Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang regalong pinakamaganda sa lahat ay ang pantubos na iniregalo ng Diyos para maging posible ang buhay na walang hanggan

TAMPOK NA PAKSA | ANONG REGALO ANG PINAKAMAGANDA SA LAHAT?

Anong Regalo ang Pinakamaganda sa Lahat?

Anong Regalo ang Pinakamaganda sa Lahat?

“Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Santiago 1:17) Siyempre pa, ang tekstong iyan ay tumutukoy sa pagiging bukas-palad ng ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Pero sa maraming regalong naibigay na ng Diyos, may isa na nakahihigit sa lahat. Ano iyon? Ang popular na mga salita ni Jesus sa Juan 3:16 ay nagsasabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Ang bugtong na Anak ng Diyos ang pinakamagandang regalo sa atin, dahil mapalalaya tayo nito mula sa pagkaalipin sa kasalanan, pagtanda, at kamatayan. (Awit 51:5; Juan 8:34) Anumang pagsisikap ang gawin natin, hindi tayo makalalaya sa pagkaaliping iyan. Pero dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ibinigay niya sa atin kung ano ang kailangan para makalaya tayo. Nang ibigay ng Diyos na Jehova ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, bilang pantubos, nagkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan ang masunuring mga tao. Pero ano ba ang pantubos? Bakit ito kailangan? At paano tayo makikinabang dito?

Ang pantubos ang halagang ibinabayad para mabawi ang isang bagay na nawala o para makalaya sa pagkaalipin. Sinasabi ng Bibliya na ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay nilalang na walang kasalanan, at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa kasama ang kanilang magiging mga anak. (Genesis 1:26-28) Nakalulungkot, naiwala nila ang lahat ng iyan nang suwayin nila ang Diyos, kaya naging makasalanan sila. Ang resulta? Ang sabi ng Bibliya: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Sa halip na sakdal na buhay ang ipamana ni Adan sa kaniyang mga anak, kasalanan at kamatayan ang ipinamana niya.

Kung tungkol sa pantubos, ang kabayaran ay dapat na katumbas ng nawala. Nang sumuway si Adan sa Diyos, siya ay nagkasala. Bilang resulta, nawala ang isang sakdal na buhay—ang buhay ni Adan. Ayon sa Bibliya, iyan ang dahilan kung bakit naging alipin ng kasalanan at kamatayan ang mga supling ni Adan. Kaya kailangang ibigay ang isa ring sakdal na buhay—ang buhay ni Jesus—bilang hain para makalaya sa pagkaalipin. (Roma 5:19; Efeso 1:7) Dahil sa pantubos na maibiging ibinigay ng Diyos, nagkaroon ng pag-asa ang mga tao na maibalik ang naiwala nina Adan at Eva—ang buhay na walang hanggan sa paraisong lupa.—Apocalipsis 21:3-5.

Dahil dito, walang-alinlangan na ang regalong pinakamaganda sa lahat ay ang pantubos na iniregalo ng Diyos para maging posible ang buhay na walang hanggan. Para mapahalagahan ang ‘sakdal na regalong’ iyan, alamin natin kung paanong sa nakahihigit na paraan, nasusunod ng regalong pantubos ang mga puntong tinalakay natin sa naunang artikulo.

Ito ang gusto natin. Likas sa atin ang maghangad ng buhay na walang hanggan. (Eclesiastes 3:11) Ang hangaring iyan ay imposibleng mangyari kung sa ganang sarili lang natin, pero dahil sa pantubos, naging posible iyan. Ang sabi ng Bibliya: “Sapagkat ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23.

Ito ang kailangan natin. Hindi kayang ilaan ng tao ang pantubos. Ang sabi ng Bibliya: “Walang isa man sa kanila ang sa paanuman ay makatutubos sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya.” (Awit 49:7) Kaya kailangang-kailangan natin ang tulong ng Diyos para makalaya sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. At “sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus,” ibinigay ng Diyos ang kailangan natin.—Roma 3:23, 24.

Ibinigay sa tamang panahon. Sinasabi ng Bibliya: “Samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Dahil ibinigay ang pantubos “samantalang tayo ay mga makasalanan pa,” kitang-kita ang lalim ng pag-ibig ng Diyos sa atin sa kabila ng ating kalagayan. At nagkaroon tayo ng pag-asa sa kabila ng mga paghihirap na dulot ng kasalanan.

Nagpapakita ng motibong marangal at di-makasarili. Sinasabi ng Bibliya kung bakit inihandog ng Diyos ang kaniyang Anak bilang pantubos: “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin.”—1 Juan 4:9, 10.

Paano mo maipakikitang pinahahalagahan mo ang regalong pinakamaganda sa lahat? Tandaan ang sinabi ni Jesus sa Juan 3:16 na ang mga “nananampalataya” lang sa kaniya ang makaliligtas. Ang pananampalataya, ayon sa Bibliya, ay “ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan.” (Hebreo 11:1) Kailangan dito ang tumpak na kaalaman. Kaya hinihimok ka naming alamin ang tungkol sa Diyos na Jehova, ang Tagapagbigay ng “sakdal na regalo,” at kung ano ang dapat mong gawin para magkaroon ng walang-hanggang buhay na naging posible dahil sa haing pantubos ni Jesus.

Malalaman mo ang lahat ng ito kung susuriin mo ang mga impormasyon sa Kasulatan na available sa www.mt1130.com/tl. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka. Natitiyak namin na habang pinag-aaralan mo ang tungkol sa pinakamagandang regalong ito at sa pakinabang mo rito, masasabi mo: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!”—Roma 7:25.