TAMPOK NA PAKSA
Kapag Namatay ang Isang Minamahal
“Alam ng Diyos ang pinakamabuti, anak. . . . Huwag . . . ka nang . . . umiyak.”
Iyan ang ibinulong kay Bebe. Nasa libing siya noon ng kaniyang ama, na namatay dahil sa isang aksidente sa sasakyan.
Malapít si Bebe sa kaniyang ama. Mabuti naman ang intensiyon ng kaibigang iyon ng kanilang pamilya, pero sa halip na gumaan ang loob, lalo lang nasaktan si Bebe. “Ano bang mabuti sa pagkamatay niya?” ang paulit-ulit na sabi niya sa kaniyang sarili. Nang ikuwento ni Bebe ang karanasang ito sa isang aklat makalipas ang ilang taon, damang-dama pa rin niya ang pagdadalamhati.
Gaya ng napatunayan ni Bebe, matagal bago lubusang maka-recover sa pagdadalamhati ang isang namatayan, lalo na kung malapít siya sa namatay. Tama lang ang pagkakalarawan ng Bibliya sa kamatayan bilang ang “huling kaaway.” (1 Corinto 15:26) Ginugulo nito at sinisira ang ating buhay at inaagaw ang mga mahal natin sa buhay, na kadalasan ay sa panahong di-inaasahan, at wala tayong magawa para pigilan ito. Lahat tayo ay apektado ng masaklap na epekto nito. Kaya normal lang kapag hindi natin alam kung paano haharapin ang pagkamatay ng isang minamahal.
Baka maitanong mo: ‘Gaano katagal ang pagdadalamhati? Paano ito makakayanan? Paano ko aaliwin ang mga namatayan? May pag-asa ba ang mga mahal natin sa buhay na namatay na?’