Ayon kay Juan 20:1-31

20  Noong unang araw ng linggo, habang madilim pa, maagang pumunta si Maria Magdalena sa libingan,+ at nakita niyang wala nang nakatakip na bato sa libingan.+ 2  Kaya tumakbo siya papunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad, na minamahal ni Jesus,+ at sinabi niya: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan,+ at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.” 3  Kaya pumunta si Pedro at ang isa pang alagad sa libingan. 4  Sabay na tumakbo ang dalawa, pero unang nakarating sa libingan ang isang alagad dahil mas mabilis siyang tumakbo kaysa kay Pedro. 5  Yumuko siya para sumilip at nakita niyang nakalapag ang mga telang lino.+ Pero hindi siya pumasok. 6  Kasunod na dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. 7  Ang telang ginamit sa ulo niya ay hindi nakalapag kasama ng iba pang tela, kundi hiwalay na nakarolyo sa isang lugar. 8  Pumasok din sa libingan ang alagad na unang nakarating, at dahil nakita niya, naniwala siya. 9  Hindi pa nila naiintindihan ang kasulatan na kailangan siyang bumangon mula sa mga patay.+ 10  At umuwi sa kani-kanilang bahay ang mga alagad. 11  Pero nakatayo pa rin si Maria malapit sa libingan, at umiiyak siya. Habang umiiyak, yumuko siya para sumilip sa loob ng libingan, 12  at dalawang anghel na nakaputi ang nakita niyang+ nakaupo kung saan inilagay ang katawan ni Jesus, ang isa ay sa ulunan at ang isa ay sa paanan. 13  Sinabi nila: “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya: “Kinuha nila ang Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan nila siya dinala.” 14  Pagkasabi nito, tumalikod siya at may nakita siyang lalaking nakatayo. Si Jesus iyon, pero hindi siya nakilala ni Maria.+ 15  Sinabi ni Jesus: “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang hardinero ang kumausap sa kaniya, sinabi ni Maria: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16  Sinabi ni Jesus: “Maria!” Nang lumingon siya, sinabi niya sa Hebreo: “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay “Guro!”) 17  Sinabi ni Jesus: “Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko+ at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama+ at inyong Ama at sa aking Diyos+ at inyong Diyos.’” 18  Pinuntahan ni Maria Magdalena ang mga alagad at sinabi ang balita: “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi niya sa kanila ang mga sinabi ni Jesus.+ 19  Kinagabihan nang araw na iyon, ang unang araw ng linggo, nagtipon sa isang lugar ang mga alagad. Nakatrangka ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 20  Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at tagiliran.+ Nagsaya ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.+ 21  Sinabi ulit ni Jesus: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.+ Kung paanong isinugo ako ng Ama,+ isinusugo ko rin kayo.”+ 22  Pagkasabi nito, humihip siya sa kanila at sinabi niya: “Tanggapin ninyo ang banal na espiritu.+ 23  Kung patatawarin ninyo ang kasalanan ng sinuman, pinatawad na siya ng Diyos. Pero kung hindi ninyo patatawarin ang kasalanan ng sinuman, hindi siya pinatawad ng Diyos.” 24  Pero si Tomas,+ isa sa 12 apostol+ at tinatawag na Kambal, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25  Kaya sinasabi sa kaniya ng ibang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Pero sinabi niya: “Maniniwala lang ako kung makikita ko ang butas* ng pako sa mga kamay niya at maipapasok ko ang daliri ko sa mga butas na iyon at ang kamay ko sa tagiliran niya.”+ 26  Pagkaraan ng walong araw, muling nagtipon ang mga alagad niya sa isang bahay, at kasama nila si Tomas. Nakatrangka ang mga pinto pero nakapasok si Jesus. Tumayo siya sa gitna nila, at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 27  Pagkatapos, sinabi niya kay Tomas: “Ilagay mo rito ang daliri mo, at tingnan mo ang mga kamay ko, at ipasok mo ang iyong kamay sa tagiliran ko, at huwag ka nang magduda* kundi manampalataya ka.” 28  Sumagot si Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko!”+ 29  Sinabi ni Jesus: “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Maligaya ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.”+ 30  Ang totoo, gumawa rin si Jesus ng marami pang tanda sa harap ng mga alagad niya na hindi nakasulat sa balumbong ito.+ 31  Pero isinulat ang mga ito para manampalataya kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at dahil sa pananampalatayang iyon, maaari kayong magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng pangalan niya.+

Talababa

O “marka.”
Lit., “at tumigil ka na sa hindi pagsampalataya.”

Study Notes

unang araw ng linggo: Tingnan ang study note sa Mat 28:1.

libingan: O “alaalang libingan.”—Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”

isa pang alagad, na minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang ikatlo sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan. (Tingnan ang study note sa Ju 13:23; 18:15.) Sa apat na iba pang paglitaw, ginamit ang salitang Griego na a·ga·paʹo. Ginamit naman sa talatang ito ang salitang Griego na kasingkahulugan nito, phi·leʹo, na isinasalin ding “mahal” sa saling ito.—Mat 10:37; Ju 11:3, 36; 16:27; 21:15-17; 1Co 16:22; Tit 3:15; Apo 3:19; tingnan ang study note sa Ju 5:20; 16:27; 21:15.

ang kasulatan: Posibleng tumutukoy sa Aw 16:10 o Isa 53:10. Hindi pa naiintindihan noon, kahit ng mga alagad ni Jesus, ang ilang hula tungkol sa Mesiyas. Kasama diyan ang mga hula tungkol sa pagtatakwil sa Mesiyas at sa pagdurusa, kamatayan, at pagkabuhay niyang muli.—Isa 53:3, 5, 12; Mat 16:21-23; 17:22, 23; Luc 24:21; Ju 12:34.

Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.

Rabboni!: Salitang Semitiko na nangangahulugang “Aking Guro.” Iniisip ng ilan na noong una, ang “Rabboni” ay mas magalang o mas magiliw na titulo kaysa sa “Rabbi.” Pero dito at sa Ju 1:38, parehong isinalin ni Juan ang mga titulong ito bilang Guro. Noong isulat ni Juan ang Ebanghelyo niya, posibleng nawala na ang espesyal na kahulugan ng hulapi (“-i” na nangangahulugang “aking”) na idinadagdag sa titulong “Rabboni.”

Huwag kang kumapit sa akin: Ang pandiwang Griego na haʹpto·mai ay puwedeng mangahulugang “humawak” o “kumapit.” Sa ilang salin, ang mababasa ay “Huwag mo akong hawakan.” Hindi naman sa ayaw ni Jesus na hawakan siya ni Maria Magdalena, dahil noong buhayin siyang muli, hindi niya rin pinagbawalan ang mga babaeng nakakita sa kaniya na ‘hawakan ang mga paa niya.’ (Mat 28:9) Lumilitaw na iniisip ni Maria Magdalena na aakyat na si Jesus sa langit. At dahil gustong-gusto niyang makasama ang Panginoon niya, kumapit siya nang mahigpit kay Jesus. Para tiyakin kay Maria na hindi pa siya aalis, inutusan niya si Maria na huwag nang kumapit sa kaniya, kundi ibalita sa mga alagad na binuhay na siyang muli.

aking Diyos at inyong Diyos: Ipinapakita ng pag-uusap na ito ni Jesus at ni Maria Magdalena noong Nisan 16, 33 C.E., na Diyos ng binuhay-muling si Jesus ang Ama, kung paanong Diyos din ni Maria ang Ama. Dalawang araw bago nito, nang nasa pahirapang tulos si Jesus, sumigaw siya: “Diyos ko, Diyos ko,” bilang katuparan ng hula sa Aw 22:1. Ipinapakita rin nito na kinikilala niya ang kaniyang Ama bilang kaniyang Diyos. (Mat 27:46; Mar 15:34; Luc 23:46) Sa Apocalipsis, tinawag din ni Jesus ang kaniyang Ama na “aking Diyos.” (Apo 3:2, 12) Pinapatunayan ng mga tekstong ito na sinasamba ng binuhay-muli at niluwalhating si Jesu-Kristo ang kaniyang Ama sa langit bilang kaniyang Diyos, gaya rin ng ginagawa ng mga alagad niya.

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

Kambal: Tingnan ang study note sa Ju 11:16.

Panginoon ko at Diyos ko!: Para sa ilang iskolar, ito ay ekspresyon ng pagkamangha na sinabi kay Jesus pero pinapatungkol sa Diyos, ang Ama niya. Sinasabi naman ng iba na sa orihinal na Griego, ang pananalitang ito ay pinapatungkol kay Jesus. Pero sakali mang totoo iyan, kailangang isaalang-alang ang ibang bahagi ng Kasulatan para maintindihan ang ibig sabihin ng “Panginoon ko at Diyos ko.” Ipinapakita ng ulat na nagpadala ng ganitong mensahe si Jesus sa mga alagad niya: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos,” kaya walang dahilan para isiping naniniwala si Tomas na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. (Tingnan ang study note sa Ju 20:17.) Narinig ni Tomas na nananalangin si Jesus sa kaniyang “Ama,” na tinawag niyang “ang tanging tunay na Diyos.” (Ju 17:1-3) Kaya kung tinawag man ni Tomas si Jesus na “Diyos ko,” posibleng ito ang mga dahilan: Ang tingin niya kay Jesus ay “isang diyos,” pero hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. (Tingnan ang study note sa Ju 1:1.) O puwedeng tinawag niya si Jesus kung paano tinatawag ng ibang mga lingkod ng Diyos ang mga mensaherong anghel ni Jehova, gaya ng nakaulat sa Hebreong Kasulatan. Malamang na pamilyar si Tomas sa mga ulat sa Bibliya kung saan kinausap ng mga karakter o manunulat nito ang isang mensaherong anghel na para bang ang Diyos na Jehova ang kausap nila. (Ihambing ang Gen 16:7-11, 13; 18:1-5, 22-33; 32:24-30; Huk 6:11-15; 13:20-22.) Kaya posibleng tinawag ni Tomas si Jesus na “Diyos ko” bilang pagkilala na kinatawan siya at tagapagsalita ng tunay na Diyos.

Sinasabi ng ilan na dahil may Griegong tiyak na pantukoy bago ang mga salitang “panginoon” at “diyos,” tumutukoy ang mga ito sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero sa kontekstong ito, ang paggamit ng pantukoy ay kailangan lang sa gramatika ng Griego. Halimbawa, may iba pang talata sa Bibliya kung saan ginamit bilang pantawag (vocative) sa Griego ang pangngalan na may kasamang tiyak na pantukoy, gaya sa Luc 12:32 (lit., “ang munting kawan”) at Col 3:18–4:1 (lit., “ang mga asawang babae”; “ang mga asawang lalaki”; “ang mga anak”; “ang mga ama”; “ang mga alipin”; “ang mga panginoon”). Sa katulad na paraan, ganito ang literal na salin ng 1Pe 3:7: “Ang mga asawang lalaki.” Kaya ang paggamit dito ng pantukoy ay lumilitaw na hindi naman makakatulong sa pag-alam sa kung ano talaga ang iniisip ni Tomas nang sabihin niya ito.

Media