Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 4

Sino si Jesu-Kristo?

Sino si Jesu-Kristo?

1, 2. (a) Kilala mo na ba talaga ang isang sikát na tao kung pangalan lang niya ang alam mo? Ipaliwanag. (b) Ano ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus?

MARAMING sikát na tao ngayon sa mundo. Baka alam mo ang pangalan ng isa sa kanila. Pero hindi ito nangangahulugang kilala mo na talaga siya. Hindi rin ibig sabihin na alam mo ang lahat ng detalye tungkol sa buhay niya at kung sino talaga siya.

2 Baka may narinig ka na rin tungkol kay Jesu-Kristo, kahit nabuhay siya sa lupa mga 2,000 taon na ang lumipas. Pero hindi talaga kilala ng karamihan si Jesus. May mga nagsasabing mabuti siyang tao, propeta naman ang sabi ng ilan, at naniniwala naman ang iba na siya ang Diyos. Ikaw, ano sa palagay mo?—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 12.

3. Bakit mahalagang makilala mo ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo?

3 Mahalagang malaman mo ang katotohanan tungkol kay Jesus. Bakit? Sinasabi ng Bibliya: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, kapag nalaman mo ang katotohanan tungkol kay Jehova at kay Jesus, puwede kang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. (Juan 14:6) Isa pa, napakagandang halimbawa ni Jesus kung paano mamumuhay at makikitungo sa iba. (Juan 13:34, 35) Sa Kabanata 1, natutuhan natin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Aalamin naman natin ngayon ang itinuturo ng Bibliya tungkol kay Jesus.

NAKITA NA NAMIN ANG MESIYAS!

4. Ano ang kahulugan ng salitang “Mesiyas” at “Kristo”?

4 Maraming taon bago pa ipanganak si Jesus, sinasabi ng Bibliya na nangako si Jehova na magpapadala siya ng Mesiyas, o Kristo. Ang salitang “Mesiyas” ay galing sa wikang Hebreo, at ang “Kristo” naman ay sa Griego. Ang mga titulong ito ay nangangahulugan na ang ipinangakong Mesiyas ay pipiliin ng Diyos at bibigyan ng espesyal na katungkulan. Tutuparin ng Mesiyas ang lahat ng pangako ng Diyos. Puwede ka ring matulungan ni Jesus ngayon. Pero bago ipanganak si Jesus, maraming tao ang nag-iisip, ‘Sino kaya ang magiging Mesiyas?’

5. Naniniwala ba ang mga alagad ni Jesus na siya ang Mesiyas?

5 Sigurado ang mga alagad ni Jesus na siya ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 1:41) Halimbawa, sinabi ni Simon Pedro kay Jesus: “Ikaw ang Kristo.” (Mateo 16:16) Paano tayo makakatiyak na si Jesus nga ang Mesiyas?

6. Paano tinulungan ni Jehova ang tapat na mga tao na makilala ang Mesiyas?

6 Matagal pa bago ipanganak si Jesus, isinulat ng mga propeta ng Diyos ang maraming detalye na tutulong sa mga tao na makilala ang Mesiyas. Paano ito makakatulong? Isiping pinakisuyuan kang sunduin sa istasyon ng bus ang isang tao na hindi mo pa nakikita kahit kailan. Kapag may detalyadong naglarawan sa iyo sa taong iyon, madali mo siyang mahahanap. Ginamit din ni Jehova ang mga propeta niya para sabihin sa atin kung ano ang gagawin ng Mesiyas at ang mangyayari sa kaniya. Ang katuparan ng mga hulang iyon ay tutulong sa tapat na mga tao na makilalang si Jesus ang Mesiyas.

7. Ano ang dalawang hulang nagpapatunay na si Jesus ang Mesiyas?

7 Tingnan natin ang dalawang hula. Una, 700 taon bago ipanganak si Jesus, inihula ni Mikas na ipapanganak ang Mesiyas sa maliit na bayan ng Betlehem. (Mikas 5:2) At doon nga ipinanganak si Jesus! (Mateo 2:1, 3-9) Ikalawa, inihula ni Daniel na lilitaw ang Mesiyas sa taóng 29 C.E. (Daniel 9:25) Dalawa lang ito sa maraming hulang nagpapatunay na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 13.

Nang bautismuhan si Jesus, siya ay naging Mesiyas, o Kristo

8, 9. Anong pangyayari sa bautismo ni Jesus ang nagpapatunay na siya ang Mesiyas?

8 Nagbigay pa si Jehova ng mas matibay na ebidensiya na si Jesus ang Mesiyas. Nangako ang Diyos kay Juan na Tagapagbautismo na magbibigay siya ng tanda para makilala nito ang Mesiyas. Nang pumunta si Jesus kay Juan para magpabautismo sa Ilog Jordan noong 29 C.E., nakita ni Juan ang tandang iyon. Sinasabi ng Bibliya ang nangyari: “Pagkatapos mabautismuhan, umahon agad si Jesus sa tubig; at ang langit ay nabuksan! At nakita ni Juan ang espiritu ng Diyos na parang kalapati na bumababa kay Jesus. May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.’” (Mateo 3:16, 17) Nang makita at marinig ni Juan ang tanda, natiyak niyang si Jesus ang Mesiyas. (Juan 1:32-34) Nang ibuhos ni Jehova ang banal na espiritu kay Jesus noong araw na iyon, naging Mesiyas si Jesus. Siya ang pinili ng Diyos para maging Lider at Hari.—Isaias 55:4.

9 Ang mga hula sa Bibliya, ang mismong salita ni Jehova, at ang tandang ibinigay Niya nang bautismuhan si Jesus ay nagpapatunay na si Jesus ang Mesiyas. Pero saan galing si Jesus, at ano ang mga katangian niya? Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya.

SAAN GALING SI JESUS?

10. Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa naging buhay ni Jesus bago siya pumunta sa lupa?

10 Itinuturo ng Bibliya na matagal nang nabubuhay sa langit si Jesus bago pa siya pumunta sa lupa. Sinabi ni Mikas na ang Mesiyas ay “mula noong unang panahon.” (Mikas 5:2) Maraming beses ding sinabi mismo ni Jesus na nabuhay na siya sa langit bago siya ipanganak bilang tao. (Basahin ang Juan 3:13; 6:38, 62; 17:4, 5.) Bago pa man siya pumunta sa lupa, may espesyal na kaugnayan na siya kay Jehova.

11. Bakit mahal na mahal ni Jehova si Jesus?

11 Mahal na mahal ni Jehova si Jesus. Bakit? Dahil siya ang kauna-unahang nilalang ng Diyos. Kaya tinawag si Jesus na “panganay sa lahat ng nilalang.” * (Colosas 1:15) Mahal na mahal din ni Jehova si Jesus dahil siya lang ang direktang ginawa ni Jehova. Kaya tinawag siyang “kaisa-isang Anak.” (Juan 3:16) Si Jesus lang din ang ginamit ni Jehova para lalangin ang lahat ng iba pang bagay. (Colosas 1:16) At si Jesus lang ang tinawag na “Salita” dahil ginamit siya ni Jehova para magbigay ng mensahe at instruksiyon sa mga anghel at mga tao.—Juan 1:14.

12. Paano natin nalaman na hindi iisa si Jesus at ang Diyos?

12 May mga naniniwalang iisa lang si Jesus at ang Diyos. Pero hindi iyan ang itinuturo ng Bibliya. Sinasabi ng Bibliya na ginawa si Jesus, ibig sabihin, may pasimula siya. Pero si Jehova, na lumalang ng lahat ng bagay, ay walang pasimula. (Awit 90:2) Bilang Anak ng Diyos, hindi kailanman inisip ni Jesus na maging kapantay ng Diyos. Malinaw na itinuturo ng Bibliya na mas dakila ang Ama kaysa sa Anak. (Basahin ang Juan 14:28; 1 Corinto 11:3.) Si Jehova lang ang “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Genesis 17:1) Siya ang pinakadakila at pinakamakapangyarihan sa uniberso.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 14.

13. Bakit sinasabi ng Bibliya na si Jesus ang “larawan ng di-nakikitang Diyos”?

13 Si Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesus, ay gumawang magkasama sa loob ng bilyon-bilyong taon bago pa lalangin ang langit at lupa. Siguradong mahal na mahal nila ang isa’t isa! (Juan 3:35; 14:31) Tinularang mabuti ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang ama kaya tinatawag siya sa Bibliya na “larawan ng di-nakikitang Diyos.”—Colosas 1:15.

14. Paano naipanganak bilang tao ang minamahal na Anak ni Jehova?

14 Handang iwan ng minamahal na Anak ni Jehova ang langit para ipanganak sa lupa bilang tao. Paano naging posible iyon? Gumawa si Jehova ng himala para ilipat ang buhay ng Anak niya sa sinapupunan ng dalagang si Maria. Dahil diyan, hindi kailangan ni Jesus ng isang amang tao. Kaya nanganak si Maria ng perpektong sanggol, at tinawag itong Jesus.—Lucas 1:30-35.

ANO ANG MGA KATANGIAN NI JESUS?

15. Paano mo mas makikilala si Jehova?

15 Marami kang matututuhan tungkol kay Jesus, sa buhay niya, at sa mga katangian niya kapag binasa mo ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Tinatawag itong mga Ebanghelyo. Dahil kagayang-kagaya si Jesus ng kaniyang Ama, mas makikilala mo rin si Jehova sa mga mababasa mo tungkol kay Jesus. Kaya naman masasabi ni Jesus: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.

16. Ano ang itinuro ni Jesus? Kanino galing ang itinuro niya?

16 Tinatawag ng marami si Jesus na “Guro.” (Juan 1:38; 13:13) Ang isa sa pinakamahalagang itinuro niya ay ang “mabuting balita ng Kaharian.” Ano ang Kahariang ito? Gobyerno ito ng Diyos na mamamahala sa buong lupa mula sa langit at magbibigay ng mga pagpapala sa mga sumusunod sa Diyos. (Mateo 4:23) Lahat ng itinuro ni Jesus ay galing kay Jehova. Sinabi ni Jesus: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Alam ni Jesus na gusto ni Jehova na malaman ng mga tao ang mabuting balita na mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa lupa.

17. Saan nagturo si Jesus? Bakit niya ginawa ang lahat para magturo sa iba?

17 Saan nagturo si Jesus? Saanman may tao. Nagturo siya sa mga bayan, lunsod, nayon, pamilihan, lugar ng pagsamba, at sa bahay ng mga tao. Hindi niya hinintay na lapitan siya ng mga tao. Madalas na siya ang lumalapit sa kanila. (Marcos 6:56; Lucas 19:5, 6) Ginawa ni Jesus ang lahat at ibinigay ang panahon at lakas niya para magturo sa mga tao. Bakit? Dahil alam niyang iyon ang gusto ng Diyos na gawin niya at dahil lagi niyang sinusunod ang kaniyang Ama. (Juan 8:28, 29) Nangaral din si Jesus dahil naaawa siya sa mga tao. (Basahin ang Mateo 9:35, 36.) Nakita niyang hindi itinuturo ng mga lider ng relihiyon ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kaharian Niya. Kaya hangga’t maaari, gusto niyang sabihin sa pinakamaraming tao ang mabuting balita.

18. Ano ang pinakagusto mong katangian ni Jesus?

18 Mahal na mahal ni Jesus ang mga tao. Mabait siya at madaling lapitan. Gusto siyang makasama kahit ng mga bata. (Marcos 10:13-16) Laging patas makitungo si Jesus. Galít siya sa pandaraya at kawalang-katarungan. (Mateo 21:12, 13) Noong panahon niya, kakaunti lang ang karapatan ng mga babae at hindi sila nirerespeto. Pero pinakitunguhan sila ni Jesus nang may paggalang at dignidad. (Juan 4:9, 27) Mapagpakumbaba rin si Jesus. Halimbawa, isang gabi, hinugasan niya ang paa ng mga apostol niya, na karaniwang ginagawa ng isang alipin.—Juan 13:2-5, 12-17.

Nangaral si Jesus saanman may tao

19. Anong halimbawa ang nagpapakitang alam ni Jesus kung ano talaga ang kailangan ng mga tao at na gusto niya silang tulungan?

19 Alam ni Jesus kung ano talaga ang kailangan ng mga tao, at gusto niya silang tulungan. Kitang-kita ito nang gamitin niya ang kapangyarihan ng Diyos para pagalingin ang mga tao. (Mateo 14:14) Halimbawa, isang ketongin ang lumapit kay Jesus at nagsabi: “Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling mo ako.” Naawa si Jesus sa sakit at pagdurusang nararanasan ng lalaki, at gusto niya itong tulungan. Kaya hinawakan ito ni Jesus at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.” At gumaling ang lalaki! (Marcos 1:40-42) Naiisip mo ba kung ano ang naramdaman ng lalaki?

NANATILING TAPAT SA KANIYANG AMA

20, 21. Bakit si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng pagkamasunurin sa Diyos?

20 Si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng pagkamasunurin sa Diyos. Anuman ang mangyari o gawin sa kaniya ng mga kaaway niya, tapat siya sa kaniyang Ama. Halimbawa, hindi nagkasala si Jesus nang tuksuhin siya ni Satanas. (Mateo 4:1-11) May mga kapamilya si Jesus na hindi naniwalang siya ang Mesiyas at sinabing “nababaliw” na siya, pero ginawa pa rin ni Jesus ang ipinapagawa ng Diyos. (Marcos 3:21) Nang pahirapan siya ng mga kaaway niya, nanatiling tapat si Jesus sa Diyos at hindi siya gumanti sa kanila.—1 Pedro 2:21-23.

21 Kahit noong dumanas si Jesus ng napakasakit na kamatayan, nanatili siyang tapat kay Jehova. (Basahin ang Filipos 2:8.) Isipin ang mga pinagdaanan niya noong araw na mamatay siya. Inaresto siya, inakusahang mamumusong ng sinungaling na mga testigo, hinatulan ng tiwaling mga hukom, pinagtawanan ng mga tao, at pinahirapan at ipinako sa tulos ng mga sundalo. Nang mamamatay na siya, sumigaw siya: “Naganap na!” (Juan 19:30) Tatlong araw pagkamatay ni Jesus, binuhay siyang muli ni Jehova at binigyan ng katawang espiritu. (1 Pedro 3:18) Pagkaraan ng ilang linggo, bumalik si Jesus sa langit, “umupo siya sa kanan ng Diyos,” at naghintay na gawin siyang Hari.—Hebreo 10:12, 13.

22. Anong pagkakataon ang mayroon tayo dahil sa katapatan ni Jesus sa kaniyang Ama?

22 Dahil nanatiling tapat si Jesus sa kaniyang Ama, may pagkakataon na tayong mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa, gaya ng layunin ni Jehova. Sa susunod na kabanata, pag-uusapan natin kung paano tayo posibleng mabuhay nang walang hanggan sa lupa dahil sa kamatayan ni Jesus.

^ par. 11 Tinatawag na Ama si Jehova dahil siya ang Maylalang. (Isaias 64:8) Tinatawag si Jesus na Anak ng Diyos dahil nilalang siya ni Jehova. Ang mga anghel at ang taong si Adan ay tinawag ding mga anak ng Diyos.—Job 1:6; Lucas 3:38.