandang halimbawa na dapat nating tularan. Pag-aralan iyan sa Kabanata 19, 41, 52.
MAPAGPATAWAD
Hindi lang basta itinuro ni Jesus na maging mapagpatawad—siya mismo ay naging mapagpatawad sa mga alagad at sa iba. Bulay-bulayin ang kaniyang halimbawa sa Kabanata 26, 40, 64, 85, 131.
MASIGASIG
Inihula na hindi tatanggapin ng karamihan sa mga Judio ang Mesiyas at na papatayin siya ng kaniyang mga kaaway. Kaya hindi na sana kailangan ni Jesus na gawin ang buong makakaya niya. Gayunman, naging masigasig siya sa tunay na pagsamba. Magandang halimbawa siya ng kasigasigan para sa lahat ng tagasunod niya na napapaharap sa kawalang-interes o maging sa pagsalansang. Tingnan ang Kabanata 16, 72, 103.
MAPAGPAKUMBABA
Nakahihigit si Jesus sa di-perpektong mga tao sa maraming bagay, tulad ng kaalaman at karunungan. Dahil perpekto siya, di-hamak na mas malakas siya at mas matalino kaysa kaninuman. Pero mapagpakumbaba niyang pinaglingkuran ang iba. Mababasa ang aral tungkol dito sa Kabanata 10, 62, 66, 94, 116.
MAPAGPASENSIYA
Laging pinagpapasensiyahan ni Jesus ang kaniyang mga apostol at ang iba pa kapag hindi nila natutularan ang kaniyang halimbawa o hindi nila nasusunod ang mga turo niya. Matiyaga niyang inuulit ang mga aral na kailangan nila para mas mapalapít sila kay Jehova. Pag-isipan ang katangiang ito ni Jesus sa Kabanata 74, 98, 118, 135.