Ayon kay Marcos 15:1-47

15  At nang magbukang-liwayway, nag-usap-usap agad ang mga punong saserdote kasama ang matatandang lalaki at ang mga eskriba—ang buong Sanedrin.+ Iginapos nila si Jesus at dinala siya kay Pilato.+ 2  Tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”+ Sumagot siya: “Ikaw na mismo ang nagsasabi.”+ 3  Pero maraming iniaakusa sa kaniya ang mga punong saserdote.+ 4  Muli siyang tinanong ni Pilato: “Wala ka bang isasagot?+ Tingnan mo, ang dami nilang ipinaparatang sa iyo.”+ 5  Pero hindi na sumagot si Jesus, kaya namangha si Pilato.+ 6  Sa bawat kapistahan, nagpapalaya siya ng isang bilanggo na hihilingin ng mga tao.+ 7  Nang panahong iyon, nakabilanggo si Barabas kasama ng mga rebelde, na nakapatay nang mag-alsa sila sa gobyerno. 8  Kaya lumapit ang mga tao at hiniling nila na gawin ni Pilato para sa kanila ang dati niyang ginagawa. 9  Sinabi ni Pilato sa kanila: “Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”+ 10  Ginawa ito ni Pilato dahil alam niyang naiinggit lang ang mga punong saserdote kaya ibinigay nila si Jesus sa kaniya.+ 11  Pero sinulsulan ng mga punong saserdote ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain.+ 12  Muli, sumagot si Pilato sa kanila: “Ano naman ang gagawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”+ 13  Muli silang sumigaw: “Ibayubay* siya sa tulos!”+ 14  Pero sinabi pa sa kanila ni Pilato: “Bakit? Ano ba ang ginawa niyang masama?” Pero lalo nilang inilakas ang sigaw: “Ibayubay siya sa tulos!”+ 15  Para pagbigyan ang kagustuhan ng mga tao, pinalaya ni Pilato si Barabas; at pagkatapos maipahagupit si Jesus,+ ibinigay niya ito sa mga sundalo para ibayubay sa tulos.+ 16  Dinala siya ngayon ng mga sundalo sa looban ng bahay ng gobernador, at tinipon nila ang buong pangkat ng mga sundalo.+ 17  At sinuotan nila siya ng damit na purpura* at gumawa sila ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya.+ 18  At sinasabi nila sa kaniya: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” 19  Gayundin, hinahampas nila siya ng tambo sa ulo at dinuduraan, at lumuluhod sila at yumuyukod sa kaniya. 20  Matapos nila siyang gawing katatawanan, hinubad nila sa kaniya ang damit na purpura at isinuot sa kaniya ang damit niya. At inilabas nila siya para ipako sa tulos.+ 21  Dumadaan noon si Simon na taga-Cirene, ang ama nina Alejandro at Rufo, galing sa lalawigan. Pinilit nila itong buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.+ 22  At dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na kapag isinalin ay nangangahulugang “Bungo.”+ 23  Dito ay sinubukan nilang bigyan siya ng alak na hinaluan ng mira,+ pero hindi niya ito tinanggap. 24  At ipinako nila siya sa tulos at pinaghati-hatian ang damit niya. Nagpalabunutan sila para malaman kung alin ang mapupunta sa bawat isa sa kanila.+ 25  Ikatlong oras noon nang ipako nila siya sa tulos. 26  At isinulat nila ang akusasyon sa kaniya: “Ang Hari ng mga Judio.”+ 27  Isa pa, dalawang magnanakaw ang ipinako rin nila sa tulos, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 28  —— 29  At ang mga dumadaan ay pailing-iling at iniinsulto siya:+ “O, ano? Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw?+ 30  Iligtas mo ang sarili mo! Bumaba ka diyan sa pahirapang tulos!” 31  Ininsulto rin siya ng mga punong saserdote pati ng mga eskriba. Sinasabi nila sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba; ang sarili niya, hindi niya mailigtas!+ 32  Kung makikita lang natin ngayon na bumaba sa pahirapang tulos ang Kristo na Hari ng Israel, maniniwala na tayo.”+ Ininsulto rin siya pati ng mga nakapako sa mga tulos sa tabi niya.+ 33  Nang ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras, nagdilim sa buong lupain.*+ 34  At nang ikasiyam na oras na ay sumigaw si Jesus nang malakas: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na kapag isinalin ay nangangahulugang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”+ 35  At ang ilan sa mga nakatayo sa malapit, nang marinig ito, ay nagsabi: “Tingnan ninyo! Tinatawag niya si Elias.” 36  Pagkatapos, may isang tumakbo, isinawsaw nito sa maasim na alak ang isang espongha, inilagay ito sa isang tambo, at ibinigay kay Jesus para inumin.+ Sinabi nito: “Pabayaan ninyo siya! Tingnan lang natin kung darating si Elias para ibaba siya.” 37  Pero sumigaw nang malakas si Jesus at namatay.+ 38  At ang kurtina ng templo+ ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.+ 39  Nakatayo sa harap ng tulos ang opisyal ng hukbo. Nang makita niya ang mga nangyari at ang pagkamatay ni Jesus, sinabi niya: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”*+ 40  May mga babae ring nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago na Nakabababa at ni Joses, at si Salome,+ 41  na sumasama kay Jesus noon at naglilingkod sa kaniya+ nang siya ay nasa Galilea, at ang maraming iba pang babae na kasama niyang pumunta* sa Jerusalem. 42  Dapit-hapon na, at dahil noon ay Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43  dumating si Jose ng Arimatea, isang iginagalang na miyembro ng Sanggunian at naghihintay rin sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus.+ 44  Pero gustong malaman ni Pilato kung patay na nga siya, kaya ipinatawag niya ang opisyal ng hukbo at tinanong ito kung patay na si Jesus. 45  Nang matiyak niya ito sa opisyal ng hukbo, pinahintulutan niya si Jose na kunin ang katawan. 46  Pagkatapos bumili ni Jose ng magandang klase ng lino at ibaba ang katawan, binalot niya ito ng lino at inilagay sa isang libingan+ na inuka sa bato; at iginulong niya ang isang bato sa pasukan ng libingan.+ 47  Pero si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Joses ay patuloy na nakatingin kung saan siya inilagay.+

Talababa

O “Ibitin.”
O “kulay-ube.” Tingnan sa Glosari.
Lit., “mundo.”
O posibleng “ay anak ng Diyos; ay anak ng isang diyos.”
Lit., “umakyat.”

Study Notes

Sanedrin: Tingnan ang study note sa Mat 26:59.

Pilato: Ang Romanong gobernador (prepekto) ng Judea na iniluklok ni Emperador Tiberio noong 26 C.E. Namahala siya nang mga 10 taon. Si Pilato ay binanggit ng sekular na mga manunulat, gaya ng Romanong istoryador na si Tacitus. Isinulat nitong ipinag-utos ni Pilato ang pagpatay kay Kristo sa panahon ng pamamahala ni Tiberio. Isang inskripsiyong Latin na may pananalitang “Poncio Pilato, Prepekto ng Judea” ang natagpuan sa sinaunang teatrong Romano sa Cesarea, Israel.​—Tingnan ang Ap. B10 para sa teritoryong sakop ni Poncio Pilato.

Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?: Tingnan ang study note sa Mat 27:11.

Ikaw na mismo ang nagsasabi: Tingnan ang study note sa Mat 27:11.

nagpapalaya siya ng isang bilanggo: Iniulat ito ng lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo. (Mat 27:15-23; Luc 23:16-25; Ju 18:39, 40) Hindi ito iniutos sa Hebreong Kasulatan, at wala ring ganitong pangyayari na nakaulat doon. Pero lumilitaw na noong panahon ni Jesus, may ganito nang tradisyon ang mga Judio. Hindi bago ang ganitong kaugalian sa mga Romano, dahil may mga ebidensiya na nagpapakitang nagpapalaya talaga sila ng mga bilanggo para mapasaya ang mga tao.

Muli: Gaya ng mababasa sa Luc 23:18-23, sumigaw ang mga tao nang di-bababa sa tatlong beses para hilingin kay Pilato na patayin si Jesus. Makikita naman sa ulat ni Marcos na tatlong beses na tinanong ni Pilato ang mga tao tungkol kay Jesus.​—Mar 15:9, 12, 14.

maipahagupit: Tingnan ang study note sa Mat 27:26.

bahay ng gobernador: Tingnan ang study note sa Mat 27:27.

sinuotan nila siya ng damit na purpura: Ginawa ito para hamakin si Jesus at gawing katatawanan ang pagkahari niya. Ayon sa ulat ni Mateo (27:28), sinuotan si Jesus ng mga sundalo ng “matingkad-na-pulang balabal,” isang klase ng balabal o mahabang damit na pampatong na isinusuot ng mga hari, mahistrado, o mga opisyal ng hukbo. Ayon sa ulat nina Marcos at Juan (19:2), purpurang damit ang isinuot sa kaniya, pero noon, “purpura” ang tawag sa anumang kulay na may pinaghalong pula at asul. Gayundin, naiiba ang tingin ng isa sa kulay depende sa anggulo, repleksiyon ng ilaw, at kulay sa paligid. Ipinapakita lang ng ganitong pagkakaiba-iba ng kulay sa ulat ng mga Ebanghelyo na hindi nagkopyahan ang mga manunulat nito.

koronang: Bukod sa damit na purpura (na binanggit din sa talatang ito), binigyan din si Jesus ng koronang tinik at, ayon sa Mat 27:29, ng setrong “tambo” para gawing katatawanan ang pagiging hari niya.

Magandang araw: Tingnan ang study note sa Mat 27:29.

dinuduraan: Ang panghahamak na ito kay Jesus ay katuparan ng mismong sinabi niya sa Mar 10:34 at ng hula tungkol sa Mesiyas sa Isa 50:6.​—Tingnan ang study note sa Mar 10:34.

yumuyukod sa kaniya: O “nagbibigay-galang sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay ginamit dito para tumukoy sa mapanghamak na pagyukod ng mga sundalo kay Jesus habang tinatawag nila siyang “Hari ng mga Judio.”​—Mar 15:18; tingnan ang study note sa Mat 2:2.

ipako sa tulos: O “ibitin sa tulos.”​—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”

taga-Cirene: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.

ama nina Alejandro at Rufo: Si Marcos lang ang bumanggit ng impormasyong ito tungkol kay Simon na taga-Cirene.

Pinilit: Ipinapaalala nito ang sapilitang paglilingkod na puwedeng ipagawa ng Romanong awtoridad sa isang mamamayan. Halimbawa, puwede nilang sapilitang pagtrabahuhin ang isang tao o hayop o ipagawa ang anumang kailangan para mabilis na maisagawa ang ipinag-uutos ng pamahalaan.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:41.

pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.

Golgota: Tingnan ang study note sa Mat 27:33.

Bungo: Ang ekspresyong Griego na Kra·niʹou Toʹpos ay katumbas ng salitang Hebreo na Golgota. (Tingnan ang mga study note sa Ju 19:17.) Ang terminong Calvary ay ginamit sa Luc 23:33 sa ilang Ingles na salin ng Bibliya. Mula ito sa salitang Latin para sa “bungo,” calvaria, na ginamit sa Vulgate.

alak na hinaluan ng mira: Sa kaparehong ulat sa Mat 27:34, sinabing ang alak ay “hinaluan ng mapait na likido.” Malamang na ang inuming ito ay parehong may mira at mapait na likido. Lumilitaw na nakapagpapamanhid ang inuming ito.​—Tingnan ang study note sa hindi niya ito tinanggap sa talatang ito at study note sa Mat 27:34.

hindi niya ito tinanggap: Maliwanag na gusto ni Jesus na malinaw ang kaniyang isip at kontrolado niya ang lahat ng kaniyang pandamdam habang nasa ilalim ng pagsubok na iyon.

pinaghati-hatian ang damit niya: Tingnan ang study note sa Mat 27:35.

Nagpalabunutan: Tingnan sa Glosari, “Palabunutan.”

Ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Sinasabi ng ilan na may pagkakasalungatan ang ulat na ito at ang ulat sa Ju 19:14-16, na nagsasabing “mga ikaanim na oras” nang ipabitay ni Pilato si Jesus. Hindi lubusang ipinapaliwanag ng Kasulatan kung bakit may pagkakaiba, pero ito ang ilang bagay na puwedeng pag-isipan: Karaniwan nang magkakatugma ang mga Ebanghelyo pagdating sa oras ng mga pangyayari noong huling araw ni Jesus sa lupa. Ipinapakita ng apat na ulat na umaga noon nang magtipon ang mga saserdote at matatandang lalaki at nang ipadala nila si Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato. (Mat 27:1, 2; Mar 15:1; Luc 22:66–23:1; Ju 18:28) Iniulat nina Mateo, Marcos, at Lucas na noong nasa tulos na si Jesus, nagdilim ang buong lupain mula “ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras.” (Mat 27:45, 46; Mar 15:33, 34; Luc 23:44) Ito ang isang bagay na posibleng nakaapekto sa pagsasabi kung anong oras binitay si Jesus: Ang paghagupit ay itinuturing ng ilan na kasama sa proseso ng pagbitay. Minsan, napakatindi ng paghagupit sa isang tao kaya namamatay agad ito. Napakatindi ng paghagupit kay Jesus, kaya kinailangan na siyang tulungan ng iba sa pagbuhat sa pahirapang tulos niya. (Luc 23:26; Ju 19:17) Kung ang paghagupit ay itinuturing na simula ng proseso ng pagbitay, ilang oras pa ang lumipas bago aktuwal na ipinako si Jesus sa pahirapang tulos. Sa Mat 27:26 at Mar 15:15, parehong binanggit ang paghagupit at pagbayubay sa kaniya sa tulos. Kaya puwedeng magkakaiba ang sabihin ng iba’t ibang indibidwal na oras ng pagbitay, depende sa pinaniniwalaan nilang simula ng proseso ng pagbitay. Makakatulong ito para maintindihan kung bakit nagulat si Pilato na namatay agad si Jesus matapos ipako sa tulos. Posible kasi na para kay Pilato, kakasimula pa lang ng pagbitay kay Jesus. (Mar 15:44) Isa pa, ang araw ay karaniwan nang hinahati-hati ng mga manunulat ng Bibliya sa apat na yugto na may tigtatatlong oras, gaya ng ginagawa sa gabi. Iyan ang dahilan kung bakit madalas mabasa sa mga ulat nila ang ikatlo, ikaanim, at ikasiyam na oras, pasimula sa pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u. (Mat 20:1-5; Ju 4:6; Gaw 2:15; 3:1; 10:3, 9, 30) Gayundin, karamihan sa mga tao noon ay walang mga orasan na makakapagbigay ng eksaktong oras, kaya ang pagtukoy sa oras ay madalas na ginagamitan ng terminong “mga,” gaya ng makikita sa Ju 19:14. (Mat 27:46; Luc 23:44; Ju 4:6; Gaw 10:3, 9) Bilang sumaryo: Posibleng para kay Marcos, kasama sa pagbitay ang paghagupit at pagpapako sa tulos; pero para kay Juan, ang pagbitay ay tumutukoy lang sa pagpapako sa tulos. Posibleng ginamit ng parehong manunulat ang pinakamalapit na tatlong-oras na yugto para tukuyin ang oras ng pagbitay kay Jesus, at gumamit si Juan ng terminong “mga” noong sabihin niya ang oras ng pagbitay. Ang mga ito ang posibleng dahilan ng pagkakaiba ng oras na binanggit sa mga ulat na iyon. Ipinapakita rin ng pagkakaibang ito na kahit maraming taon na ang lumipas bago nag-ulat si Juan, hindi niya basta kinopya lang ang ulat ni Marcos.

magnanakaw: Tingnan ang study note sa Mat 27:38.

Sa ilang mas bagong manuskrito, mababasa rito: “At natupad ang kasulatan na nagsasabi: ‘At itinuring siyang kriminal,’” na sinipi mula sa Isa 53:12. Pero wala ang pananalitang ito sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, at maliwanag na hindi ito bahagi ng orihinal na teksto ng Marcos. May katulad na pananalita sa Luc 22:37. Sinasabi ng ilan na isang tagakopya ang nagdagdag ng pananalitang ito sa ulat ni Marcos mula sa ulat ni Lucas.​—Tingnan ang Ap. A3.

pailing-iling: Tingnan ang study note sa Mat 27:39.

pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.

pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 27:32.

ikaanim na oras: Mga 12:00 n.t.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

ikasiyam na oras: Mga 3:00 n.h.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:3.

nagdilim: Mababasa rin sa kaparehong ulat ni Lucas na “naglaho ang liwanag ng araw.” (Luc 23:44, 45) Ang kadilimang ito ay isang himala na gawa ng Diyos. Hindi ito dahil sa solar eclipse, dahil nangyayari ang solar eclipse kapag bagong buwan. Pero panahon ng Paskuwa noon at kabilugan ng buwan. At ang kadilimang ito ay umabot nang tatlong oras, na di-hamak na mas matagal kaysa sa pinakamahabang total eclipse na posible, na hindi aabot nang walong minuto.

Eli, Eli, lama sabaktani?: Tingnan ang study note sa Mat 27:46.

Diyos ko, Diyos ko: Tingnan ang study note sa Mat 27:46.

Elias: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”

maasim na alak: Tingnan ang study note sa Mat 27:48.

tambo: Tingnan ang study note sa Mat 27:48.

namatay: O “nalagutan ng hininga.”​—Tingnan ang study note sa Mat 27:50.

kurtina: Tingnan ang study note sa Mat 27:51.

templo: Tingnan ang study note sa Mat 27:51.

opisyal ng hukbo: O “senturyon,” pinuno ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano. Ang opisyal na ito ay posibleng nasa paglilitis ni Pilato kay Jesus, at posibleng narinig niya mula sa mga Judio na sinasabi ni Jesus na Anak siya ng Diyos. (Mar 15:16; Ju 19:7) Ginamit dito ni Marcos ang salitang Griego na ken·ty·riʹon, salitang-hiram sa Latin na mababasa rin sa Mar 15:44, 45.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Marcos” at study note sa Mar 6:27; Ju 19:20.

Maria Magdalena: Tingnan ang study note sa Mat 27:56.

Santiago na Nakabababa: Apostol ni Jesus at anak ni Alfeo. (Mat 10:2, 3; Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13) Posibleng tinawag siyang “Nakabababa” dahil baka hindi siya kasintanda o kasintangkad ng isa pang apostol Santiago, na anak ni Zebedeo.

Joses: Mula sa Hebreo, pinaikling anyo ng Josipias, na nangangahulugang “Dagdagan (Paramihin) Nawa ni Jah; Dinagdagan (Pinarami) ni Jah.” Sa ilang manuskrito, “Jose” ang mababasa rito, pero karamihan sa sinaunang mga manuskrito ay gumamit ng “Joses.”​—Ihambing ang kaparehong ulat sa Mat 27:56.

Salome: Posibleng mula sa salitang Hebreo na nangangahulugang “kapayapaan.” Alagad ni Jesus si Salome. Kapag inihambing ang Mat 27:56 sa Mar 3:17 at 15:40, masasabing si Salome ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan; may binanggit si Mateo na “ina ng mga anak ni Zebedeo,” at tinawag siya ni Marcos na “Salome.” Makikita rin sa Ju 19:25 na posibleng si Salome ay kapatid ni Maria na ina ni Jesus. Kung gayon, sina Santiago at Juan ay pinsang buo ni Jesus. Isa pa, ipinapahiwatig ng Mat 27:55, 56, Mar 15:41, at Luc 8:3 na isa si Salome sa mga babaeng sumama kay Jesus at naglingkod sa kaniya gamit ang mga pag-aari nila.

Paghahanda: Lumilitaw na sumulat si Marcos pangunahin na para sa mga di-Judio, kaya ipinaliwanag niya na ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa araw bago ang Sabbath. Hindi makikita ang paliwanag na ito sa ibang Ebanghelyo. (Mat 27:62; Luc 23:54; Ju 19:31) Sa araw na ito, naghahanda ang mga Judio para sa Sabbath sa pamamagitan ng paghahanda ng mas maraming pagkain at pagtapos sa anumang trabahong hindi na makakapaghintay hanggang sa matapos ang Sabbath. Sa pagkakataong ito, ang araw ng Paghahanda ay tumapat sa Nisan 14.​—Tingnan sa Glosari.

Jose: Makikita ang personalidad ng mga manunulat ng Ebanghelyo sa magkakaibang detalye na iniulat nila tungkol kay Jose. Sinabi ni Mateo, isang maniningil ng buwis, na si Jose ay “isang taong mayaman”; sinabi naman ni Marcos, na sumulat pangunahin na para sa mga Romano, na siya ay “iginagalang na miyembro ng Sanggunian” at naghihintay sa Kaharian ng Diyos; sinabi ni Lucas, isang mapagmalasakit na doktor, na “isa siyang mabuti at matuwid na tao” na hindi sumuporta sa pakana ng Sanggunian laban kay Jesus; si Juan lang ang nag-ulat na “alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.”​—Mat 27:57-60; Mar 15:43-46; Luc 23:50-53; Ju 19:38-42.

Arimatea: Tingnan ang study note sa Mat 27:57.

miyembro ng Sanggunian: Miyembro ng Sanedrin, mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem.​—Tingnan ang study note sa Mat 26:59 at Glosari, “Sanedrin.”

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.

isang bato: Lumilitaw na isa itong bilog na bato, dahil sinasabi sa talatang ito na iginulong ang bato, at sinasabi naman sa Mar 16:4 na “naigulong na ang bato” noong buhaying muli si Jesus. Malamang na may bigat itong isang tonelada o higit pa. Tinawag ito ni Mateo na “isang malaking bato.”​—Mat 27:60.

Media