Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasama ang misis kong si Tabitha sa ministeryo

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Para sa Akin, Walang Diyos

Para sa Akin, Walang Diyos
  • ISINILANG: 1974

  • BANSANG PINAGMULAN: GERMAN DEMOCRATIC REPUBLIC

  • DATING ATEISTA

ANG AKING NAKARAAN

Isinilang ako sa isang nayon sa Saxony, na dating German Democratic Republic (GDR). Lumaki ako sa isang pamilyang masaya at mapagmahal. Itinuro din sa akin ng mga magulang ko ang magagandang pamantayang moral. Ang GDR ay isang Komunistang estado, kaya para sa karamihan ng mga taga-Saxony, hindi mahalaga ang relihiyon. At para sa akin, walang Diyos. Ang unang 18 taon ng buhay ko ay hinubog ng dalawang paniniwala: ateismo at Komunismo.

Bakit ko nagustuhan ang Komunismo? Kasi gusto ko ang ideya na lahat ng tao ay pantay-pantay. Naniniwala rin ako na dapat ipamahagi nang patas ang lahat ng bagay, kasi maaari nitong alisin ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap. Kaya naging abala ako sa isang Komunistang organisasyon ng mga kabataan. Noong 14 anyos ako, gumugol ako ng malaking panahon sa isang environmental project sa pagre-recycle ng papel. Nagpasalamat ang bayan ng Aue sa mga pagsisikap ko, at binigyan ako ng mga awtoridad ng award. Kahit bata pa ako, nakilala ko ang ilang kilaláng mga politiko ng GDR. Pakiramdam ko, tama ang landas na tinatahak ko at may maganda akong kinabukasan.

Pero biglang gumuho ang mga pangarap ko. Noong 1989, bumagsak ang Berlin Wall pati na ang partidong Komunista ng Eastern Europe. Sunod-sunod ang mga pangyayari. Di-nagtagal, nalaman kong pangkaraniwan lang ang kawalang-katarungan sa GDR. Halimbawa, itinuturing na mas mababa ang mga mamamayang hindi sumusuporta sa Komunismo. Pero paano nangyari iyon? Hindi ba’t kaming mga Komunista ay naniniwalang pantay-pantay ang lahat ng tao? Ilusyon lang ba ang Komunismo? Talagang litong-lito ako.

Kaya nagbago ako ng mga priyoridad at nagpokus sa musika at sining. Dahil may kakayahan akong mag-aral sa isang music academy—na may posibilidad na magpatuloy sa unibersidad—pinangarap kong maging musician-artist. Tinalikuran ko rin ang mga pamantayang moral na itinuro sa akin noong bata ako. Naging mas mahalaga sa akin ang magpasarap sa buhay, kasama na ang pakikipag-date sa iba’t ibang babae. Pero ang musika, sining, pati na ang pamumuhay nang walang sinusunod na pamantayan ay hindi nakatulong para mawala ang kabalisahan ko. Makikita pa nga sa mga ipinipinta ko ang takot. Ano kaya ang mangyayari sa hinaharap? At ano ang layunin ng buhay?

Nang malaman ko ang sagot sa mga tanong ko, talagang humanga ako. Isang gabi sa academy, sumali ako sa isang grupo ng mga estudyanteng nag-uusap tungkol sa hinaharap. Isa sa kanila si Mandy * na isang Saksi ni Jehova. Nang gabing iyon, inakay niya ako sa tamang direksiyon. Sinabi niya, “Andreas, kung gusto mong malaman ang sagot sa mga tanong mo tungkol sa buhay at sa hinaharap, pag-aralan mo ang Bibliya.”

Hindi ako kumbinsido sa sinabi niya, pero na-curious ako. Sinabi ni Mandy na tingnan ko ang Daniel kabanata 2, at nagulat ako sa nabasa ko. Ipinakikita sa hulang ito ang sunod-sunod na kapangyarihang pandaigdig, mga gobyerno na may malaking epekto hanggang sa ngayon. Ipinakita pa sa akin ni Mandy ang iba pang hula tungkol sa hinaharap. Sa wakas, nahanap ko rin ang sagot sa mga tanong ko! Pero sino ang sumulat ng mga hulang iyon, at sino ang tumpak na makahuhula ng mangyayari sa hinaharap? Walang iba kundi ang Diyos.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

Kinausap ni Mandy ang mag-asawang Saksi na sina Horst at Angelika para dalawin ako. Tinulungan nila ako na mas maunawaan ang Salita ng Diyos. Nakita ko agad na ang mga Saksi ni Jehova lang ang tanging relihiyon na gumagamit at nagpapakilala sa personal na pangalan ng Diyos, Jehova. (Awit 83:18; Mateo 6:9) Nalaman ko na binibigyan ng Diyos na Jehova ang mga tao ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. Sinasabi ng Awit 37:9: “Yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.” Naunawaan ko na ang pag-asang ito ay bukás sa lahat ng indibiduwal na nagsisikap mamuhay sa mga pamantayan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

Pero nahirapan akong magbago at mamuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya. Naging mapagmataas ako dahil sa mga tagumpay ko bilang musician-artist. Kaya kailangan ko munang matutuhang maging mapagpakumbaba. Nahirapan din akong iwan ang imoral na pamumuhay. Laking pasasalamat ko na si Jehova ay naging matiisin, maawain, at maunawain sa mga nagsisikap mamuhay kaayon ng itinuturo ng Bibliya!

Sa unang 18 taon ng buhay ko, hinubog ako ng Komunismo at ateismo. Pagkatapos ng mga taóng iyon, binago na ng Bibliya ang buhay ko. Nabawasan ng mga natutuhan ko sa Bibliya ang pangamba ko sa hinaharap, at nagkaroon ng layunin ang buhay ko. Noong 1993, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova, at noong 2000, napangasawa ko si Tabitha, isang masigasig na Saksi. Gumugugol kami ng maraming panahon hangga’t posible para magturo ng Bibliya. Marami sa nakakausap namin ang hinubog din ng Komunismo at ateismo. Ang sarap sa pakiramdam kapag naipakikilala ko sa kanila si Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

Nang magsimula akong sumama sa mga Saksi ni Jehova, nagalit ang mga magulang ko. Pero nakita rin nila ang magagandang epekto ng pakikisama ko sa mga Saksi. Ngayon, natutuwa ako na nagbabasa na sila ng Bibliya at dumadalo na rin sa mga Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova.

Masaya kami ni Tabitha dahil sinisikap naming sundin ang mga payo ng Bibliya para sa mag-asawa. Halimbawa, dahil sinusunod namin ang utos nito tungkol sa pagiging tapat, tumitibay ang pagsasama naming mag-asawa.—Hebreo 13:4.

Hindi na ako nangangamba sa mangyayari sa hinaharap. Kabilang ako sa pambuong-daigdig na kapatiran—isang pamilya na may tunay na kapayapaan at pagkakaisa, at pantay-pantay ang pakikitungo sa isa’t isa—isang bagay na pinaniniwalaan ko at inaasam-asam ko noon pa man.

^ par. 12 Binago ang pangalan.