Liham kay Tito 1:1-16
Study Notes
Liham kay Tito: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat ng Bibliya. Halimbawa, ang kilaláng manuskritong Codex Sinaiticus na mula noong ikaapat na siglo C.E. ay may pamagat na “Kay Tito” sa dulo ng liham. May iba pang sinaunang manuskrito na may kahawig na pamagat.
Pablo: O “Mula kay Pablo.” Ang istilo na ginamit ni Pablo sa introduksiyon niya, na hanggang talata 4, ay karaniwan sa mga liham noon. Kadalasan, mababasa sa simula ang pangalan ng nagpadala, ang (mga) padadalhan, at pagkatapos ay isang pagbati. (Tit 1:4) Sa liham na ito, ang introduksiyon ni Pablo ay mas mahaba kaysa sa normal (sa Griego, isang mahabang pangungusap ito mula talata 1 hanggang talata 4). Hindi lang basta nagpakilala si Pablo, kundi sinabi niya rin ang tungkol sa pagiging apostol niya at sa pangangaral niya. Kahit sa isang tao lang patungkol ang liham ni Pablo—sa kamanggagawa niyang si Tito—gumamit ang apostol ng mas mahaba at pormal na introduksiyon, posibleng dahil gusto niyang basahin din ito sa iba.—Tingnan ang study note sa Tit 3:15; ihambing ang study note sa Ro 1:1.
alipin ng Diyos: Kahit na ang mga alipin ang may pinakamababang katayuan sa lipunan, hindi minamaliit ng ekspresyong ito ang taong inilalarawan nito. (Tingnan ang study note sa 1Te 1:9.) Sa katunayan, para kay Pablo, na isang tapat na Kristiyano, isang karangalan na maging hamak na lingkod ng Kataas-taasang Diyos at ng kaniyang Anak. (Tingnan ang study note sa Ro 1:1.) Inilarawan din ng kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ang sarili niya bilang “isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.” (San 1:1; ihambing ang 1Pe 2:16; Apo 7:3.) At nang bigyan si Maria ng isang atas, sinabi niya sa anghel ni Jehova: “Ako ay aliping babae ni Jehova!”—Tingnan ang study note sa Luc 1:38.
apostol: Tingnan ang study note sa Ro 1:1.
tumpak na kaalaman sa katotohanan: Dito, iniugnay ni Pablo ang tumpak na kaalaman sa makadiyos na debosyon at pag-asa.—Tit 1:2; 2:11, 12; para sa paliwanag sa terminong Griego na isinalin ditong “tumpak na kaalaman,” tingnan ang study note sa Efe 4:13.
makadiyos na debosyon: Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.
pag-asang buhay na walang hanggan na matagal nang ipinangako: Nang sabihin ni Pablo na “matagal nang” ipinangako ng Diyos ang pag-asang ito (ihambing ang study note sa 2Ti 1:9), posibleng tinutukoy niya dito ang panahon kung kailan unang nilayon ni Jehova na magkaroon ng “buhay na walang hanggan” ang mga tao sa lupa. O puwede ring ang tinutukoy niya ay ang panahon kung kailan unang isiniwalat ni Jehova ang layunin niya para sa mga tao. (Gen 1:27, 28; 2:17) Nang hatulan ng Diyos ang mga rebelde sa Eden, hindi niya binago ang orihinal na layunin niya. (Aw 37:29) Pero sinabi niya nang panahong iyon na isang espesyal na “supling” ang dudurog kay Satanas, at nang maglaon, ipinakita sa Bibliya na kasama sa “supling” na ito ang ilang tao na mabubuhay magpakailanman sa langit. (Gen 3:15; ihambing ang Dan 7:13, 14, 27; Luc 22:28-30.) Kaya nanghawakan si Pablo at ang iba pang pinahirang Kristiyano sa “pag-asang buhay na walang hanggan” sa langit.—Tingnan ang study note sa Efe 3:11.
Diyos, na hindi makapagsisinungaling: Hindi magagawang magsinungaling ni “Jehova na Diyos ng katotohanan.” (Aw 31:5) Sa lahat ng ginagawa ni Jehova, ginagamit niya ang kaniyang banal na espiritu, na tinatawag ni Jesus na “espiritu ng katotohanan.” (Ju 15:26; 16:13) Ibang-iba si Jehova sa di-perpektong mga tao, dahil “ang Diyos ay hindi gaya ng tao na nagsisinungaling.” (Bil 23:19) At ibang-iba si Jehova kay Satanas, na “sinungaling at . . . ama ng kasinungalingan.” (Ju 8:44) Ito ang punto ni Pablo: Imposibleng magsinungaling ang Diyos, kaya lubusang mapagkakatiwalaan ang mga pangako niya.—Heb 6:18.
ating Tagapagligtas, ang Diyos: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.
Tito: Isang Griegong Kristiyano na malapít na kasamahan ni apostol Pablo. Noong mga 49 C.E., isinama siya ni Pablo sa Jerusalem, kung saan pinagdesisyunan ang isyu tungkol sa pagtutuli. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:3 at study note) Pagkalipas ng ilang taon (mga 55 C.E.), ipinadala siya ni Pablo sa Corinto para tumulong sa pagkolekta ng pondong ibibigay sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea at posibleng para malaman kung paano tumugon ang mga Kristiyano sa Corinto sa unang liham ng apostol. Napatibay si Pablo sa magandang ulat ni Tito, kaya sumulat siya ng ikalawang liham sa Corinto, at lumilitaw na si Tito ang nagdala ng liham na ito. (2Co 2:13 at study note; 2Co 7:6, 7, 13-16; 8:1-6, 16, 17, 23; 12:17, 18) Posibleng sa pagitan ng 61 at 64 C.E., iniwan ni Pablo si Tito sa Creta para “maayos [nito] ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas . . . ng matatandang lalaki.” (Tit 1:5) Nang maglaon, hinilingan ni Pablo si Tito na samahan siya sa Nicopolis. (Tit 3:12) Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma (mga 65 C.E.), nagpunta si Tito sa Dalmacia. (Tingnan ang study note sa 2Ti 4:10.) Malamang na humingi siya ng permiso kay Pablo, o posible pa ngang ang apostol ang nagsugo sa kaniya doon. Maliwanag, si Tito ay isang tapat na Kristiyano, malaking tulong sa mga kongregasyong pinaglingkuran niya, at isang maaasahang kamanggagawa ni Pablo.
tunay na anak: Sa mga liham ni Pablo, sina Tito at Timoteo lang ang tinawag niya sa ganitong malambing na ekspresyon. (1Ti 1:2 at study note) Posibleng kay Pablo nalaman ni Tito ang mabuting balita. Ito man ang dahilan o hindi, itinuturing ni Pablo si Tito na anak niya sa espirituwal. Naging napakalapít nila sa isa’t isa dahil magkasama silang naglingkod sa mga kongregasyon. (2Co 8:23) Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, di-bababa sa 12 taon na silang magkakilala ni Tito.
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
Kristo Jesus na ating Tagapagligtas: Sa naunang talata, tinawag ang Diyos na “ating Tagapagligtas.” Kaya iniisip ng ilan na iisa lang si Jesus at ang Diyos. Pero kapansin-pansin na magkabukod na binanggit sa talatang ito ang “Diyos na Ama” at si “Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.” Si Jesus ang ginamit ng Diyos para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, kaya matatawag din si Jesus na “ating Tagapagligtas.” Sa Heb 2:10, tinawag ni Pablo si Jesus na “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” At si Jehova naman ay tinatawag ng manunulat ng Bibliya na si Judas na “tanging Diyos na Tagapagligtas natin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon,” na nagpapakitang nagtutulungan ang Diyos at si Kristo para mailigtas ang mga tao. (Jud 25) Kaya hindi sinusuportahan ng pananalita dito ni Pablo ang ideya na iisa lang si “Kristo Jesus” at ang “Diyos na Ama.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.
Creta: Isa ito sa malalaking isla sa Mediteraneo, at nasa dulong timog ito ng Dagat Aegeano, na mga 100 km (62 mi) sa timog-silangan ng Gresya. Ang Creta ay mga 250 km (155 mi) ang haba, at 56 km (35 mi) ang pinakamalapad na bahagi nito. Dumaan si apostol Pablo sa islang ito noong papunta siya sa Roma para sa una niyang paglilitis. (Gaw 27:7-9, 12, 13, 21) Lumilitaw na pagkatapos ng unang pagkabilanggo niya sa Roma, bumalik siya sa Creta para mangaral. Iniwan niya si Tito doon para ipagpatuloy nito ang gawain.—Tingnan ang Ap. B13; Media Gallery, “Mga Gawa ng mga Apostol—Paglalakbay ni Pablo sa Roma at Unang Pagkabilanggo Niya Doon”; “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”
para maayos mo: Pag-alis ni Pablo sa Creta, may ipinagkatiwala siya kay Tito na isang mahirap na atas. Kailangang ayusin ni Tito ang mga bagay na kailangang ituwid, o sapatan, sa mga kongregasyon sa Creta. Marami pang mahahalagang bagay na kailangang gawin doon, gaya ng ipinapakita sa liham na ito. Kasama sa mga tagubilin ni Pablo ang mga dapat gawin kapag may ayaw makipagtulungan, hindi nagpapasakop sa maibiging mga payo at tagubilin ni Tito, o nagtataguyod pa nga ng mga sekta.—Tit 1:9; 2:15; 3:10, 11.
makapag-atas ka ng matatandang lalaki: Ipinapakita ng pananalitang ito na inatasan ni Pablo si Tito na maghirang ng mga lalaking mangunguna sa bawat kongregasyon. (Heb 13:7, 17) Para maging matandang lalaki, kailangang maabot ng isang Kristiyano ang mga kuwalipikasyong ipinasulat ni Jehova kay Pablo sa sumunod na mga talata. (Tit 1:6-9; tingnan din ang 1Ti 3:1-7.) Si Tito at ang iba pang naglalakbay na tagapangasiwa—gaya nina Pablo at Bernabe, at lumilitaw na pati na si Timoteo—ay awtorisadong maghirang ng matatandang lalaki sa iba’t ibang kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 14:23.
sa bawat lunsod: Kilalá noon ang Creta sa pagkakaroon ng maraming lunsod. Sa katunayan, daan-daang taon bago ang panahon ni Pablo, inilarawan ito ng Griegong awtor na si Homer bilang “Creta na may daan-daang lunsod.” (The Iliad, II, 649) Hindi natin alam ang eksaktong bilang ng lunsod at bayan sa islang ito noong unang siglo C.E. Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “sa bawat lunsod” para ipakitang kailangang maglakbay ni Tito sa buong isla para maghirang ng matatandang lalaki sa mga kongregasyon na magtuturo at magpapastol sa mga Kristiyano.—Tit 1:6-9.
malaya sa akusasyon: May kahawig na mga ekspresyong makikita sa unang liham ni Pablo kay Timoteo.—1Ti 3:10; tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
asawa ng isang babae: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
may nananampalatayang mga anak: Dapat na mahusay na ulo ng pamilya ang isang Kristiyanong lalaki para makapaglingkod siya bilang matandang lalaki. Halos ganiyan din ang sinabi ni Pablo sa 1Ti 3:4. (Tingnan ang study note.) Pero dito, idinagdag niya na dapat na ‘nananampalataya’ ang mga anak ng isang matandang lalaki. Hindi ipinapahiwatig dito ni Pablo na dapat pilitin ng isang Kristiyanong ama ang mga anak niya na maging mánanampalatayá; salungat iyon sa kalayaang magpasiya na mababasa sa Kasulatan. (Deu 30:15, 16, 19) Sa halip, para maging isang matandang lalaki, kailangang ipakita ng isang ama na ibinigay niya ang buong makakaya niya para tulungan ang mga anak niya na maging Kristiyano. Dapat na sundin niyang mabuti ang tagubilin ni Jehova sa mga ama kung paano magpalaki ng mga anak.—Deu 6:6, 7; tingnan ang study note sa Efe 6:4; Col 3:21.
masamang pamumuhay: Ang salitang Griego na isinalin ditong “masamang pamumuhay” ay puwede ring isaling “pagiging suwail.” Kadalasan nang tumutukoy ito sa maluho, maaksaya, at imoral na pamumuhay. (1Pe 4:4) Ang kaugnay nitong salitang Griego ay lumitaw sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa suwail na anak na naglayas at ‘namuhay nang masama’; kasama dito ang paglustay ng mana niya sa mga babaeng bayaran.—Luc 15:13 at study note, 30.
pagrerebelde: Sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay nangangahulugang “ayaw magpasakop sa awtoridad, walang disiplina, masuwayin.” Hindi puwedeng maging tagapangasiwa ang isang Kristiyanong lalaki kung hinahayaan niya ang mga anak niya na maging rebelyoso at di-makontrol.
bilang katiwala ng Diyos: Dito, inilarawan ni Pablo ang “isang tagapangasiwa” sa kongregasyon bilang isang “katiwala,” o tagapamahala sa sambahayan. Ang terminong “katiwala” ay tumutukoy sa isang tao na nangangasiwa sa mga pag-aari ng panginoon niya at nangangalaga sa mga miyembro ng sambahayan nito. Tinawag ni Pablo ang kongregasyong Kristiyano na “sambahayan ng Diyos” sa unang liham niya kay Timoteo, kung saan mababasa rin ang mga kuwalipikasyon ng isang tagapangasiwa. (1Ti 3:15) Nang ilarawan niya ang mga tagapangasiwa bilang “katiwala ng Diyos,” idiniin niya ang papel ng matatandang lalaki sa pangangalaga sa sambahayan ng Diyos. Kasama sa atas niya ang manguna sa pagtuturo sa loob at labas ng kongregasyon. Mananagot ang mga katiwalang iyon sa panginoon nila, ang Diyos, sa kung paano nila ginagampanan ang pananagutan nila.—Tingnan ang study note sa Luc 12:42; 1Co 4:1.
dapat na malaya sa akusasyon: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
arogante: O “mapaggiit.” Ipinipilit ng ganitong tao na masunod ang gusto niya. Nagmamatigas siya, at ayaw niyang makinig sa opinyon ng iba. Kapag ganito ang ugali ng isa, hindi siya makikipagtulungan at babale-walain niya ang nararamdaman ng iba. Kapag naging tagapangasiwa siya, mapapasamâ ang kongregasyon.—Ihambing ang study note sa 1Ti 3:3.
mainitin ang ulo: O “magagalitin; iritable.” Hindi makontrol ng taong mainitin ang ulo ang galit niya, at dahil mabilis siyang magalit, nakakasira siya ng pagkakaisa at nagdudulot ito ng malaking problema. (Kaw 15:18; 22:24; 25:28; 29:22) Pero ang isang lalaking kuwalipikadong maging tagapangasiwa ay “makatuwiran, hindi palaaway.” (1Ti 3:3) Tinutularan niya si Jehova, na “hindi madaling magalit.”—Exo 34:6; Aw 86:15.
hindi marahas: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:3.
sakim sa pakinabang: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:8, kung saan ginamit din ni Pablo ang terminong Griego para sa ekspresyong ito; tingnan din ang study note sa 1Ti 3:3.
kundi mapagpatuloy: Pagkatapos isa-isahin ang negatibong mga katangian na hindi puwede sa isang tagapangasiwa, gumamit si Pablo ng salitang “kundi” para ipakita naman ang mga positibong katangian na kailangan ng isang tagapangasiwa. Maliwanag na ipinapakita ni Pablo na hindi sapat na basta iwasan ng isang lalaki ang masasamang katangian; kailangan din niyang magpakita ng magagandang katangian, gaya ng pagkamapagpatuloy.—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
laging gumagawa ng mabuti: O “maibigin sa kabutihan.” Iniibig ng ganitong tao ang lahat ng itinuturing ni Jehova na mabuti. Nakikita niya, pinapahalagahan, at pinupuri ang mabubuting bagay sa iba. Masaya rin siyang gumawa ng mabuti para sa iba, kahit na lampas pa iyon sa inaasahan sa kaniya.—Mat 20:4, 13-15; Gaw 9:36; 1Ti 6:18; tingnan ang study note sa Gal 5:22.
may matinong pag-iisip: Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2.
tapat: Ang isang tapat na tagapangasiwa ay may di-natitinag na debosyon kay Jehova at laging sumusunod sa Salita ng Diyos. Hindi niya iniiwan ang mga kapananampalataya niya sa panahon ng pagsubok at pag-uusig. Kahit na puwedeng isalin ang salitang Griego na ginamit dito bilang “banal” o “deboto” (gaya ng pagkakasalin dito sa ibang Bibliya), mas matibay ang basehan ng saling “tapat.” Halimbawa, madalas lumitaw ang salitang Griegong ito sa salin ng Septuagint para sa salitang Hebreo na nangangahulugang “tapat.” (2Sa 22:26; Aw 18:25; 97:10) Sa katunayan, sinasabi sa isang reperensiya na ang salitang Griegong ito ay tumutukoy sa “isang taong tapat sa Diyos.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 2:8.
may pagpipigil sa sarili: Tingnan ang study note sa Gal 5:23.
mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe: Makikita sa pagtuturo at pamumuhay ng isang matandang lalaki na nanghahawakan siya sa salita ng Diyos. Kapag nagtuturo sa kongregasyon, umaasa siya sa “mapananaligang mensahe (lit., “tapat na salita”)” na nasa Kasulatan, sa halip na sa sarili niyang ideya, karanasan, at kakayahan bilang tagapagsalita. (1Co 4:6 at study note) Kaya naaabot niya ang puso ng mga tagapakinig niya at napapakilos silang mahalin at paglingkuran si Jehova. (Heb 4:12) Isa pa, naiiwasan niyang maging mapagkunwari dahil sinusunod niya ang mga prinsipyo sa Bibliya na itinuturo niya. Ang tagapangasiwang nanghahawakan sa ganitong pamantayan ay nakakatulong sa kongregasyon para manatili itong nagkakaisa at maging “isang haligi at pundasyon ng katotohanan.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 3:2, 15.
kaniyang paraan ng pagtuturo: Tingnan ang study note sa 2Ti 4:2.
magpatibay: Tingnan ang study note sa Ro 12:8.
lalaking rebelde: Pangunahin nang tinutukoy dito ni Pablo ang ilang Judio sa Creta na naging Kristiyano. Iginigiit nila ang pagsunod sa mga kaugaliang Judio at sa mga batas may kinalaman sa pagtutuli, na hindi naman kailangang sundin ng mga tagasunod ni Kristo. Hindi iginagalang ng mga ‘rebeldeng’ ito ang awtoridad ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, at ayaw nilang sumunod sa mga ito.
nagsasalita ng mga bagay na walang saysay: Ayon sa isang reperensiya, ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na ang mga lalaking ito ay “magaling magsalita pero ang sinasabi nila ay may halong kasinungalingan o lubusan pa ngang hindi totoo.” Nanlilinlang sila—nadadaya nila ang mahihina sa kongregasyon o ang mga madaling mapaniwala.
mga nanghahawakan sa pagtutuli: Tumutukoy sa ilang Judiong Kristiyano sa Creta. Mula noong unang siglo B.C.E. o posibleng mas maaga pa dito, may komunidad na ng mga Judio sa Creta. Kasama rin ang mga Judio sa Creta sa mga nakarinig sa “makapangyarihang mga gawa ng Diyos” noong Pentecostes 33 C.E. (Gaw 2:11) Ngayon, iginigiit ng ilang Judiong Kristiyano sa Creta ang pagtutuli, kahit na ginabayan ng banal na espiritu ang lupong tagapamahala sa Jerusalem sa pagdedesisyon sa isyung iyan mga 12 hanggang 15 taon na ang nakakalipas (mga 49 C.E.). (Tingnan ang study note sa Gal 2:12.) Sinamahan ni Tito si Pablo sa Jerusalem para sa makasaysayang pulong na iyon.—Gaw 10:45; 15:1, 2, 7, 22-29; Gal 2:1, 3.
itikom ang bibig ng mga ito: Gumamit dito si Pablo ng pandiwang Griego na ayon sa isang diksyunaryo ay nangangahulugang “‘pasakan ang bibig’ para mapatahimik ito, gaya ng paglalagay ng busal, renda, o iba pang tulad nito.” Ang ilan sa kongregasyon ay nagkakalat ng maling mga doktrina, at “pami-pamilya [pa nga] ang inililihis nila sa katotohanan.” Kailangang protektahan ng hinirang na mga tagapangasiwa ang kawan ni Jehova mula sa ganitong mga tao, at kailangan nilang “itikom ang bibig ng mga ito,” o pigilang kumalat at makaimpluwensiya sa kongregasyon ang rebelyosong mga ideyang itinuturo ng mga ito. Magagawa ito ng mga tagapangasiwa kung magbibigay sila sa gayong mga lalaki ng matinding saway o ititiwalag pa nga ang mga ito kung kailangan dahil sa paulit-ulit na pagbale-wala sa payo at pagkakalat ng maling mga turo.—Tit 1:9, 10, 13; 3:10, 11.
propeta, na kababayan pa nila: Malamang na sinipi dito ni Pablo si Epimenides, na isang makatang Cretense noong ikaanim na siglo B.C.E. Malawak ang kahulugan ng terminong Griego na isinalin ditong “propeta,” at kung minsan, tumutukoy ito sa isang tagapagsalita o tagapagsalin. Sa katunayan, tinawag na propeta si Epimenides ng ilang sinaunang manunulat na Griego, at ganiyan din ang tawag kung minsan sa mga lalaking gaya ng makatang si Homer at ng pilosopong si Diogenes. Hindi sinasabi ni Pablo na propeta ng Diyos si Epimenides. (2Pe 1:21) Sumipi lang si Pablo mula sa isang lalaking iginagalang ng mga Cretense at malamang na itinuturing nilang tagapagsalita nila.
“Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad”: Kilalá noon ang mga Cretense sa pagsisinungaling. Sa katunayan, ang pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “kumilos [o “magsalita”] gaya ng isang Cretense” ay ginagamit kung minsan para tumukoy sa pagsisinungaling o pandaraya. Pero hindi sinasabi ni Pablo na ganito ang tapat na mga Kristiyano sa Creta. (Gaw 2:5, 11, 33) Idiniriin lang niya na may ilang Cretense na masamang impluwensiya sa mga kongregasyon. Sa kontekstong ito, binanggit niya ang mga “lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang,” na naggigiit sa pagtutuli at naglilihis ng mga pamilya sa katotohanan. (Tingnan ang mga study note sa Tit 1:10.) Kaya sinipi ni Pablo ang kilaláng kasabihang ito para idiin ang punto niya: Ganiyang-ganiyan ang ilang huwad na Kristiyano.
matatakaw na tamad: Ang salitang Griego dito para sa “matatakaw” ay literal na nangangahulugang “tiyan,” kaya tumutukoy ito sa isang tao na ang mahalaga lang ay kumain nang kumain. Siyempre, hindi lang naman mga Cretense ang ganiyan. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18; Fil 3:19.) Nang sipiin ni Pablo ang kasabihang ito, lumilitaw na ang tinutukoy niya ay ang mga taong tamad na gustong-gustong kumain pero hindi nagtatrabaho.
Totoo iyan: Ang kilaláng kasabihan sa naunang talata ay malamang na sinipi ni Pablo sa propetang Cretense na si Epimenides. Hindi sinasabi ni Pablo na totoo iyan sa lahat ng Cretense. Gusto lang niyang maging mapagbantay si Tito sa ilang magugulo sa kongregasyon na lumilitaw na katulad ng mga Cretenseng inilarawan ni Epimenides.—Tingnan ang study note sa Tit 1:12.
maging mahigpit ka sa pagdidisiplina sa kanila: Kinokontra ng ilan sa mga kongregasyon sa Creta ang kapaki-pakinabang na mga turong Kristiyano. Itinuturo nila ang sarili nilang ideya, at “pami-pamilya [pa nga] ang inililihis nila sa katotohanan.” (Tit 1:9-11) Kaya pinayuhan ni Pablo si Timoteo na ‘disiplinahin’ ang sinumang nagtataguyod ng maling mga turo at nagpapakita ng nabanggit niyang masasamang ugali. Nang sabihan ni Pablo si Tito na “maging mahigpit,” hindi naman ito nangangahulugang kailangan nitong maging mabagsik o masakit magsalita. (Ihambing ang 2Ti 2:24.) Sa halip, kailangan ni Tito na maging malinaw, malakas ang loob, at determinado kapag may inaasikasong problema. (Tit 2:15) Pero kailangan niya ring tandaan na ang layunin niya ay matulungan ang mga kapatid na “maging matibay ang pananampalataya.” Dapat niyang protektahan ang kongregasyon at pigilan ang pagkalat ng apostasya.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:20; 2Ti 3:16.
gawa-gawang mga kuwento: O “mga pabula.” Dito, ang salitang Griego na myʹthos, na nangangahulugang “alamat, pabula . . . kathang-isip,” ay tumutukoy sa mga kuwento ng mga Judio. Sa Hebreong Kasulatan, napakarami sanang makukuha ng mga Judio na totoong mga kuwento; pero “lumihis [sila] sa katotohanan” at gumawa at nagpakalat ng sarili nilang kuwento.—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4; 4:7.
utos ng mga tao: Batay ang ekspresyong ito sa Isa 29:13. Ginamit ni Jesus ang pananalita ni Isaias para tumukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon nang panahon niya. Sinabi niya: “Mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.” (Mat 15:9; Mar 7:7) Posibleng nasa isip ni Pablo ang ilan sa gawang-taong mga batas na karaniwan noon sa Judaismo. Itinuturo ng huwad na mga guro ang ganitong mga batas at sinasabing nakakatulong ang mga ito para maging mas makadiyos ang mga tao. Pero ang totoo, ang mga batas na ito ay salungat sa “kapaki-pakinabang na turo,” na nakakatulong sa mga Kristiyano na manatiling “matibay ang pananampalataya.”—Tit 1:9, 13; ihambing ang Col 2:20-22; 1Ti 4:3-5.
katotohanan: Tinutukoy dito ni Pablo ang kalipunan ng mga turong Kristiyano na naisiwalat na ng panahong iyon.—Tingnan ang study note sa Gal 2:5.
Ang lahat ng bagay ay malinis para sa mga taong malinis: “Mga taong malinis” ang mga Kristiyanong iniaayon ang kanilang isip at paggawi sa mga pamantayan ng Diyos. Alam nila kung ano ang malinis para sa Diyos pagdating sa moral o espirituwal, at alam din nila ang mga hinahatulan niya sa kaniyang Salita. (Mar 7:21-23; Gal 5:19-21) Naiingatan nilang “malinis [ang] puso at konsensiya” nila sa harap ng Diyos. (1Ti 1:5; 3:9; 2Ti 1:3; Mar 7:15) Ang tinutukoy ni Pablo sa ekspresyong “lahat ng bagay” ay ang mga bagay na hindi hinahatulan ng Diyos. Ipinakita ni Pablo na ang kabaligtaran ng “mga taong malinis” ay mga taong walang pananampalataya, na nadumhan ang konsensiya; para sa kanila, “walang anumang malinis.”
Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos: Inaangkin ng huwad na mga guro sa mga kongregasyon sa Creta na kilala at sinasamba nila ang Diyos. Pero naipapakita ng isang tao na kilala niya ang Diyos kung sumusunod siya sa mga utos at pamantayan Niya. (Aw 25:4, 5; 1Ju 2:3, 4) Gayunman, malinaw na makikita sa mga ginagawa nila, o ugali at paraan ng pamumuhay, na masuwayin sila sa Diyos at hindi talaga nila siya kilala. Sa paningin ng Diyos, kasuklam-suklam ang pagkukunwari nila.—Ihambing ang Kaw 17:15.
hindi kuwalipikado para sa anumang uri ng mabuting gawa: Ang salitang Griego na isinalin ditong “hindi kuwalipikado” ay nangangahulugang “hindi bagay; hindi aprobado.” (Ro 1:28; 2Ti 3:8) Sa literal, nangangahulugan itong “bumagsak sa pagsubok.” Sa sumunod na mga talata (Tit 2:1–3:8), ipinaliwanag ni Pablo kung anong mabubuting gawa ang hinihiling ng Diyos sa mga gusto talaga siyang mapalugdan.