Unang Samuel 30:1-31
30 Pagdating ni David at ng mga tauhan niya sa Ziklag+ nang ikatlong araw, nadatnan nila itong wasak at sunóg. Sinalakay ng mga Amalekita+ ang Ziklag at ang timog.*
2 Dinala nilang bihag ang mga babae+ at ang lahat ng naroon, bata man o matanda. Wala silang pinatay, pero tinangay nila ang mga ito.
3 Pagdating ni David at ng mga tauhan niya sa lunsod, nakita nilang sunóg na ito, at ang kani-kanilang mga asawa at mga anak na lalaki at babae ay dinalang bihag.
4 Kaya umiyak nang malakas si David at ang mga tauhan niya hanggang sa wala na silang lakas para umiyak.
5 Dinala ring bihag ang dalawang asawa ni David, si Ahinoam ng Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na Carmelita.+
6 Nabagabag nang husto si David dahil pinag-uusapan ng mga tauhan niya na batuhin siya; galit ang lahat ng tauhan niya dahil sa pagkawala ng kanilang mga anak na lalaki at babae. Pero pinatibay ni David ang sarili niya sa tulong ni Jehova na kaniyang Diyos.+
7 Pagkatapos, sinabi ni David sa saserdoteng si Abiatar,+ na anak ni Ahimelec: “Pakisuyo, dalhin mo rito ang epod.”*+ Kaya dinala ni Abiatar kay David ang epod.
8 Sumangguni si David kay Jehova:+ “Hahabulin ko po ba ang grupong ito ng mga mandarambong? Maaabutan ko ba sila?” Sumagot Siya sa kaniya: “Habulin mo, dahil maaabutan mo sila, at mababawi mo ang lahat ng kinuha nila.”+
9 Agad na umalis si David kasama ang 600 tauhan niya.+ Pagdating nila sa Wadi* ng Besor, nagpaiwan ang ilan sa mga tauhan niya.
10 Ipinagpatuloy ni David ang paghabol, kasama ang 400 sa mga tauhan niya, pero nagpaiwan ang 200 tauhan niya na hindi na makatawid sa Wadi ng Besor dahil sa sobrang pagod.+
11 Nakakita sila ng lalaking Ehipsiyo sa parang at dinala nila ito kay David. Binigyan nila ito ng pagkain at ng tubig na maiinom,
12 pati ng isang hiwa ng kakaning gawa sa piniping igos at dalawang kakaning pasas. Pagkakain ng lalaki, muli itong lumakas, dahil hindi ito kumain o uminom ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.
13 Tinanong ito ni David: “Sino ang panginoon mo, at tagasaan ka?” Sumagot ito: “Ako ay isang tagapaglingkod na Ehipsiyo, alipin ng isang lalaking Amalekita, pero iniwan ako ng panginoon ko dahil nagkasakit ako tatlong araw na ang nakararaan.
14 Nilusob namin ang timog* ng mga Kereteo+ at ang Juda at ang timog* ng Caleb;+ at ang Ziklag ay sinunog namin.”
15 Sinabi ni David sa lalaki: “Masasamahan mo ba ako sa kinaroroonan ng grupong ito ng mga mandarambong?” Sumagot ito: “Kung susumpa ka sa akin sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako papatayin at hindi mo ako isusuko sa panginoon ko, sasamahan kita sa grupong ito ng mga mandarambong.”
16 Kaya sinamahan siya nito sa lugar na kinaroroonan ng mga mandarambong. Nakakalat sila sa parang, habang kumakain at umiinom at nagdiriwang dahil napakarami nilang nasamsam mula sa lupain ng mga Filisteo at sa lupain ng Juda.
17 Pinabagsak sila ni David habang madilim pa sa umaga hanggang sa kinagabihan; walang nakaligtas+ maliban sa 400 lalaki na tumakas sakay ng kamelyo.
18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha ng mga Amalekita,+ at nailigtas ni David ang dalawa niyang asawa.
19 Walang isa man sa mga ito ang nawala, bata man o matanda. Nabawi nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae at ang samsam;+ nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila.
20 Kinuha ni David ang lahat ng tupa at baka, at inilagay ito ng mga tauhan niya sa unahan ng kanilang mga alagang hayop. Sinabi nila: “Ito ang samsam ni David.”
21 Pagkatapos, nakarating si David sa 200 tauhan niya na nagpaiwan sa Wadi ng Besor at hindi sumama kay David dahil sa sobrang pagod.+ Sinalubong ng mga ito si David at ang mga kasama niya. Nang malapit na si David sa mga ito, kinumusta niya sila.
22 Pero masama ang ugali at walang kuwenta ang ilang lalaking sumama kay David. Sinabi nila: “Dahil hindi sila sumama sa atin, hindi natin sila bibigyan ng anumang samsam na nabawi natin. Kunin lang nila ang kanilang asawa at mga anak, at makaaalis na sila.”
23 Pero sinabi ni David: “Mga kapatid ko, huwag ninyong gawin iyan sa mga ibinigay sa atin ni Jehova. Pinrotektahan niya tayo at ibinigay sa kamay natin ang grupo ng mga mandarambong na sumalakay sa atin.+
24 Walang papayag sa gusto ninyong mangyari. Pantay-pantay ang magiging parte ng mga sumama sa labanan at ng mga umupo sa tabi ng bagahe.+ Ang lahat ay magkakaroon ng parte.”+
25 At mula nang araw na iyon, ito ang naging tuntunin at batas sa Israel hanggang sa araw na ito.
26 Pagbalik ni David sa Ziklag, pinadalhan niya ng samsam ang matatandang lalaki ng Juda na kaibigan niya. Ipinasabi niya: “Heto ang regalo* para sa inyo mula sa mga nasamsam sa mga kaaway ni Jehova.”
27 Ipinadala niya ito sa mga nasa Bethel,+ Ramot sa Negeb,* Jatir,+
28 Aroer, Sipmot, Estemoa,+
29 Racal, mga lunsod ng mga Jerameelita,+ mga lunsod ng mga Kenita,+
30 Horma,+ Borasan, Atac,
31 Hebron,+ at sa lahat ng lugar na madalas puntahan ni David at ng mga tauhan niya.