Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 8

Bakit Hinahayaan ng Diyos ang Kasamaan at Pagdurusa?

Bakit Hinahayaan ng Diyos ang Kasamaan at Pagdurusa?

1. Paano nagsimula ang kasamaan?

Sapat na ang panahong ibinigay ng Diyos sa mga gobyerno ng tao para patunayang hindi nito kayang lutasin ang mga problema sa mundo

Nagsimula ang kasamaan sa lupa nang sabihin ni Satanas ang unang kasinungalingan. Dating perpektong anghel si Satanas, pero “hindi siya nanindigan sa katotohanan.” (Juan 8:44) Hinangad niya ang pagsambang para lang sa Diyos. Nagsinungaling si Satanas sa unang babae, si Eva, at kinumbinsi niya itong siya ang sundin imbes na ang Diyos. Sumuway rin sa Diyos si Adan. Ang ginawang ito ni Adan ay nagdulot ng pagdurusa at kamatayan.​—Basahin ang Genesis 3:1-6, 19.

Nagsimula si Satanas ng isang rebelyon laban sa soberanya ng Diyos, o posisyon bilang Kataas-taasan, nang sulsulan niya si Eva na suwayin ang Diyos. Pumanig kay Satanas ang karamihan sa mga tao at tinanggihan nila ang Diyos bilang kanilang Tagapamahala. Kaya si Satanas ay naging “tagapamahala ng mundo.”​—Basahin ang Juan 14:30; 1 Juan 5:19.

2. Depektibo ba ang paglalang ng Diyos?

Perpekto ang lahat ng gawa ng Diyos. Ang mga tao at mga anghel na nilalang ng Diyos ay may kakayahang sundin ang lahat ng kahilingan niya. (Deuteronomio 32:4, 5) Nilalang tayo ng Diyos na may kalayaang pumili kung gagawa tayo ng mabuti o gagawa tayo ng masama. Dahil sa kalayaang iyan, may pagkakataon tayong ipakita na mahal natin ang Diyos.​—Basahin ang Santiago 1:13-15; 1 Juan 5:3.

3. Bakit hanggang ngayon ay hinahayaan ng Diyos ang pagdurusa?

Pansamantalang hinahayaan ni Jehova ang rebelyon laban sa kaniyang soberanya. Bakit? Para mapatunayang walang idudulot na mabuti sa tao ang pamamahalang hiwalay sa Diyos. (Eclesiastes 7:29; 8:9) Matapos ang 6,000 taon ng kasaysayan ng tao, kitang-kita ang ebidensiya. Bigo ang mga tagapamahalang tao na alisin ang digmaan, krimen, kawalang-katarungan, at sakit.​—Basahin ang Jeremias 10:23; Roma 9:17.

Pero ibang-iba ang pamamahala ng Diyos; pagpapalain nito ang mga nagpapasakop dito. (Isaias 48:17, 18) Malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng gobyerno ng tao. Ang mga tao lang na magpapasiyang magpasakop sa pamamahala ng Diyos ang maninirahan sa lupa.​—Isaias 11:9; Basahin ang Daniel 2:44.

Panoorin ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

4. Habang nagtitiis ang Diyos at hindi pa dumarating ang paghatol niya, ano ang pagkakataon natin?

Sinasabi ni Satanas na naglilingkod lang ang mga tao kay Jehova dahil may makukuha silang pakinabang. Gusto mo bang patunayan na hindi totoo ang bintang ni Satanas? Magagawa mo iyon! Habang nagtitiis ang Diyos at hindi pa dumarating ang paghatol niya, pagkakataon nating pumili kung alin ang papanigan natin: pamamahala ng Diyos o pamamahala ng tao. Makikita sa paraan ng pamumuhay mo kung alin ang pinipili mo.​—Basahin ang Job 1:8-12; Kawikaan 27:11.

5. Paano natin maipapakitang ang Diyos ang pinipili nating Tagapamahala?

Makikita sa paraan ng pamumuhay natin kung ang Diyos ang pinipili nating Tagapamahala

Maipapakita nating ang Diyos ang pinipili nating Tagapamahala kung sasambahin natin siya sa paraang itinuturo ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Juan 4:23) At para ipakitang tinatanggihan natin ang pamamahala ni Satanas, iiwas tayo sa politika at digmaan, gaya ng ginawa ni Jesus.​—Basahin ang Juan 17:14.

Ginagamit ni Satanas ang kaniyang kapangyarihan para palabasin na walang masama sa mga gawaing imoral at nakapipinsala. Kapag umiwas tayo sa gayong mga gawain, baka insultuhin tayo o kalabanin ng ating mga kaibigan at kamag-anak. (1 Pedro 4:3, 4) Kailangan nating magpasiya. Makikisama ba tayo sa mga taong umiibig sa Diyos? Susundin ba natin ang kaniyang kapaki-pakinabang na mga kautusan? Kung oo, mapapatunayan nating sinungaling si Satanas nang sabihin niyang walang sinumang susunod sa Diyos kapag may pagsubok.​—Basahin ang 1 Corinto 6:9, 10; 15:33.

Mahal na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, kaya siguradong aalisin niya ang kasamaan at pagdurusa. Ang mga nasa panig ng Diyos na nananampalatayang gagawin niya ito ay mabubuhay nang masaya sa lupa magpakailanman.​—Basahin ang Juan 3:16.