SEKSIYON 18
Gumawa si Jesus ng mga Himala
Ipinakikita ni Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang mga himala, kung paano niya gagamitin ang kaniyang kapangyarihan bilang Hari
BINIGYAN ng Diyos si Jesus ng kapangyarihang gumawa ng mga bagay na hindi kayang gawin ng ibang tao. Gumawa si Jesus ng napakaraming himala—karaniwan nang sa harap ng maraming saksi. Ipinakikita ng mga himalang iyon na kayang daigin ni Jesus ang mga kaaway at mapagtagumpayan ang mga problemang matagal nang nagpapahirap sa di-sakdal na mga tao. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Kakapusan sa pagkain. Sa dalawang pagkakataon, nagpakain si Jesus ng libu-libong tao sa pamamagitan lamang ng ilang tinapay at isda. At sobra-sobra pa nga ang pagkain.
Sakit. Pinagaling ni Jesus ang “bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan.” (Mateo 4:23) Nagpagaling siya ng mga bulag, bingi, pilay, lumpo, baldado, epileptiko, at ketongin. Walang sakit na hindi niya kayang pagalingin.
Masamang lagay ng panahon. Noong maglayag si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa Dagat ng Galilea, isang napakalakas na buhawi ang humagupit sa kanila. Takót na takót ang mga alagad. Pero tiningnan lang ni Jesus ang buhawi at sinabi: “Tigil! Tumahimik ka!” Pagkasabi nito, kumalma ang lagay ng panahon. (Marcos 4:37-39) Sa isa namang pagkakataon, lumakad siya sa ibabaw ng tubig sa gitna ng malakas na bagyo.—Mateo 14:24-33.
Masasamang espiritu. Di-hamak na mas malakas ang masasamang espiritu kaysa sa mga tao. Maraming tao ang hindi makawala sa kapangyarihan ng mababangis na kaaway na ito ng Diyos. Pero maraming ulit na nagpalayas si Jesus ng mga demonyo at inutusan ang masasamang espiritung ito na palayain ang kanilang mga biktima. Hindi siya natakot sa mga espiritung iyon. Sa halip, sila ang natakot sa kaniya dahil alam nilang may awtoridad siya.
Kamatayan. Ang kamatayan ay angkop na tawaging “huling kaaway.” Ito’y isang kaaway na hindi kayang talunin ng sinumang tao. (1 Corinto 15:26) Pero bumuhay si Jesus ng mga patay. Binuhay niya ang binatilyong anak ng isang babaing balo at ang dalagitang anak ng nagdadalamhating mag-asawa. At ang pinakapambihira sa lahat ay nang buhaying muli ni Jesus ang mahal niyang kaibigan na si Lazaro sa harap ng nagdadalamhating mga tao, kahit halos apat na araw na itong patay! Maging ang mga mortal na kaaway ni Jesus ay aminadong ginawa niya ang himalang ito.—Juan 11:38-48; 12:9-11.
Bakit kaya ginawa ni Jesus ang lahat ng himalang ito? Hindi ba’t namatay rin naman ang lahat ng tinulungan niya? Oo nga, pero ang mga himala ni Jesus ay isang katibayan na matutupad ang lahat ng kapana-panabik na hula tungkol sa pamamahala ng Mesiyanikong Hari. Hindi dapat pag-alinlanganan ang kapangyarihan ng Haring pinahiran ng Diyos dahil talagang kaya niyang alisin ang kakapusan sa pagkain, sakit, masamang lagay ng panahon, masasamang espiritu, o ang mismong kamatayan. Naipakita niya na talagang pinagkalooban siya ng Diyos ng kapangyarihang gawin ang lahat ng bagay na ito.