Ano Ba Talaga ang Hitsura ni Jesus?
Walang sinuman ang may litrato ni Jesus. Hindi siya nagpagawa ng painting o nagpaukit ng kaniyang larawan. Pero sa loob ng daan-daang taon, makikita siya sa mga likha ng napakaraming alagad ng sining.
Siyempre pa, hindi nila alam ang talagang hitsura ni Jesus. Kadalasan nang ang laganap na kultura, relihiyosong paniniwala, at ang gusto ng mga nagpapagawa ang nagdidikta sa mga alagad ng sining kung ano ang magiging hitsura ni Jesus. Pero ang mga ito ay nakaiimpluwensiya, at nagpapalabo pa nga, sa pananaw ng mga tao tungkol kay Jesus at sa mga turo niya.
Inilalarawan ng ilang alagad ng sining na si Jesus ay mahina, may mahabang buhok at manipis na balbas, o mukhang kawawa. Sa ibang paglalarawan naman, si Jesus ay makapangyarihan na may sinag na bilóg sa ulo, o malayô ang loob sa mga tao. Tama ba ang mga paglalarawang iyon? Paano natin malalaman? Suriin natin ang sinasabi ng Bibliya na tutulong sa atin na mailarawan ang posibleng hitsura ni Jesus. Tutulong din ito sa atin na magkaroon ng tamang pananaw tungkol sa kaniya.
“NAGHANDA KA NG KATAWAN PARA SA AKIN”
Ang mga salitang iyan ay sinabi ni Jesus sa panalangin marahil noong bautismuhan siya. (Hebreo 10:5; Mateo 3:13-17) Ano kaya ang hitsura ng katawang iyon? Mga 30 taon bago nito, sinabi ng anghel na si Gabriel kay Maria: “Ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, . . . Anak ng Diyos.” (Lucas 1:31, 35) Kaya si Jesus ay isang sakdal na tao, gaya ni Adan nang lalangin ito. (Lucas 3:38; 1 Corinto 15:45) Tiyak na isang matipunong lalaki si Jesus, at malamang na kahawig siya ng kaniyang inang si Maria na isang Judio.
Si Jesus ay may balbas, na karaniwan sa mga Judio di-tulad ng mga Romano. Ang balbas ay simbolo ng dignidad at pagiging kagalang-galang; maayos ito at hindi mahaba. Tiyak na ang balbas at buhok ni Jesus ay nagugupitan. Ang mga ibinukod lang bilang Nazareo, gaya ni Samson, ang hindi naggugupit ng buhok.—Bilang 6:5; Hukom 13:5.
Sa loob ng halos 30 taon, si Jesus ay nagtrabaho bilang karpintero at wala siyang modernong mga kagamitan. (Marcos 6:3) Kaya tiyak na matipunô ang kaniyang pangangatawan. Sa simula ng kaniyang ministeryo, mag-isa niyang “pinalayas . . . mula sa templo ang lahat ng may mga tupa at mga baka, at ibinuhos niya ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa.” (Juan 2:14-17) Isang malakas at mapuwersang tao lang ang makagagawa nito. Ginamit ni Jesus ang katawang inihanda ng Diyos para sa kaniya sa pagtupad ng kaniyang atas: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Kailangan ang pambihirang lakas para makapaglakbay nang naglalakad sa buong Palestina at para maihayag ang mensaheng ito.
“PUMARITO KAYO SA AKIN, . . . AT PAGIGINHAWAHIN KO KAYO”
Tiyak na naging kaakit-akit sa mga “nagpapagal at nabibigatan” ang paanyayang ito dahil sa maamong mukha at pagiging magiliw ni Jesus. (Mateo 11:28-30) Naidiin ng kaniyang kabaitan at pagiging palakaibigan ang pangako niyang pagiginhawahin ang mga handang magpaturo sa kaniya. Kahit ang mga bata ay gusto ring mapalapít kay Jesus, dahil sinasabi ng Bibliya: “Kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata.”—Marcos 10:13-16.
Dumanas din si Jesus ng matinding paghihirap bago siya namatay, pero hindi siya isang taong malungkutin. Halimbawa, pumunta siya sa isang kasalan sa Cana at ginawa niyang mainam na alak ang tubig. (Juan 2:1-11) Sa iba pang pagtitipon, nagturo siya ng di-malilimutang mga aral.—Mateo 9:9-13; Juan 12:1-8.
Higit sa lahat, dahil sa pangangaral ni Jesus, nabigyan ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan ang mga nakikinig sa kaniya. (Juan 11:25, 26; 17:3) Nang mag-ulat ang 70 alagad niya tungkol sa kanilang pangangaral, “nag-umapaw siya sa kagalakan” at sinabi: “Magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.”—Lucas 10:20, 21.
“HINDI KAYO DAPAT MAGKAGAYON”
Ang mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus ay gumagawa ng mga paraan para mapansin sila at ang kanilang awtoridad. (Bilang 15:38-40; Mateo 23:5-7) Di-tulad nila, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na huwag ‘mamanginoon’ sa iba. (Lucas 22:25, 26) Sa katunayan, nagbabala si Jesus: “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais magpalakad-lakad na may mahahabang damit at nagnanais ng mga pagbati sa mga pamilihan.”—Marcos 12:38.
Sa kabaligtaran, nakihalubilo si Jesus sa maraming tao nang hindi napapansin kung minsan. (Juan 7:10, 11) At kahit kasama niya ang kaniyang 11 tapat na apostol, hindi siya agaw-pansin. Hinalikan si Jesus ng tagapagkanulong si Hudas bilang “isang pinagkasunduang tanda” para matukoy ng mga mang-uumog si Jesus.—Marcos 14:44, 45.
Marami pa tayong detalyeng hindi alam, pero maliwanag na ibang-iba ang hitsura ni Jesus sa madalas na paglalarawan sa kaniya. Ang mas mahalaga ay kung ano ang pananaw natin tungkol sa kaniya kaysa sa talagang hitsura niya.
“SANDALI NA LAMANG AT HINDI NA AKO MAKIKITA NG SANLIBUTAN”
Nang araw ding iyon, nang sabihin ni Jesus ang mga salitang iyan, siya ay namatay at inilibing. (Juan 14:19) Ibinigay niya ang kaniyang buhay “bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Sa ikatlong araw, binuhay siyang muli ng Diyos “sa espiritu” at “ipinagkaloob sa kaniya na maging hayag” siya sa ilan niyang alagad. (1 Pedro 3:18; Gawa 10:40) Ano ang hitsura noon ni Jesus nang magpakita siya sa kaniyang mga alagad? Lumilitaw na ibang-iba ito sa kaniyang dating hitsura, dahil hindi siya agad nakilala kahit ng pinakamalalapít niyang alagad. Inakala ni Maria Magdalena na isa siyang hardinero; at napagkamalan siyang estranghero ng dalawa niyang alagad na nasa daan papuntang Emaus.—Lucas 24:13-18; Juan 20:1, 14, 15.
Paano natin dapat ilarawan ngayon ang hitsura ni Jesus? Lumipas ang mahigit 60 taon pagkamatay ni Jesus, nakita ni apostol Juan sa isang pangitain si Jesus, hindi bilang isang naghihingalo sa krus. Sa halip, nakita niya ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” ang Hari sa Kaharian ng Diyos, na malapit nang manaig sa mga kalaban ng Diyos, kapuwa mga demonyo at tao. Magdudulot siya ng walang-hanggang pagpapala sa sangkatauhan.—Apocalipsis 19:16; 21:3, 4.