TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA
Paano Ko Ito Sisimulan?
Ano ang makatutulong sa iyo para masiyahan ka at mas makinabang sa pagbabasa ng Bibliya? Tingnan ang limang mungkahi na nakatulong sa marami.
Pumili ng tamang lugar. Humanap ng tahimik na lugar. Para makapagpokus ka sa binabasa mo, bawasan ang mga panggambala. Makatutulong din sa iyo ang angkop na liwanag at sariwang hangin para mas makinabang sa pagbabasa.
Magkaroon ng tamang saloobin. Dahil ang Bibliya ay mula sa ating makalangit na Ama, makikinabang ka nang husto kung magiging gaya ka ng isang bata na sabik na matuto sa kaniyang mapagmahal na magulang. Kung mayroon kang negatibo o maling impresyon tungkol sa Bibliya, isaisantabi ito para maturuan ka ng Diyos.—Awit 25:4.
Manalangin bago magbasa. Mga kaisipan ng Diyos ang mababasa sa Bibliya, kaya hindi nakapagtatakang kailangan natin ang kaniyang tulong para maunawaan ito. Nangako ang Diyos na magbibigay siya ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Ang banal na espiritung iyon ang makatutulong para maunawaan mo ang kaisipan ng Diyos. Sa kalaunan, tutulong ito sa iyo na maunawaan “maging ang malalalim na bagay ng Diyos.”—1 Corinto 2:10.
Unawain ang binabasa. Huwag lang basta magbasa. Pag-isipang mabuti ang iyong binabasa. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang magagandang katangian ng tauhang binabasa ko? Paano ko siya matutularan?’
Magtakda ng espesipikong tunguhin. Para makinabang sa pagbabasa ng Bibliya, humanap ng magagandang aral na talagang makatutulong sa iyo. Maaari kang magtakda ng tunguhin gaya ng: ‘Gusto ko pang makilala ang Diyos.’ ‘Gusto kong maging mas mabuting tao at mas mabuting asawa.’ Pagkatapos, pumili ng bahagi ng Bibliya na makatutulong sa iyo na abutin ang mga tunguhing iyon. *
Ang limang mungkahing ito ay makatutulong sa iyo na simulan ang pagbabasa. Pero paano mo mae-enjoy ang pagbabasa? Ang susunod na artikulo ay nagbibigay ng ilang mungkahi.
^ par. 8 Kung hindi ka sigurado kung anong bahagi ng Bibliya ang makatutulong sa iyo, matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka.