Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Konklusyon

Konklusyon

“Maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”​—HEBREO 6:12.

1, 2. Bakit mahalagang magkaroon ngayon ng pananampalataya at mapatibay ito? Ilarawan.

PANANAMPALATAYA​—isang magandang salita na tumutukoy sa isang lubhang kaakit-akit na katangian. Pero kapag narinig natin ang salitang iyan, may isa pang salita na dapat nating isipin: “Apurahan!” Dahil kung wala tayong pananampalataya, kailangang kumilos tayo nang apurahan para magkaroon nito. At kung mayroon na tayong pananampalataya, kailangan ang apurahang pagkilos para maprotektahan ito at mapatibay. Bakit?

2 Halimbawang naglalakbay ka sa malawak na disyerto. Kailangang-kailangan mo ng tubig. Kapag nakakuha ka nito, kailangan mo itong protektahan mula sa araw. At kailangang makakuha ka uli para hindi ka maubusan hanggang sa makarating ka sa pupuntahan mo. Sa ngayon, nabubuhay tayo sa isang espirituwal na disyerto, isang daigdig kung saan ang tunay na pananampalataya​—gaya ng tubig na iyon—​ay bibihira at madaling maglaho kung hindi ito poprotektahan at patitibayin. Mahigpit ang ating pangangailangan; kung paanong mamamatay tayo kung walang tubig, mamamatay rin tayo sa espirituwal kung walang pananampalataya.​—Roma 1:17.

3. Ano ang inilaan ni Jehova para mapatibay ang ating pananampalataya, at anong dalawang bagay ang kailangan nating gawin?

3 Alam ni Jehova kung gaano kaapurahan ang pangangailangan natin sa pananampalataya, at alam niya kung gaano ito kahirap patibayin at panatilihin sa ngayon. Tiyak na iyan ang dahilan kung bakit naglaan siya ng mga halimbawang matutularan natin. Kinasihan ni Jehova si apostol Pablo na isulat: “Maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Heb. 6:12) Iyan din ang dahilan kung bakit hinihimok tayo ng organisasyon ni Jehova na sikaping tularan ang mga halimbawa ng mga tapat na lalaki at babae, gaya ng mga pinag-aralan natin sa aklat na ito. Pero ano ang dapat nating gawin ngayon? Tandaan ang dalawang bagay: (1) Kailangan nating patuloy na patibayin ang ating pananampalataya; (2) kailangang laging malinaw sa isip natin ang ating pag-asa.

4. Bakit masasabing si Satanas ay kaaway ng pananampalataya, pero bakit hindi tayo dapat mangamba?

4 Patuloy na patibayin ang iyong pananampalataya. Ang pananampalataya ay may mahigpit na kaaway​—si Satanas. Bilang tagapamahala ng sanlibutan, ang sistemang ito ng mga bagay ay ginawa niyang parang disyerto kung saan mahirap mapanatili ang pananampalataya. Mas malakas siya kaysa sa atin. Dapat ba tayong mangamba na baka hindi natin malinang at mapatibay ang ating pananampalataya? Hindi! Si Jehova ang pinakamabuting Kaibigan ng lahat ng gustong magkaroon ng tunay na pananampalataya. Tinitiyak niya sa atin na sa tulong niya, kaya nating salansangin at mapalayas pa nga ang Diyablo! (Sant. 4:7) Magagawa natin ito kung araw-araw nating patitibayin ang ating pananampalataya. Paano?

5. Paano nagkaroon ng pananampalataya ang mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya? Ipaliwanag.

5 Gaya ng nakita natin, ang mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya ay hindi isinilang na may pananampalataya. Pinatunayan nila na ang pananampalataya ay bunga ng banal na espiritu ni Jehova. (Gal. 5:22, 23) Humingi sila ng tulong kay Jehova sa panalangin, kaya patuloy niyang pinatibay ang kanilang pananampalataya. Tularan natin sila, na hindi kailanman kinalilimutan na saganang nagbibigay si Jehova ng kaniyang espiritu sa mga humihingi nito at kumikilos kaayon ng kanilang panalangin. (Luc. 11:13) May iba pa ba tayong magagawa?

6. Paano tayo lubos na makikinabang sa ating pag-aaral ng mga ulat sa Bibliya?

6 Sa aklat na ito, tinalakay natin ang ilan lang sa mahuhusay na halimbawa ng pananampalataya. Marami pang iba! (Basahin ang Hebreo 11:32.) Napakarami nating matututuhan sa kanila. Kung mamadaliin natin ang pagbabasa tungkol sa may-pananampalatayang mga taong ito na nasa Bibliya, hindi natin mapatitibay ang ating pananampalataya. Para lubos na makinabang sa ating pagbabasa, kailangang maglaan tayo ng panahon sa pagsasaliksik sa konteksto at iba pang detalye ng mga ulat sa Bibliya. Kung tatandaan natin na ang di-sakdal na mga taong iyon ay “may damdaming tulad ng sa atin,” magiging totoong-totoo sa atin ang kanilang halimbawa. (Sant. 5:17) Kung isasaalang-alang natin ang damdamin nila, madarama rin natin ang nadama nila nang mapaharap sila sa mga hamon at problemang katulad ng sa atin.

7-9. (a) Ano kaya ang madarama ng mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya tungkol sa pagsamba kay Jehova sa paraang ginagawa natin sa ngayon? (b) Bakit dapat nating patibayin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa?

7 Mapatitibay rin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa, yamang “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Sant. 2:26) Isipin ang kagalakang madarama ng mga lalaki at babae na tinalakay natin kung iaatas ni Jehova sa kanila ang gawaing ipinagagawa niya sa atin ngayon!

8 Halimbawa, ano kaya kung sinabihan si Abraham na maaari niyang sambahin si Jehova, hindi sa mga altar na bato na itinayo sa ilang, kundi kasama ng organisadong grupo ng mga kapananampalataya sa magagandang Kingdom Hall at malalaking kombensiyon, kung saan ang mga pangakong nakita lang niya “mula sa malayo” ay detalyadong tinatalakay at ipinaliliwanag? (Basahin ang Hebreo 11:13.) At ano kaya kung sinabihan si Elias na ang kaniyang gawain ay hindi ang pagpatay sa masasamang propeta ni Baal samantalang naglilingkod siya kay Jehova sa ilalim ng pamamahala ng masamang apostatang hari, kundi ang mapayapang pagdalaw sa mga tao para ihatid ang mensahe ng kaaliwan at pag-asa? Tiyak na tatanggapin agad ng mga tapat na lalaki at babaing iyon ang atas na sambahin si Jehova gaya ng ginagawa natin sa ngayon!

9 Kaya patuloy nating patibayin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa. Sa gayon, matutularan natin ang halimbawa ng mga tapat na lalaki at babae na nasa Bibliya. Gaya ng binanggit sa Introduksyon, mas mapapalapít sila sa atin na parang mga kaibigan. Pero sa malapit na hinaharap, maaaring magkatotoo ang gayong pagkakaibigan.

10. Anong kagalakan ang mararanasan natin sa Paraiso?

10 Dapat na laging malinaw sa isip mo ang iyong pag-asa. Ang mga tapat na lalaki at babae ay laging humuhugot ng lakas sa kanilang bigay-Diyos na pag-asa. Ikaw rin ba? Halimbawa, isip-isipin ang kagalakan na makilala ang mga tapat na lingkod ng Diyos kapag ‘binuhay-muli ang mga matuwid.’ (Basahin ang Gawa 24:15.) Ano ang gusto mong itanong sa kanila?

11, 12. Sa bagong sanlibutan, ano ang gusto mong itanong kay (a) Abel? (b) Noe? (c) Abraham? (d) Ruth? (e) Abigail? (f) Esther?

11 Kapag nakausap mo si Abel, gusto mo bang itanong ang tungkol sa kaniyang mga magulang? O maaari mong itanong: “Kinausap mo ba ang mga kerubin na nagbabantay sa Eden? Sumagot ba sila?” Maaari mo namang itanong kay Noe: “Natakot ka ba sa mga Nefilim? Paano ninyo inalagaan ang lahat ng hayop noong nasa loob kayo ng arka?” Kung makakausap mo si Abraham, maaari mong itanong: “Nakilala mo ba si Sem? Sino ang nagturo sa iyo tungkol kay Jehova? Nahirapan ba kayong iwan ang Ur?”

12 Pag-isipan din ang maaari mong itanong sa tapat na mga babaing bubuhaying muli. “Ruth, bakit mo naipasiyang maging mananamba ni Jehova?” “Abigail, natakot ka bang sabihin kay Nabal na tinulungan mo si David?” “Esther, ano ang nangyari sa iyo at kay Mardokeo pagkatapos ng ulat ng Bibliya tungkol sa inyo?”

13. (a) Ano ang maaaring gustong itanong sa iyo ng mga bubuhaying muli? (b) Ano ang nadarama mo tungkol sa pag-asang personal na makilala ang sinaunang mga tapat na lalaki at babae?

13 Siyempre pa, baka marami rin silang gustong itanong sa iyo. Nakasasabik ikuwento sa kanila ang tungkol sa mga huling araw at kung paano pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan sa magulong panahong iyon! Tiyak na matutuwa silang malaman kung paano tinupad ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako. Sa panahong iyon, hindi na tayo mahihirapang ilarawan sa isip ang matapat na mga lingkod ng Diyos sa ulat ng Bibliya. Kasama na natin sila sa Paraiso! Kaya patuloy na gawin ang buong makakaya mo ngayon para maging totoong-totoo sila sa iyo. Patuloy na tularan ang kanilang pananampalataya. Nawa’y makasama mo sila sa paglilingkod kay Jehova bilang iyong mahal na mga kaibigan magpakailanman!