Unang Liham sa mga Taga-Corinto 15:1-58

15  Ngayon ay ipinapaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang mabuting balita na inihayag ko sa inyo;+ tinanggap ninyo ito at nanindigan kayo para dito. 2  Kung nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mabuting balita na inihayag ko sa inyo, naililigtas kayo.+ Kung hindi, walang saysay ang pagiging mananampalataya ninyo. 3  Ang bagay na ito ay kasama sa pinakamahahalagang itinuro ko sa inyo, na natutuhan ko rin: si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan;+ 4  at inilibing siya,+ oo, binuhay siyang muli+ nang ikatlong araw+ ayon sa Kasulatan;+ 5  at nagpakita siya kay Cefas,+ at pagkatapos ay sa 12 apostol.+ 6  Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon;+ kasama pa rin natin ang karamihan sa mga ito, pero ang ilan ay namatay* na. 7  Nagpakita rin siya kay Santiago,+ at pagkatapos ay sa lahat ng apostol.+ 8  At panghuli, nagpakita rin siya sa akin,+ ako na parang ipinanganak na kulang sa buwan. 9  Ako ang pinakamababa sa mga apostol,+ at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.+ 10  Pero dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.+ At hindi nawalan ng kabuluhan ang walang-kapantay na kabaitan niya sa akin, dahil nagpagal ako nang higit kaysa sa kanilang lahat; pero hindi ko ito nagawa sa sarili kong lakas kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos na sumasaakin.+ 11  Gayunman, ako man iyon o sila, tungkol dito ang ipinangangaral namin at pinaniwalaan ninyo iyon. 12  Ngayon kung ipinangangaral natin na binuhay-muli si Kristo,+ bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay-muli?+ 13  Kung walang pagkabuhay-muli, ibig sabihin, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 14  Pero kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang saysay ang pangangaral namin, at wala ring saysay ang pananampalataya ninyo. 15  At ituturing din kaming sinungaling na mga saksi tungkol sa Diyos,+ dahil pinatototohanan namin na binuhay-muli ng Diyos ang Kristo+ pero hindi naman pala, kung wala naman talagang pagkabuhay-muli ng mga patay. 16  Dahil kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 17  At kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang silbi ang pananampalataya ninyo; namumuhay pa rin kayo sa inyong mga kasalanan.+ 18  At ang mga namatay* na kaisa ni Kristo ay lubusan nang naglaho.+ 19  Kung sa buhay lang na ito tayo umaasa kay Kristo, pinakakaawa-awa tayo sa lahat ng tao. 20  Pero binuhay-muli si Kristo, ang unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.+ 21  Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao,+ ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao.+ 22  Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay;+ kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin,+ 23  pero bawat isa ayon sa tamang pagkakasunod-sunod: si Kristo ang unang bunga,+ pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya.*+ 24  Kasunod ay ang wakas, kapag ibinigay niya ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. + 25  Maghahari siya hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya.+ 26  At ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.+ 27  Dahil “inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.”+ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’+ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.+ 28  Kapag napasailalim na niya ang lahat ng bagay, ang Anak ay magpapasailalim din sa Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay,+ para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat.+ 29  Kung hindi ito totoo, ano ang mangyayari sa mga binabautismuhan para maging mga patay?+ Kung hindi talaga bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa sila binabautismuhan para maging gayon? 30  At bakit hinahayaan nating manganib ang buhay natin sa bawat oras?*+ 31  Araw-araw akong napapaharap sa kamatayan. Totoo ito kung paanong ipinagmamalaki ko kayo, mga kapatid, na mga alagad ni Kristo Jesus na ating Panginoon. 32  Kung gaya ng ibang tao* ay nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso,+ ano ang pakinabang ko roon? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, “kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.”+ 33  Huwag kayong magpalinlang.* Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.*+ 34  Bumalik kayo sa katinuan at gawin ang tama, at huwag kayong mamihasa sa kasalanan,+ dahil ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito para makadama kayo ng kahihiyan. 35  Gayunman, may magsasabi: “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Oo, ano ang magiging katawan nila kapag binuhay silang muli?”+ 36  Ikaw na di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi mabubuhay kung hindi muna ito mamamatay.+ 37  At kung tungkol sa inihahasik mo, ang inihahasik mo ay hindi ang mismong katawan na tutubo kundi isang butil lang, trigo man ito o iba pang uri ng binhi; 38  pero binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kalooban niya, at ang bawat binhi ay binibigyan niya ng sarili nitong katawan. 39  Hindi magkakatulad ang lahat ng katawan; iba ang sa tao, iba ang sa hayop,* iba ang sa ibon, at iba ang sa isda. 40  At may mga katawang makalangit+ at mga katawang makalupa;+ pero magkaiba ang kaluwalhatian ng mga katawang makalangit at mga katawang makalupa. 41  Iba ang kaluwalhatian ng araw, iba rin ang sa buwan,+ at iba ang sa mga bituin; ang totoo, magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin. 42  Gayon din ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang inihahasik ay katawang nabubulok, pero ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok.+ 43  Wala itong karangalan nang ihasik pero maluwalhati kapag ibinangon.+ Mahina ito nang ihasik pero makapangyarihan kapag ibinangon.+ 44  Pisikal na katawan ito nang ihasik pero espiritung katawan kapag ibinangon.+ Kung may pisikal na katawan, mayroon ding espiritung katawan. 45  Gaya ng nasusulat: “Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.”+ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.+ 46  Kaya hindi una ang espiritung katawan. Pisikal na katawan ang una, at pagkatapos ay espiritung katawan. 47  Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok;+ ang ikalawang tao ay mula sa langit.+ 48  Gaya niya na gawa sa alabok, gayon din ang mga gawa sa alabok; at gaya niya na makalangit, gayon din ang mga makalangit.+ 49  At kung gaya tayo ngayon ng isa na gawa sa alabok,+ magiging gaya rin tayo ng isa na makalangit.+ 50  Pero sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi puwedeng magmana ng Kaharian ng Diyos at ang katawang nabubulok ay hindi puwedeng magmana ng kawalang-kasiraan. 51  Sinasabi ko sa inyo ang isang sagradong lihim: Hindi lahat sa atin ay matutulog sa kamatayan, pero tayong lahat ay babaguhin,+ 52  sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta. Dahil tutunog ang trumpeta,+ at ang mga patay ay bubuhaying muli na may katawang hindi nabubulok, at tayo ay babaguhin.+ 53  Dahil ang nabubulok ay kailangang maging walang kasiraan,+ at ang mortal ay kailangang maging imortal.+ 54  Pero kapag ang nabubulok ay naging walang kasiraan at ang mortal ay naging imortal, mangyayari ang nasusulat: “Ang kamatayan ay nilamon magpakailanman.”+ 55  “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”+ 56  Ang kamandag na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan,+ at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.+ 57  Pero salamat sa Diyos, dahil ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!+ 58  Kaya, mahal kong mga kapatid, maging matatag kayo,+ di-natitinag at laging maraming ginagawa+ para sa* Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang pagpapagal ninyo+ para sa Panginoon.

Talababa

Lit., “natulog.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “natulog.”
O “pagkanaririto.”
O “sa lahat ng panahon?”
O posibleng “Kung sa pananaw ng tao” o “Kung gaya ng sa ibang tao ang motibo ko.”
O “paliligaw.”
O “kaugalian.”
Hayop na apat ang paa gaya ng baka.
O “laging abala sa gawain ng.”

Study Notes

Kung nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mabuting balita: Sa Corinto, may mga nagdududa sa pagkabuhay-muli, na isa sa “unang mga doktrina” ng Kristiyanismo. (Heb 6:1, 2) May mga nagsasabi na “walang pagkabuhay-muli.” (1Co 15:12) Binanggit ni Pablo na may mga nangangatuwiran: “Kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.” (1Co 15:32) Posibleng sinisipi niya ang Isa 22:13, pero kitang-kita rin sa pananalitang iyan ang impluwensiya ng mga Griegong pilosopo gaya ni Epicurus, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. (Gaw 17:32; tingnan ang study note sa 1Co 15:32.) Puwede ring may mga Judiong miyembro ng kongregasyon na naimpluwensiyahan ng mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli. (Mar 12:18) At posibleng may mga naniniwala na espirituwal lang ang pagkabuhay-muli at naranasan na iyon ng mga Kristiyanong nabubuhay noong panahong iyon. (2Ti 2:16-18) Kung hindi ‘manghahawakan nang mahigpit sa mabuting balita’ ang mga taga-Corinto, magiging walang saysay ang pagiging mánanampalatayá nila—hindi nila makakamit ang pag-asa nila.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:12.

Cefas: Isa pang pangalan ni Pedro. (Tingnan ang study note sa 1Co 1:12.) Bago nagpakita si Jesus sa mga alagad niya bilang grupo, lumilitaw na nagpakita muna siya kay Pedro noong nag-iisa ito. (Luc 24:34) Siguradong napatibay si Pedro ng personal na pagdalaw ni Jesus dahil sa mga tagubiling tinanggap niya at sa katiyakang napatawad na siya sa tatlong beses na pagkakaila niya kay Jesus.—Tingnan ang study note sa Mar 16:7.

12 apostol: Ang pagkakataong tinutukoy dito ay posibleng ang nakaulat sa Ju 20:26-29, kung saan naroon si Tomas nang magpakita si Jesus “sa 12 apostol.” Kung gayon, ang ekspresyong “12 apostol” na ginamit dito ay tumutukoy sa mga apostol bilang isang grupo, kahit pa hindi sila kumpleto. (Ju 20:24; Gaw 6:1-6) Siguradong nakatulong sa kanila ang pagdalaw ni Jesus para mapagtagumpayan ang takot at maging matapang sa pagpapatotoo tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.

nagpakita siya sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon: Dahil karamihan sa mga tagasunod ni Jesus ay nasa Galilea, posibleng ang tinutukoy ditong pagkakataon na nagpakita ang binuhay-muling si Jesus “sa mahigit 500 kapatid” ay ang nakaulat sa Mat 28:16-20. (Tingnan ang study note sa Mat 28:16.) Lumilitaw na kasama sa grupong ito ang mga babaeng sinabihan ng isang anghel na makikita nila ang binuhay-muling si Jesus sa Galilea. (Mat 28:7) Karamihan sa mga nasa grupong iyon ay buháy pa noong 55 C.E. nang isulat ni Pablo ang unang liham niya sa mga taga-Corinto. Kaya sinasabi ni Pablo sa mga nagdududa sa pagkabuhay-muli ni Jesus na may mga makakapagpatotoo na nangyari ito dahil nakita nila ito mismo.

namatay na: Tingnan ang study note sa Gaw 7:60.

Santiago: Ang Santiago na binabanggit dito ay malamang na ang anak ng ama-amahan ni Jesus na si Jose at ng ina niyang si Maria. Lumilitaw na bago mabuhay-muli si Jesus, hindi pa mánanampalatayá si Santiago. (Ju 7:5) Batay sa sinabi ni Pablo, malamang na nagpakita si Jesus nang personal kay Santiago, na posibleng nakatulong kay Santiago na maniwalang ang kuya niya ang Mesiyas. Naging mánanampalatayá si Santiago, at posibleng nakatulong siya para makumberte rin ang iba pa niyang mga kapatid.—Gaw 1:13, 14.

na parang ipinanganak na kulang sa buwan: Ang salitang Griego na isinaling “ipinanganak na kulang sa buwan” ay puwedeng tumukoy sa isang bata na nahirapan dahil ipinanganak siya nang biglaan at sa maling panahon. Ginamit ni Pablo ang terminong ito para ilarawan ang nangyari sa kaniya noong makumberte siya—nang magpakita sa kaniya ang binuhay-muling si Jesus sa daan papuntang Damasco. Pero maraming puwedeng ibig sabihin si Pablo nang gamitin niya ang terminong ito. Posibleng sinasabi niya na di-inaasahan ang pagkakumberte niya at naging mahirap iyon para sa kaniya at sa iba. Nang panahong iyon, pansamantalang nawala ang paningin niya. (Gaw 9:3-9, 17-19) Puwede ring sinasabi niya na kung ikukumpara sa mga taong nabanggit niya sa naunang mga talata, naging Kristiyano siya sa maling panahon dahil nakumberte siya noong nakabalik na sa langit si Jesus. O posibleng mapagpakumbabang kinikilala ni Pablo na hindi siya karapat-dapat sa pribilehiyong tinanggap niya. Kaayon ito ng sinabi niya sa 1Co 15:9, 10. Alinman sa mga iyan ang ibig sabihin ni Pablo, maliwanag na pinahalagahan niya ang karanasang makita si Jesus. Dahil sa karanasang iyan, naging kumbinsido siya na talagang binuhay muli si Jesus.—Gaw 22:6-11; 26:13-18.

dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon: Dito, mapagpakumbabang kinikilala ni Pablo na anumang nagawa niya sa paglilingkod kay Jehova ay hindi dahil sa sariling niyang kakayahan. Idiniin niya ang puntong iyan nang tatlong beses niyang banggitin ang “walang-kapantay na kabaitan ng Diyos” sa talatang ito. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Iyan ang konteksto nang sabihin ni Pablo na nagpagal siya nang higit kaysa sa kanilang lahat, o sa iba pang mga apostol. Talagang pinahalagahan ni Pablo ang awang ipinakita ni Jehova nang piliin siya ng Diyos na maging apostol kahit na dati niyang inuusig ang mga Kristiyano. (1Ti 1:12-16) Kaya para maipakita ang pasasalamat niya, nagpagal nang husto si Pablo sa atas niya. Naglakbay siya nang malayo at naglayag sa dagat para maipangaral ang mabuting balita at makapagtatag ng maraming kongregasyon. At bilang bahagi ng kaniyang ministeryo, sumulat siya ng 14 na liham sa patnubay ng espiritu, at naging bahagi ang mga ito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pinagkalooban din siya ni Jehova ng kakayahang makapagsalita ng iba’t ibang wika, makakita ng mga pangitain, at makagawa ng mga himala, gaya ng pagbuhay-muli sa patay. (Gaw 20:7-10; 1Co 14:18; 2Co 12:1-5) Para kay Pablo, ang lahat ng atas at pagpapalang ito na tinanggap niya ay walang-kapantay na kabaitan ni Jehova.

sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay-muli: Kung totoo ang sinasabi nila, ang mga namatay na umaasang mabubuhay silang muli sa lupa ay hindi pala mabubuhay-muli. (Mat 22:31, 32; Ju 11:23, 24; tingnan ang study note sa 1Co 15:2.) Hindi rin makakaakyat sa langit ang mga pinahirang Kristiyano dahil kailangan muna nilang mamatay para mabuhay silang muli bilang mga espiritu. (1Co 15:35-38; tingnan ang study note sa 1Co 15:36, 38.) Sinabi ni Pablo na kung hindi totoo ang pagkabuhay-muli, walang saysay ang pananampalataya ng mga Kristiyano. (1Co 15:13, 14) Kaya ipinagtanggol niya nang husto ang pagkabuhay-muli, at dito, nagpokus siya sa pag-asa ng pinahirang mga Kristiyano.

pagkabuhay-muli: Tingnan ang study note sa Mat 22:23.

kung hindi binuhay-muli si Kristo: Ang pagkabuhay-muli ay isa sa “unang mga doktrina,” o pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. (Heb 6:1, 2) Kung hindi binuhay-muli si Jesus, hindi niya magagampanan ang isa sa napakahahalagang atas niya bilang Mataas na Saserdote—ang paghaharap kay Jehova sa langit ng halaga ng haing pantubos niya. (Heb 9:24) Malaki rin ang kaugnayan ng pagkabuhay-muli ni Kristo sa iba pang pangunahing turo ng Bibliya, kasama na ang tungkol sa soberanya, pangalan, at Kaharian ng Diyos at kaligtasan ng mga tao.—Aw 83:18; Mat 6:9, 10; Heb 5:8, 9.

ituturing din kaming sinungaling na mga saksi tungkol sa Diyos: Idiniin dito ni Pablo ang isa pang implikasyon ng pagsasabing hindi totoo ang pagkabuhay-muli. Kung walang pagkabuhay-muli, ibig sabihin, nagsisinungaling si Pablo at ang mga kapuwa niya mángangarál, hindi lang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, kundi tungkol din sa Diyos na Jehova, na sinasabi nilang pinagmulan ng himalang ito.

namumuhay pa rin kayo sa inyong mga kasalanan: Kung hindi totoong binuhay-muli si Kristo, hindi rin naibayad sa Diyos ang pantubos. Kung gayon, hindi maiaahon sa kasalanan ang di-perpektong mga tao at wala silang pag-asang matubos o maligtas.—Ro 3:23, 24; 1Co 15:3; Heb 9:11-14.

lubusan nang naglaho: Kung hindi totoo ang pagkabuhay-muli, ibig sabihin, ang mga Kristiyanong namatay—na ang ilan ay martir pa nga—ay lubusan nang naglaho at nadaya lang ng paniniwalang bubuhayin silang muli.

pinakakaawa-awa tayo sa lahat ng tao: Si apostol Pablo at ang iba pang mga Kristiyano ay nawalan ng mga pag-aari, pinag-usig, nagdusa, at nanganib pa nga ang buhay dahil naniniwala sila sa pagkabuhay-muli. Kaya kung di-totoo ang pagkabuhay-muli, talagang pinakakaawa-awa sa lahat ng tao ang mga Kristiyano. Ito ang pinakahuli sa listahan ng negatibong mga bagay na binanggit ni Pablo na magiging totoo kung hindi binuhay-muli si Kristo. (1Co 15:13-19) Pero maliwanag na hindi siya naniniwalang posible ang mga bagay na ito, dahil sinabi niya sa talata 20: “Binuhay-muli si Kristo.”

ang unang bunga sa mga natulog sa kamatayan: Binuhay-muli si Jesus noong Nisan 16, 33 C.E., kung kailan iniharap kay Jehova ng mataas na saserdoteng Judio ang ilan sa mga unang bunga mula sa unang pag-aani ng mga butil. Ang unang bunga mula sa pag-aani ng sebada, na puwede ring tawaging una sa mga unang bunga ng lupain, ay igagalaw nang pabalik-balik ng mataas na saserdote. (Lev 23:6-14) Ang tungkos na ito ay lumalarawan sa binuhay-muling si Jesu-Kristo—ang pinakaunang binuhay-muli tungo sa buhay na walang hanggan sa langit. Dahil tinawag si Jesus na “unang bunga,” nangangahulugan itong may mga susunod pa sa kaniya na bubuhaying muli tungo sa langit.—1Co 15:23.

unang bunga: Tingnan sa Glosari.

sa panahon ng kaniyang presensiya: Unang ginamit ang terminong ito sa Mat 24:3, kung saan tinanong si Jesus ng ilan sa mga alagad niya tungkol sa “tanda ng presensiya” niya. Tumutukoy ito sa presensiya ni Jesu-Kristo mula sa panahong iluklok siya sa langit bilang Mesiyanikong Hari sa pasimula ng huling mga araw ng sistemang ito. Ang salitang Griego na isinaling “presensiya” ay pa·rou·siʹa. Sa maraming Bibliya, isinalin itong “pagparito,” pero literal itong nangangahulugang “pagiging nasa tabi.” Ang presensiya niya ay tumutukoy sa isang yugto ng panahon sa halip na sa mismong pagdating. Ang ganitong kahulugan ng pa·rou·siʹa ay makikita sa Mat 24:37-39, kung saan ang “panahon ni Noe . . . bago ang Baha” ay ikinumpara sa “presensiya ng Anak ng tao.” Sa Fil 2:12, ginamit din ni Pablo ang pa·rou·siʹa para tukuyin ang panahong “kasama” siya ng mga kapuwa niya Kristiyano, kabaligtaran ng panahong “wala” siya. (Tingnan ang study note sa 1Co 16:17.) Kaya ipinapaliwanag ni Pablo na ang pagkabuhay-muli tungo sa langit ng mga kay Kristo, o mga pinahirang kapatid niya at kasamang tagapamahala, ay magaganap mga ilang panahon pagkatapos iluklok si Jesus sa langit bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.

ang wakas: O “ang ganap na wakas.” (Tingnan ang study note sa Mat 24:6.) “Ang wakas” (sa Griego, teʹlos) na binabanggit dito ay maliwanag na tumutukoy sa wakas ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus (Apo 20:4), kung kailan mapagpakumbaba at buong puso niyang ‘ibibigay ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ Pagkatapos ng 1,000 taon, lubusan nang naisakatuparan ng pamamahala ni Kristo ang layunin ng Kaharian. Hindi na kailangan ng isang gobyerno na mamamagitan kay Jehova at sa mga tao. At dahil lubusan nang naalis ang kasalanan at kamatayang naipasa ni Adan at natubos na rin ang mga tao, tapós na rin ang papel ni Jesus bilang Manunubos.—1Co 15:26, 28.

ang kamatayan . . . ay mawawala na: O “ang kamatayan ay aalisin.” Lit., “ang kamatayan ay mawawalan ng lakas.” Sinasabi dito ni Pablo na mawawala na ang kamatayang naipasa ni Adan pati na ang masasamang resulta nito. Kasama sa pag-alis sa kamatayan ang pagbuhay-muli sa mga patay (Ju 5:28), na ipinaglaban ni Pablo sa kontekstong ito. Pero para lubusang mawala ang kamatayan, kailangan ding maalis ang lahat ng epekto ng kasalanan ni Adan. Kaya sinabi ni Pablo na ang kasalanan, “ang kamandag na nagbubunga ng kamatayan,” ay aalisin sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng dalawang bagay na ito—ang pagkabuhay-muli at pantubos—aalisin ng Diyos ang kamatayan at mawawalan ito ng lakas. Kaya sinabi ni Pablo: “Ang kamatayan ay nilamon magpakailanman.”—1Co 15:54-57.

ang Anak ay magpapasailalim din: Mapagpakumbabang ibabalik ng Anak, si Kristo Jesus, sa kaniyang Ama ang pamamahala, at magpapasailalim siya sa soberanya ni Jehova. Sa paggawa nito, maipapakita ni Jesus ang pinakamalaking kapahayagan ng pagsuporta sa karapatang mamahala ng kaniyang Ama. Maipapakita rin ni Kristo na sa pagtatapos ng matagumpay na pamamahala niya nang 1,000 taon, mapagpakumbaba pa rin siya gaya noong nabubuhay siya dito sa lupa bilang tao.—Fil 2:5-11; Heb 13:8.

para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat: O “para ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.” Kapag ibinalik na ni Kristo ang buong pamamahala sa kaniyang Ama, direkta na muling pamamahalaan ni Jehova ang lahat ng nilalang niya. Hindi na kakailanganin ng perpektong mga tao ang Mesiyanikong Kaharian, ang gobyernong itinatag ng Diyos para ayusin ang lahat ng pinsalang idinulot ng rebelyon sa Eden. Hindi na rin kakailanganin ang pantubos, tagapamagitan, o mga saserdote. Bilang mga anak ni Jehova, magiging lubusang malaya ang mga tao at direkta na nilang makakausap ang Ama. (Ro 8:21) Ang tinatalakay dito ni Pablo ay tumutukoy sa panahon kung kailan ibinigay na ni Jesus “ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan.”—1Co 15:24.

binabautismuhan para maging mga patay: Sa kabanata 15 ng 1 Corinto, pinatunayan ni Pablo na talagang may pagkabuhay-muli. Sa kontekstong ito, sinabi niya na ang mga pinahirang Kristiyano ay binautismuhan, o inilubog, sa isang paraan ng pamumuhay gaya ng kay Kristo—ang pananatiling tapat sa harap ng mga pagsubok hanggang kamatayan. Pagkatapos, iaahon sila, o bubuhaying muli, bilang espiritu gaya ni Jesus. Bahagi ng bautismong ito ang mga pagsubok na kagaya ng mga hinarap ni Jesus at kadalasan nang nauuwi sa kamatayang dinanas niya. (1Co 15:30-34) Pero may pag-asang mabuhay-muli sa langit ang tapat na mga pinahirang Kristiyano. Kaya ang bautismong ito ay lumilitaw na kaugnay ng bautismong binanggit ni Jesus sa Mar 10:38 at ni Pablo sa Ro 6:3.—Tingnan ang study note sa Mar 10:38; Ro 6:3.

para maging: Ang ekspresyong ito ay salin ng Griegong pang-ukol na hy·perʹ, na literal na nangangahulugang “higit,” pero puwedeng mag-iba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa ilang Bibliya, isinalin ang pariralang ito na “binabautismuhan para sa mga patay.” Dahil sa ganitong salin, inisip ng ilan na ang talatang ito ay nangangahulugang pagbabautismo sa mga buháy para sa mga patay, o bilang kahalili nila. Pero walang binabanggit sa Bibliya na ganiyang klase ng bautismo, at wala ring patunay na ginagawa iyan noong panahon ni Pablo. Isa pa, hindi rin iyan magiging kaayon ng iba pang bahagi ng Bibliya na malinaw na nagsasabing ang mga binabautismuhan ay “mga alagad” na “masayang tumanggap” sa mensahe ng Diyos at ‘naniwala’ rito.—Mat 28:19; Gaw 2:41; 8:12.

nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso: Kadalasan nang inihahagis ng mga Romano ang mga kriminal sa mababangis na hayop sa arena. Sinasabi ng mga iskolar na hindi binibigyan ng ganitong parusa ang mga mamamayang Romano gaya ni Pablo, pero may mga ebidensiya na may ilang mamamayang Romano na inihagis sa mababangis na hayop o ipinanlaban sa mga ito. Ang binanggit ni Pablo sa 2 Corinto ay puwedeng tumukoy sa literal na pakikipaglaban sa mababangis na hayop sa arena. (2Co 1:8-10) Kung inihagis talaga si Pablo sa mababangis na hayop, siguradong naghimala ang Diyos para iligtas siya. (Ihambing ang Dan 6:22.) Posibleng isa ito sa maraming pagkakataon na “nalagay sa bingit ng kamatayan” si Pablo habang naglilingkod. (2Co 11:23) Pero may mga iskolar na nagsasabing makasagisag ang binabanggit dito ni Pablo na mababangis na hayop, at tumutukoy ito sa mababangis na taong umuusig sa kaniya sa Efeso.—Gaw 19:23-41.

kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo: Sinipi dito ni Pablo ang Isa 22:13, na nagpapakita ng saloobin ng masuwaying mga taga-Jerusalem. Sa halip na magsisi dahil malapit na silang mapuksa, nagpasarap na lang sila sa buhay. Posibleng sinipi ito ni Pablo dahil ganiyan din ang kaisipan ng mga hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Halimbawa, ang mga Epicureo ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli kaya nilulubos na nila ang buhay nila. Pero gaya ng idiniin ni Pablo, totoo ang pagkabuhay-muli, kaya may matibay na dahilan ang mga Kristiyano na patuloy na maging mapagsakripisyo.—1Co 15:58.

Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali: O “Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang kaugalian.” Lumilitaw na isa itong kasabihan o ekspresyon noong panahon ni Pablo na nagtuturo din ng prinsipyong makikita sa ibang teksto sa Bibliya. (Kaw 13:20; 14:7; 22:24, 25) Sinipi ito ni Pablo para sabihan ang mga kapuwa niya Kristiyano na lumayo sa mga taong kumokontra sa turo ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli. (1Co 15:3-8; tingnan ang study note sa 1Co 15:12.) Alam ni Pablo na kung makikihalubilo sila sa mga taong hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli at sa iba pang pangunahing turo ng mga Kristiyano, makakapagpahina ito sa pananampalataya nila at posibleng ‘makasira’ (sa Griego, phtheiʹro) pati sa magaganda nilang ugali at makalason sa isip nila. (Gaw 20:30; 1Ti 4:1; 2Pe 2:1) Napakaraming malalang problema ng kongregasyon sa Corinto, at tiyak na isa sa mga dahilan nito ang maling pagpili nila ng mga kasama.—1Co 1:11; 5:1; 6:1; 11:20-22.

Bumalik kayo sa katinuan: Gumamit si Pablo rito ng salitang Griego na literal na nangangahulugang “mahimasmasan.” Dahil nakinig ang ilang Kristiyano sa Corinto sa mga turo ng apostata, gaya ng paniniwalang hindi totoo ang pagkabuhay-muli, para silang naging lasing—nalilito at pasuray-suray. Hinimok sila ni Pablo na gumising at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa turo ng pagkabuhay-muli para hindi sila malito. Kailangan nila itong gawin bago pa masira ang kaugnayan nila sa Diyos na Jehova at mapuksa pa nga.—1Co 11:30.

kung hindi muna ito mamamatay: Nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagbuhay-muli sa isang pinahirang Kristiyano bilang espiritu, inihalintulad niya sa pagtatanim ng binhi ang paglilibing sa pisikal na katawan nito. Masasabing namamatay ang isang binhi kapag itinanim ito dahil nawawala na ang orihinal na anyo nito. Magiging halaman ito, na ibang-iba ang hitsura sa binhi. (Ihambing ang Ju 12:24.) Sa katulad na paraan, ang isang Kristiyano na pinili ng Diyos na maging kasamang tagapagmana ng Kaniyang Anak at tumanggap ng kawalang-kasiraan at imortalidad sa langit ay kailangan munang mamatay. Sa 1Co 15:42-44, apat na beses ginamit ni Pablo ang ilustrasyon tungkol sa paghahasik ng binhi. Ipinaliwanag niya kung paano napapalitan ng espiritung katawan ang pisikal na katawan ng isang pinahirang Kristiyano kapag binuhay itong muli.—Tingnan ang study note sa 1Co 15:38.

binibigyan ito ng Diyos ng katawan: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon tungkol sa pagtubo ng binhi bilang paglalarawan sa pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano. (Tingnan ang study note sa 1Co 15:36.) Ginamit niyang halimbawa ang maliit na binhi ng trigo na malayong-malayo ang hitsura sa halamang uusbong mula rito. ‘Namamatay’ ang binhi at nagiging halaman. (1Co 15:36, 37) Sa katulad na paraan, mamamatay din muna bilang tao ang mga pinahirang Kristiyano. At sa itinakdang panahon ng Diyos, bubuhayin niya silang muli at bibigyan ng isang bagong katawan na ibang-iba sa dati. (2Co 5:1, 2; Fil 3:20, 21) Magkakaroon sila ng espiritung katawan na puwedeng mabuhay sa langit.—1Co 15:44; 1Ju 3:2.

magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin: Hindi makapaniwala ang ilang taga-Corinto na ang katawan ng tao na may laman at dugo ay puwedeng mapalitan ng espiritung katawan kapag binuhay itong muli, kaya nagbigay sa kanila si Pablo ng malinaw na mga paghahalimbawa. Isa dito ang mga bituin. Kahit noong unang siglo, alam ng mga tao na iba-iba ang ningning at kulay ng mga bituin. Itinuro ni Pablo na ang Diyos na gumawa ng pagkakaiba-ibang iyan ay makakagawa rin ng isang espiritung katawan para sa isang tao na bubuhayin niyang muli.

hindi nabubulok: Ang ginamit dito na salitang Griego, a·phthar·siʹa, ay tumutukoy sa isang bagay na hindi puwedeng masira o mabulok. Ang isang pinahiran na may mortal at nabubulok na katawan bilang tao ay bubuhaying muli at bibigyan ng isang di-nabubulok na espiritung katawan kung mananatili siyang tapat hanggang kamatayan. (1Co 15:44) Ang ganitong “katawang hindi nabubulok” ay lumilitaw na may kakayahang patuloy na mabuhay nang hindi umaasa sa iba.—Ihambing ang study note sa 1Co 15:53.

pisikal: Ang terminong Griego na ginamit dito, psy·khi·kosʹ, ay galing sa salitang psy·kheʹ, na isinasalin kung minsan na “kaluluwa.” Ginamit ito para ipakita ang pagkakaiba ng katawan ng mga nilalang sa lupa at ng espiritung katawan; tumutukoy ito sa anumang pisikal, nahahawakan, nakikita, at mortal.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Ang unang taong si Adan . . . Ang huling Adan: Sa unang bahagi ng talata, sinipi ni Pablo ang Gen 2:7 (“ang tao ay nagkaroon ng buhay”), pero idinagdag niya ang mga salitang “unang” at “Adan.” Sa ikalawang bahagi ng talata, tinawag naman niya si Jesus na “ang huling Adan.” At sa 1Co 15:47, tinawag ni Pablo na “unang tao” si Adan at “ikalawang tao” naman si Jesus. Sumuway ang unang Adan sa kaniyang Ama at Tagapagbigay-Buhay; pero lubusang sumunod sa Kaniya ang huling Adan. Naipasa ng unang Adan sa mga supling niya ang kasalanan; ibinigay naman ng huling Adan ang buhay niya bilang tao para matubos sila sa kasalanan. (Ro 5:12, 18, 19) Pagkatapos, binuhay-muli ni Jehova si Jesus bilang espiritu. (1Pe 3:18) Perpektong tao si Jesus gaya ni Adan, kaya kaayon ng pamantayan ni Jehova sa katarungan, puwede Niyang tanggapin ang hain ni Jesus bilang “pantubos” sa mga inapo ni Adan. Dahil sa pantubos na ito, maibabalik sa mga tao ang buhay na naiwala ni Adan. (1Ti 2:5, 6) Kaya tama lang na tawagin si Jesus na “ang huling Adan,” dahil ipinapakita ng terminong ito na hindi na kailangan ng isa pang Adan pagkatapos niya.—Ihambing ang study note sa Luc 3:38; Ro 5:14.

nagkaroon ng buhay: Sinipi dito ni Pablo ang Gen 2:7, kung saan ang salitang Hebreo na neʹphesh ay isinaling “buhay.” Literal itong nangangahulugang “isang humihingang nilalang.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

isa na makalangit: Tumutukoy kay Kristo Jesus, “ang huling Adan.”—1Co 15:45.

kisap-mata: O “kurap.” Ang salitang Griego na isinaling “kisap-mata” (sa Griego, rhi·peʹ) ay tumutukoy sa isang mabilis na galaw. Sa kontekstong ito, puwede itong mangahulugang “pagkurap” o “biglang tingin,” na nagpapakitang kapag tumunog ang huling trumpeta, agad-agad na bubuhaying muli ang pinahirang mga Kristiyano tungo sa imortal na buhay sa langit.—1Te 4:17; Apo 14:12, 13.

imortal: Ang salitang Griego para sa “imortalidad” (a·tha·na·siʹa) ay lumitaw nang tatlong beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa 1Co 15:53, 54 at 1Ti 6:16. Ang pangunahing kahulugan nito ay “hindi mapapasailalim sa kamatayan.” Tumutukoy ito sa kalidad ng buhay—isang buhay na walang wakas at walang kasiraan. Kapag binuhay-muli ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo, na naglingkod nang tapat sa Diyos bilang mortal na mga tao, ang buhay nila ay nakahihigit sa walang-hanggang buhay ng espiritung mga nilalang. Bibigyan sila ni Jehova ng “buhay na di-magwawakas,” o buhay na walang kasiraan, na isang napakalaking kapahayagan ng tiwala ng Diyos sa kanila.—Heb 7:16; ihambing ang study note sa 1Co 15:42.

Ang kamatayan ay nilamon magpakailanman: Nang sipiin ni Pablo ang isinulat ni Isaias noong ikawalong siglo B.C.E., ipinakita niya na matagal nang ipinangako ng Diyos na wawakasan Niya ang kamatayang naipamana ni Adan. Ganito ang mababasa sa tekstong Hebreo ng Isa 25:8: “Lalamunin niya [Diyos] ang kamatayan magpakailanman.” Nang sipiin ni Pablo ang pananalitang ito, ginamit niya ang ekspresyong Griego (isinalin ditong “magpakailanman”) na literal na nangangahulugang “matagumpay.” Ang literal na kahulugan nito ang ginamit sa ilang salin ng Bibliya, kung saan ang mababasa ay “Ang kamatayan ay nilamon nang matagumpay” o “Ang kamatayan ay nilamon; isa itong tagumpay!” Pero ang terminong Griego ay puwedeng mangahulugang “permanente; magpakailanman” sa ilang konteksto. Ginamit ito ng Septuagint para ipanumbas sa terminong Hebreo na nangangahulugang “magpakailanman,” halimbawa sa Isa 25:8 at Pan 5:20. Kaya may matibay na dahilan para isalin ang ekspresyong Griegong ito na “magpakailanman” sa 1Co 15:54, lalo na kung isasaalang-alang ang tekstong Hebreo na sinipi dito.

Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?: Dito, sinipi ni Pablo ang Os 13:14. Hindi sinasabi ng hula ni Oseas na bubuhaying muli ang masuwaying mga Israelita. Ipinapakita ng pagkakagamit ni Pablo sa Os 13:14 na tumutukoy ang hulang ito sa panahon kung kailan ang mga patay ay bubuhaying muli at ang Libingan (Sheol, o Hades) ay mawawalan na ng kapangyarihan. Ang ilang bahagi ng pananalitang sinipi ni Pablo ay kinuha niya mula sa Septuagint, kung saan ang mababasa ay “Nasaan ang iyong parusa, O kamatayan? O Hades, nasaan ang iyong kamandag?” Sa paggamit ni Pablo sa mga tanong na ito na ipinapatungkol sa kaaway na Kamatayan (1Co 15:25, 26), para bang sinasabi niya: “Kamatayan, hindi ka na muling magtatagumpay! Kamatayan, wala ka nang kamandag!”

kamandag: Ang salitang Griego ng kenʹtron ay puwedeng tumukoy sa kamandag ng isang hayop, gaya ng alakdan. Ginamit ito sa Apo 9:10, kung saan sinabing ang makasagisag na mga balang ay may buntot na “may tibo gaya ng sa mga alakdan.” Dito sa 1Co 15:55, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa kirot at pagdurusang nararanasan ng milyon-milyong tao dahil sa kaaway na kamatayan. (1Co 15:26) Kung paanong hindi na makakapaglabas ng kamandag ang alakdan na tinanggalan ng tibo, wala na ring kapangyarihan ang kamatayan sa mga pinahirang binuhay-muli para manahin ang Kaharian ng Diyos at tumanggap ng imortalidad. (1Co 15:57; Apo 20:6) Sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, lubusang aalisin ng Diyos ang kamandag ng kamatayan na naipasa ni Adan kapag binuhay nang muli ang milyon-milyong namatay at inihagis na ang kamatayan sa makasagisag na “lawa ng apoy.”—Apo 20:12-14; 21:4; Ju 5:28, 29.

at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang Kautusang Mosaiko. Malinaw na makikita rito kung anong mga gawain at saloobin ang matutukoy na kasalanan. (Ro 3:19, 20; Gal 3:19) Kaya masasabing galing sa Kautusan ang kapangyarihan ng kasalanan. Dahil diyan, nakita ng mga Israelita na makasalanan sila, mananagot sila sa Diyos, at na kailangan nila ang Mesiyas.—Ro 6:23.

Kaya . . . maging matatag kayo, di-natitinag: Ang salitang Griego na isinaling “matatag” ay nangangahulugang “matibay; hindi maaalis sa puwesto.” Sa Col 1:23, isinalin ding “matatag” ang terminong ito sa ekspresyong “nakatayong matatag sa pundasyon.” Tumutukoy ito sa paninindigan ng isa dahil sa matibay na pananampalataya niya sa Diyos at sa Kaniyang mga pangako. (1Pe 5:9) Ganiyan din ang kahulugan ng ekspresyong “di-natitinag.” Tumutukoy ito sa isang bagay na nananatili sa puwesto nito at hindi magagalaw. Kahit mapaharap ang isang Kristiyano sa mga problema at pagsubok sa pananampalataya, may pag-asa siya na gaya ng isang “angkla” na nakakatulong sa barko na huwag madala ng alon. (Heb 6:19) Parehong ginamit ni Pablo ang mga terminong isinaling “matatag” at “di-natitinag” para ipakita na gustong-gusto niyang manghawakan ang mga kapatid niyang taga-Corinto sa kanilang pag-asa at pananampalataya at na nagtitiwala siyang “hindi masasayang ang pagpapagal [nila] para sa Panginoon.”

ginagawa para sa Panginoon . . . para sa Panginoon: Sa kontekstong ito, ang terminong Griego na Kyʹri·os (“Panginoon”) ay puwedeng tumukoy sa Diyos na Jehova o kay Jesu-Kristo. Dito, ang “Panginoon” ay mas malamang na tumutukoy kay Jehova, dahil sinabi ni Pablo na tayo ay “mga kamanggagawa ng Diyos” sa ministeryong Kristiyano, at tinawag niya rin ang ministeryong ito na “gawain ni Jehova.” (1Co 3:9; 16:10; Isa 61:1, 2; Luc 4:18, 19; Ju 5:17; Ro 12:11) Isa pa, noong nagtuturo si Jesus tungkol sa espirituwal na pag-aani, tinawag niya ang Diyos na Jehova na “Panginoon (sa Griego, Kyʹri·os) ng pag-aani.” (Mat 9:38) Pero posible ring ang nasa isip ni Pablo ay ang gawain, o ministeryo, na pinangunahan ni Jesus noong nandito siya sa lupa. (Mat 28:19, 20) Sinuman ang tinutukoy rito, malaking pribilehiyo para sa mga ministrong Kristiyano na maging kamanggagawa ng Kataas-taasang Panginoong Jehova at ng Panginoong Jesu-Kristo sa paghahayag ng mabuting balita.

Media