TANONG 2
Bakit Ko Ba Pinoproblema ang Hitsura Ko?
ANO ANG GAGAWIN MO?
Pag-isipan ang senaryong ito: Kapag nananalamin si Julia, puro tabâ ang nakikita niya. “Kailangan ko nang magpapayat,” ang sabi niya sa sarili—kahit sabihin sa kaniya ng mga magulang at mga kaibigan niya na para na siyang tingting.
Nitong nakaraan, naisip ni Julia na kailangan na talaga niyang magbawas ng timbang “kahit dalawa’t kalahating kilo lang.” Kailangan lang niyang gutumin ang sarili niya nang ilang araw . . .
Kung pareho kayo ni Julia ng nadarama, ano ang gagawin mo?
MAG-ISIP MUNA!
Hindi naman masamang mamroblema ka sa iyong hitsura. Sa katunayan, pinupuri ng Bibliya ang pisikal na anyo ng ilang babae’t lalaki, gaya nina Sara, Raquel, Abigail, Jose, at David. Sinasabi pa nga ng Bibliya na ang babaeng si Abisag ay “sukdulan sa ganda.”—1 Hari 1:4.
Pero maraming kabataan ang wala nang iniisip kundi ang hitsura nila. Malaking problema iyan. Pag-isipan ito:
-
Sa isang pag-aaral, 58 porsiyento ng mga babae ang nagsabing sobra sila sa timbang, pero ang totoo, 17 porsiyento lang sa kanila ang sobra sa timbang.
-
Sa isa pang pag-aaral, 45 porsiyento ng mga babae na talagang kulang sa timbang ang nag-iisip na sila’y napakabigat!
-
Sa kagustuhang pumayat, maraming kabataan ang nagiging biktima ng anorexia—isang uri ng sakit may kaugnayan sa sobrang pagpapakagutom na maaaring ikamatay ng isa.
ANG PINAKAMAHUSAY NA MAGAGAWA MO!
Ang totoo, sa pagkatao nakikita kung maganda ang isa o hindi. Halimbawa, ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa anak ni Haring David na si Absalom:
“Walang lalaki na gayon kaganda sa buong Israel anupat pinupuri nang gayon na lamang. . . . Walang kapintasan sa kaniya.”—2 Samuel 14:25.
Pero ang lalaking ito ay mayabang, ambisyoso, at taksil! Kaya negatibo ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Absalom; inilalarawan siya nito bilang isang taong walang kahihiyan, di-tapat, at punô ng matinding galit.
Kaya naman pinapayuhan tayo ng Bibliya:
“Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad.”—Colosas 3:10.
“Ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas . . . , kundi ang lihim na pagkatao ng puso.”—1 Pedro 3:3, 4.
Bagaman wala namang masama kung gusto mong maging maganda, mas mahalaga pa rin ang pagkatao mo kaysa sa iyong hitsura. Sa bandang huli, magiging mas katanggap-tanggap ka sa iba, hindi dahil sa pagkakaroon ng maskulado o magandang katawan kundi dahil sa iyong mabubuting katangian! “Madaling napapansin ang ganda,” ang sabi ni Phylicia, “pero ang pagkatao mo at ang mabubuting katangian mo ang mas matatandaan ng mga tao.”
PAGSUSURI SA IYONG HITSURA
Madalas ka bang mainis sa hitsura mo?
Naisip mo na bang magparetoke o magdiyeta nang husto para gumanda ang hitsura mo?
Kung magagawa mo lang, ano ang gusto mong baguhin sa hitsura mo? (Piliin ang sagot.)
-
TAAS
-
TIMBANG
-
BUHOK
-
HUGIS NG KATAWAN
-
MUKHA
-
KULAY NG BALAT
Kung oo ang sagot mo sa unang dalawang tanong, at tatlo o higit pa ang pinili mo, pag-isipan ito: Baka hindi naman ganoon ang tingin sa iyo ng iba. Baka nasosobrahan ka lang sa pamomroblema sa iyong hitsura.—1 Samuel 16:7.