Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Niyakap Ko ang Katotohanan Kahit Wala Akong Kamay

Niyakap Ko ang Katotohanan Kahit Wala Akong Kamay

Kapag nai-insecure ang isa, naghahanap siya ng makakapitan. Pero hindi ko iyan magawa kasi wala akong mga kamay at braso. Pitong taon ako nang putulin ang mga braso ko para mailigtas ang buhay ko.

Ipinanganak ako noong 1960, 17 taóng gulang lang noon si Nanay. Hindi pa ako naipapanganak, iniwan na kami ni Tatay. Tumira kami ni Nanay sa mga lolo’t lola ko sa Burg, isang maliit na bayan sa dating German Democratic Republic, o East Germany. Maraming ateista roon, pati na rin ang pamilya namin. Hindi kami naniniwala sa Diyos.

Habang lumalaki ako, lagi kaming magkasama ni Lolo. Isinasama niya ako sa mga ginagawa niya, gaya ng pag-akyat sa mga puno para putulin ang mga sanga nito. Na-enjoy ko ang mga iyon. Wala akong iniisip na problema, at masayang-masaya ako.

ISANG AKSIDENTENG BUMAGO SA BUHAY KO

Isang araw, noong pitong taóng gulang ako, napakasaklap ng nangyari sa akin. Kasisimula pa lang ng pasukan at ikalawang taon ko na sa paaralan. Pauwi ako noon, inakyat ko ang isang tore ng kuryente. Nang maakyat ko na ang taas na walong metro, nakuryente ako at nawalan ng malay. Nang magising ako sa ospital, manhid ang mga braso ko dahil sunog na sunog ang mga ito. Malubha itong napinsala at kinailangang putulin para hindi malason ang dugo ko. Lungkot na lungkot si Nanay, pati na ang lolo’t lola ko. Pero dahil bata pa ako, hindi ko pa naiintindihan kung ano ang magiging epekto nito sa buhay ko.

Paglabas ng ospital, pumasok ako uli sa eskuwelahan. Pinagtatawanan ako ng mga kaeskuwela ko, tinutulak nila ako, at hinahagisan ng kung ano-ano dahil hindi ko maipagtanggol ang sarili ko. Nasaktan talaga ako sa kanilang panlalait at pakunwaring kabaitan. Kaya ipinasok ako sa Birkenwerder School for the Disabled. Para itong boarding school para sa mga batang may kapansanan. Dahil malayo ito sa bahay namin, hindi makadalaw ang nanay ko, pati na ang lolo’t lola ko. Nagkikita lang kami tuwing bakasyon. Sa loob ng 10 taon, lumaki akong malayo sa kanila.

LUMAKI AKONG WALANG KAMAY AT BRASO

Natutuhan kong gawin ang maraming bagay gamit ang aking mga paa. Nakakita ka na ba ng kumakain gamit ang tinidor at kutsara na nakaipit sa mga daliri ng kaniyang paa? Nagagawa ko iyon. Natutuhan ko ring magsipilyo at magsuklay gamit ang aking mga paa. Nagagamit ko pa nga ito sa pagsenyas kapag nakikipag-usap ako sa iba. Oo, mga paa ko ang naging kamay ko.

Noong tin-edyer ako, mahilig akong magbasa ng science fiction. Kung minsan, nai-imagine kong may high-tech akong mga kamay at nagagawa ko ang lahat ng bagay. Natuto akong manigarilyo sa edad na 14. Sa tuwing naninigarilyo, lumalakas ang loob ko at pakiramdam ko normal ang aking buhay. Para bang sinasabi ko: ‘Kaya ko ring gawin ’yan. Malaki na ako at kaya kong manigarilyo kahit wala akong kamay.’

Naging abala ako at sumali sa iba’t ibang aktibidad. Naging miyembro ako ng Free German Youth, isang organisasyon para sa mga kabataan na suportado ng Estado. Naging secretary ako sa aming lokal, isang mabigat na posisyon. Sumali rin ako sa singing club, sa mga poetry session, at sa mga isport para sa may-kapansanan. Pagkatapos kong mag-aprentis, nakapagtrabaho ako sa isang kompanya sa aming bayan. Habang nagkakaedad, gusto kong maging normal ang buhay ko, kaya madalas kong isinusuot ang aking artipisyal na kamay at braso.

NIYAKAP KO ANG KATOTOHANANG MULA SA BIBLIYA

Isang araw, habang naghihintay ako ng tren papunta sa aking trabaho, may isang lalaking lumapit sa akin. Tinanong niya kung naniniwala ba akong ibabalik ng Diyos ang aking mga kamay. Napaisip ako. Siyempre pa, gusto ko uling magkaroon ng mga kamay, pero parang imposible iyon at hindi kapani-paniwala! Bilang ateista, kumbinsido akong walang Diyos. Mula noon, iniwasan ko na ang lalaking iyon.

Minsan, niyaya ako ng isang katrabaho na dalawin ang kaniyang pamilya. Habang nagkakape, ipinakipag-usap sa amin ng mga magulang niya ang tungkol sa Diyos—ang Diyos na Jehova. Sa unang pagkakataon, narinig kong may pangalan ang Diyos. (Awit 83:18) Pero sa loob ko, sinasabi ko: ‘Walang Diyos, anuman ang pangalan niya. Patutunayan kong mali sila.’ Dahil alam kong tama ang paniniwala ko, pumayag akong pag-usapan namin ang Bibliya. Pero laking gulat ko nang hindi ko mapatunayang walang Diyos.

Habang pinag-aaralan namin ang mga hula sa Bibliya, unti-unting nagbago ang paniniwala ko bilang ateista. Marami sa mga hula ng Diyos ang natutupad, kahit isinulat ang mga ito daan-daan o libo-libong taon patiuna. Sa isang pag-uusap, ikinumpara namin ang kasalukuyang kalagayan ng daigdig sa mga hulang nasa Mateo kabanata 24, Lucas kabanata 21, at 2 Timoteo kabanata 3. Kung paanong ang pinagsama-samang sintomas ay tutulong sa isang doktor na magkaroon ng tamang diyagnosis sa sakit ng pasyente, ang pinagsama-samang pangyayaring binanggit sa mga hulang iyon ay tumulong sa akin na makitang nabubuhay na tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw.” * Hangang-hanga ako. Kitang-kita kong natutupad ang mga hulang iyon.

Kumbinsido akong ito ang katotohanan. Nanalangin ako sa Diyos na Jehova at huminto ako sa paninigarilyo—kahit mahigit isang dekada na akong malakas manigarilyo. Mga isang taon din akong nag-aral ng Bibliya. Noong Abril 27, 1986, patago akong binautismuhan sa isang bathtub, kasi noong panahong iyon, ipinagbabawal pa sa East Germany ang mga Saksi.

PAGTULONG SA IBA

Dahil sa pagbabawal, maliliit na grupo lang ang nagkikita-kita sa pribadong mga bahay at iilang kapananampalataya lang ang kakilala ko. ’Di ko inasahang bibigyan ako ng mga opisyal ng Estado ng pahintulot na magbiyahe sa West Germany. Doon, hindi ipinagbabawal ang mga Saksi. Sa unang pagkakataon, nakadalo ako sa mga kombensiyon at libo-libong kapatid sa espirituwal ang nakasama ko. Napakagandang karanasan iyon.

Matapos bumagsak ang Berlin Wall, inalis ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon, malaya na kaming sumasamba sa Diyos na Jehova. Gusto kong lubos na makibahagi sa pangangaral. Pero takót akong makipag-usap sa mga estranghero. Mababa kasi ang tingin ko sa sarili ko dahil sa aking limitasyon at dahil halos lumaki ako sa bahay para sa may-kapansanan. Pero noong 1992, sinubukan kong mangaral nang 60 oras sa isang buwan. Nagawa ko iyon, at napakasaya ko. Kaya pinagsikapan kong gawin iyon buwan-buwan sa loob ng mga tatlong taon.

Lagi kong iniisip ang sinasabi sa Bibliya: “Sino ang mahina, at hindi ako mahina?” (2 Corinto 11:29) Kahit may kapansanan ako, may isip at boses pa naman ako. Kaya ginawa ko ang lahat para tulungan ang iba. Dahil wala akong kamay, naiintindihan ko nang husto ang mga may limitasyon. Alam ko ang pakiramdam ng isa na may gustong-gustong gawin pero hindi niya magawa. Sinisikap kong patibayin ang mga nakadarama nang ganiyan. Masaya ako kapag nakakatulong ako sa iba sa ganiyang paraan.

Ang pangangaral ng mabuting balita sa iba ay nagpapasaya sa akin

TINUTULUNGAN AKO NI JEHOVA ARAW-ARAW

Inaamin ko na paminsan-minsan, nadedepres din ako. Gusto ko lang namang maging normal ang buhay ko. May mga bagay akong nagagawa nang mag-isa. Pero di-gaya ng iba, mas mahabang oras, at higit na pagsisikap at lakas ang kailangan ko para magawa ko ang mga iyon. Ang motto ko araw-araw: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Araw-araw, ibinibigay sa akin ni Jehova ang lakas na kailangan ko para matapos ko ang aking mga gawain. Alam kong hindi ako pababayaan ni Jehova. Kaya naman hindi ako magsasawang paglingkuran siya.

Pinagkalooban ako ni Jehova ng isang pamilya—isang bagay na hinahanap-hanap ko noong bata ako. May mabait akong asawa, si Elke, na mapagmahal at maunawain. Isa pa, milyon-milyong Saksi ni Jehova ang naging kapatid ko sa espirituwal—isang pandaigdig na pamilya.

Kasama ang mapagmahal kong asawa, si Elke

Napapatibay rin ako sa pangako ng Diyos na isang Paraiso, kung saan gagawin niyang “bago ang lahat ng bagay,” pati na ang mga kamay ko. (Apocalipsis 21:5) Mas naintindihan ko ang pangakong ito nang bulay-bulayin ko ang ginawa ni Jesus noong nasa lupa siya. Sa isang iglap, pinagaling niya ang mga pilay at ibinalik pa nga ang pinutol na tainga ng isang lalaki. (Mateo 12:13; Lucas 22:50, 51) Dahil sa mga pangako ni Jehova at mga himala ni Jesus, nakumbinsi akong malapit nang mawala ang aking kapansanan.

Pero ang pinakamalaking pagpapalang tinanggap ko ay ang makilala ang Diyos na Jehova. Siya ang aking ama at kaibigan. Tinutulungan niya ako at pinalalakas. Nadarama ko ang nadama ni Haring David, na sumulat: “Si Jehova ang aking lakas . . . at ako ay natulungan, anupat nagbubunyi ang aking puso.” (Awit 28:7) Ang kahanga-hangang katotohanang ito ang pinanghahawakan ko sa aking buong buhay. Talagang niyakap ko ito kahit wala akong kamay.

^ par. 17 Para sa detalyadong pagtalakay sa tanda ng mga huling araw, tingnan ang kabanata 9, “Nabubuhay Na Ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?” sa aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available online sa www.mt1130.com/tl.