TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAGDUSA AT NAMATAY SI JESUS?
Talaga Bang Nangyari Ito?
Noong tagsibol ng 33 C.E., si Jesus na Nazareno ay pinatay. May-kasinungalingan siyang kinasuhan ng sedisyon, binugbog nang husto, at ipinako sa tulos. Dumanas siya ng napakasakit na kamatayan. Pero binuhay siyang muli ng Diyos, at pagkaraan ng 40 araw, umakyat si Jesus sa langit.
Ang pambihirang ulat na ito ay mula sa apat na Ebanghelyo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Talaga kayang nangyari iyon? Angkop lang na itanong ito, at isa itong seryosong tanong. Kung hindi totoo ang ulat na iyon, walang-saysay ang pananampalatayang Kristiyano at ang buhay na walang hanggan sa Paraiso ay pangarap lang. (1 Corinto 15:14) Pero kung nangyari talaga ang ulat na iyon, may magandang kinabukasang naghihintay sa sangkatauhan, pati na sa iyo. Kaya totoo ba o kathang-isip lang ang mga ulat ng Ebanghelyo?
KUNG ANO ANG IPINAKIKITA NG KATIBAYAN
Di-gaya ng mga alamat, ang ulat ng mga Ebanghelyo ay tumpak hanggang sa kaliit-liitang detalye. Halimbawa, napakarami nitong binanggit na pangalan ng lugar na karamihan ay mapupuntahan pa ngayon. May mga ulat din tungkol sa mga tao, at pinatunayan ng sekular na mga istoryador na talagang umiral sila.—Lucas 3:1, 2, 23.
* Ang paraan ng pagpatay kay Jesus na inilalarawan sa mga Ebanghelyo ay kaayon ng paraan ng paglalapat ng kamatayan ng mga Romano noon. Isa pa, inilahad sa tumpak at prangkahang paraan ang mga ulat—kahit ang hindi magagandang ginawa ng mga alagad ni Jesus. (Mateo 26:56; Lucas 22:24-26; Juan 18:10, 11) Ipinakikita ng lahat ng ito na ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay tapat at makatotohanan sa kanilang mga isinulat tungkol kay Jesus.
Si Jesus din mismo ay binanggit ng sekular na mga manunulat noong una at ikalawang siglo.KUMUSTA NAMAN ANG PAGKABUHAY-MULI NI JESUS?
Tanggap ng marami na nabuhay at namatay si Jesus, pero may ilan na nag-aalinlangan kung binuhay siyang muli. Kahit ang kaniyang mga apostol ay hindi naniwala noong unang sabihin sa kanila na binuhay-muli si Jesus. (Lucas 24:11) Pero nawala ang kanilang pag-aalinlangan nang makita nila at ng ibang mga alagad ang binuhay-muling si Jesus sa magkakaibang pagkakataon. Minsan, nagpakita pa nga siya sa 500 katao.—1 Corinto 15:6.
Sa kabila ng bantang aarestuhin at papatayin, lakas-loob na ipinahayag ng mga alagad ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa lahat—kahit sa mga mismong pumatay sa kaniya. (Gawa 4:1-3, 10, 19, 20; 5:27-32) Maglalakas-loob ba ang mga alagad kung hindi sila sigurado sa pagkabuhay-muli ni Jesus? Ang totoo, ang pagkabuhay-muli ni Jesus ang dahilan ng impluwensiya ng Kristiyanismo sa daigdig noon at ngayon.
Makikita sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus ang lahat ng pagkakakilanlan ng mapananaligan at makasaysayang ulat. Kapag maingat mo itong binasa, makukumbinsi kang talagang nangyari ang mga ulat na iyon. At lalo ka pang makukumbinsi kapag naunawaan mo kung bakit nangyari ang mga iyon. Ipaliliwanag ito sa susunod na artikulo.
^ par. 7 Isinulat ni Tacitus, na ipinanganak noong mga 55 C.E., na “si Christus, na pinagmulan ng pangalang [Kristiyano], ay dumanas ng pinakamatinding parusa sa panahon ng paghahari ni Tiberio sa mga kamay ng isa sa ating mga prokurador, si Poncio Pilato.” Si Jesus ay binanggit din ni Suetonius (unang siglo); ng Judiong istoryador na si Josephus (unang siglo); at ni Pliny na Nakababata, gobernador ng Bitinia (maagang bahagi ng ikalawang siglo).