Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 11

Mga Awit na Nakaaaliw at Nakapagtuturo

Mga Awit na Nakaaaliw at Nakapagtuturo

Si David, bukod sa iba pa, ay kumatha ng mga awitin para sa pagsamba. Mababasa sa aklat ng Mga Awit ang 150 sa mga ito

ANG pinakamalaking aklat sa Bibliya ay binubuo ng mga tinipong awit para sa pagsamba, mga awiting kinatha sa loob ng mga 1,000 taon. Ang aklat ng Mga Awit ay naglalaman ng ilan sa makabagbag-damdamin at taos-pusong kapahayagan ng pananampalataya na napasulat kailanman. Naglalarawan ito ng iba’t ibang emosyon ng tao gaya ng kagalakan, pagpuri, at pasasalamat, gayundin ng pagdadalamhati, kalungkutan, at pagsisisi. Maliwanag na naipakita ng mga salmistang ito na sila’y malapít sa Diyos at nagtitiwala sa kaniya. Tingnan natin ang ilan sa tema ng mga awiting ito.

Si Jehova lamang ang tanging Soberano at karapat-dapat sambahin at purihin. “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa,” ang mababasa natin sa Awit 83:18. Marami sa mga awiting ito ang pumupuri kay Jehova dahil sa kaniyang paglalang, gaya ng kalangitang namumutiktik sa bituin, ng kamangha-manghang mga nilalang na may buhay, at ng kahanga-hangang pagkakagawa sa katawan ng tao. (Awit 8, 19, 139, 148) Ang iba naman ay lumuluwalhati kay Jehova bilang ang Diyos na nagliligtas at nag-iingat sa mga tapat sa kaniya. (Awit 18, 97, 138) Ang iba pa ay dumadakila sa kaniya bilang ang Diyos ng katarungan, na umaaliw sa mga naaapi at nagpaparusa naman sa masasama.​—Awit 11, 68, 146.

Tinutulungan at inaaliw ni Jehova ang mga umiibig sa kaniya. Marahil ang pinakapopular sa mga awiting ito ay ang ika-23 Awit, kung saan inilalarawan ni David si Jehova bilang maibiging Pastol na gumagabay, nagsasanggalang, at nangangalaga sa kaniyang mga tupa. Ipinaaalaala ng Awit 65:2 sa mga mananamba ng Diyos na si Jehova ay “Dumirinig ng panalangin.” Malaking kaaliwan para sa maraming nakagagawa ng malulubhang kasalanan ang Awit 39 at 51, kung saan taos-pusong sinambit ni David ang kaniyang pagsisisi sa nagawa niyang malulubhang pagkakamali at nagpahayag ng pagtitiwalang patatawarin siya ni Jehova. Pinapayuhan tayo ng Awit 55:22 na magtiwala kay Jehova at ibigay sa Kaniya ang lahat ng ating pasanin o problema.

Babaguhin ni Jehova ang daigdig sa pamamagitan ng Kaharian ng Mesiyas. Maraming teksto sa Awit ang maliwanag na tumutukoy sa gagawin ng Mesiyas, ang inihulang Hari. Inihula sa Awit 2 na pupuksain ng Tagapamahalang ito ang mga bansang lumalaban sa kaniya. Isinisiwalat ng Awit 72 na wawakasan ng Haring ito ang taggutom, kawalang-katarungan, at pang-aapi. Sinasabi ng Awit 46:9 na sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, wawakasan ng Diyos ang digmaan at wawasakin niya maging ang lahat ng sandatang pandigma. Sa Awit 37, mababasa natin na mawawala na ang masasama, pero ang mga matuwid ay maninirahan sa lupa magpakailanman nang may kapayapaan at pagkakaisa.

​—Batay sa aklat ng Mga Awit.