Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL

Pagharap sa Pagdadalamhati

Pagharap sa Pagdadalamhati

Napakaraming payo kung paano makakayanan ang pagdadalamhati. Pero hindi lahat ay nakatutulong. Halimbawa, baka may magsabi sa iyo na huwag kang umiyak o itago mo na lang ang nadarama mo. Baka pilitin ka naman ng iba na gawin ang kabaligtaran—ilabas ang lahat ng nararamdaman mo. Ang Bibliya ay nagbibigay ng mas balanseng payo na sinusuportahan ng modernong pananaliksik.

Sa ilang kultura, hindi itinuturing na tunay na lalaki ang isa kapag umiyak siya. Dapat ba talagang ikahiya ang pag-iyak, maging sa publiko? Ayon sa mga eksperto sa kalusugan ng isip, normal lang ang umiyak kapag nagdadalamhati. At sa paglipas ng panahon, maaari pa nga itong makatulong sa iyo na matanggap ang pagkamatay ng minamahal. Pero kung pipigilin mo ang pagdadalamhati, baka lalo lang itong makasamâ sa iyo. Hindi sinasabi ng Bibliya na mali ang umiyak o na hindi tunay na lalaki ang isa kapag umiyak siya. Isipin ang halimbawa ni Jesus. Sa pagkamatay ng kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro, si Jesus ay umiyak sa harap ng maraming tao kahit na may kapangyarihan siyang buhaying muli ang patay!—Juan 11:33-35.

Maaari ding makadama ng galit ang isang namatayan, lalo na kung bigla at di-inaasahan ang pagkamatay ng minamahal. Baka dahil ito sa hindi pinag-isipan at walang batayang mga salita mula sa isang iginagalang na tao. “Namatay si Tatay noong 14 anyos lang ako,” ang sabi ni Mike na taga-South Africa. “Sa libing, sinabi ng ministrong Anglikano na kailangan ng Diyos ng mababait na tao kaya kinukuha sila agad. * Nagalit ako kasi kailangang-kailangan namin si Tatay. Lumipas na ang 63 taon, pero masakit pa rin iyon.”

Nariyan din ang paninisi sa sarili. Kapag di-inaasahan ang pagkamatay ng minamahal, baka laging isipin ng namatayan, ‘Kung ginawa ko lang sana ito, baka buháy pa siya.’ O baka nagtalo kayo bago siya mamatay. Kung ito ang nangyari, baka lalo kang makonsensiya.

Kung galít ka at labis na nakokonsensiya, huwag mo itong kimkimin. Ipakipag-usap ito sa isang kaibigan na makikinig, makauunawa, at titiyak sa iyo na normal lang sa isang nagdadalamhati ang nadarama mo. Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.

Ang ating Diyos at Maylalang, si Jehova, ang pinakamatalik na Kaibigan na puwedeng lapitan ng isang namatayan. Sa panalangin, ibuhos mo sa kaniya ang laman ng iyong puso dahil “nagmamalasakit siya sa [iyo].” (1 Pedro 5:7) Nangangako rin siya sa lahat ng gumagawa nito na mapapanatag ang kanilang isip at giginhawa ang kanilang pakiramdam dahil sa “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Hayaang aliwin ka ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Maglista ng nakapagpapatibay na mga teksto. (Tingnan ang  kahon.) Puwede mo pa ngang sauluhin ang ilan sa mga ito. Malaking tulong ang pagbubulay-bulay sa mga tekstong ito sa gabi kapag nag-iisa ka at hindi makatulog.—Isaias 57:15.

Kamakailan, namatay dahil sa kanser ang asawa ng 40-anyos na lalaking tatawagin nating Jack. Sinabi ni Jack na may mga panahong ang lungkot-lungkot niya. Pero nakatulong sa kaniya ang panalangin. “Kapag nananalangin ako kay Jehova,” ang sabi niya, “ramdam kong hindi ako nag-iisa. Madalas akong magising sa gabi at hindi na makatulog. Pero kapag nagbasa na ako at nagbulay-bulay ng nakaaaliw na mga teksto sa Bibliya at ibinuhos sa panalangin ang lahat ng laman ng puso ko, napapanatag na ang isip at kalooban ko. Nakakatulog na ako ulit.”

Namatay sa sakit ang nanay ng kabataang si Vanessa. Panalangin din ang nakatulong sa kaniya. “Sa mga panahong hiráp na hiráp ako,” ang sabi niya, “tatawagin ko lang ang pangalan ng Diyos at saka hahagulhol. Pinakinggan ni Jehova ang mga panalangin ko at lagi niya akong pinalalakas.”

May mga tagapayo na nagsasabing para maibsan ang pagdadalamhati ng mga namatayan, magandang tumulong sa iba o magboluntaryo sa komunidad. Sa paggawa nito, makadarama ang isa ng kagalakan at maiibsan ang kaniyang pagdadalamhati. (Gawa 20:35) Maraming Kristiyanong namatayan ang nakadama ng malaking kaaliwan dahil sa pagtulong sa iba.—2 Corinto 1:3, 4.

^ par. 5 Hindi ito itinuturo ng Bibliya. Sinasabi ng Bibliya na may tatlong dahilan kung bakit tayo namamatay.—Eclesiastes 9:11; Juan 8:44; Roma 5:12.