Alam Mo Ba?
Paano sumusuporta sa ulat ng Bibliya ang nadiskubreng mga laryo at hurno sa sinaunang Babilonya?
MILYON-MILYONG laryo, o bricks, na ginamit sa pagtatayo ng sinaunang lunsod ng Babilonya ang nahukay ng mga arkeologo. Ayon sa arkeologong si Robert Koldewey, ginawa ang mga bricks na iyon sa mga hurno “sa labas ng lunsod, kung saan maganda ang kalidad ng putik at marami ang panggatong.”
Nakita ng mga arkeologo na ginagamit din ang mga hurno noon sa nakakakilabot na paraan. Sinabi ni Paul-Alain Beaulieu, isang propesor ng Assyriology sa University of Toronto: “Nakakita kami ng mga ulat sa Babilonya . . . na iniutos ng hari na sunugin ang mga nakagawa ng krimen sa kasong pagrerebelde at pamumusong.” Sinasabi ng isang sulat noong panahon ni Haring Nabucodonosor: “Lipulin sila, sunugin sila, tustahin sila, . . . sa hurnuhan . . . hayaang pumailanlang ang usok nila, dalhin sila sa maapoy na katapusan nila sa naglalagablab na apoy.”
Naalala natin dito ang pangyayari sa Daniel kabanata 3. Nagtayo ng malaking imahen na ginto si Haring Nabucodonosor sa kapatagan ng Dura—na nasa labas ng lunsod ng Babilonya. Tumanggi ang tatlong kabataang Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego na yumukod dito. Kaya galit na galit si Nabucodonosor at “iniutos niyang painitin ang hurno nang pitong beses na mas mainit kaysa sa dati.” At “inihagis sila sa nagniningas na hurno.” Pero iniligtas sila ng isang anghel.—Dan. 3:1-6, 19-28.
Sinusuportahan din ng natagpuang mga bricks sa Babilonya ang ulat ng Bibliya. Marami sa mga ito ang may nakaukit na papuri sa hari. Mababasa sa isang brick: “Si Nabucodonosor, Hari ng Babilonya . . . Ang palasyo, ako mismo na isang Maringal na Hari ang nagtayo nito . . . Maghari nawa dito ang mga inapo ko magpakailanman.” Kahawig nito ang pagyayabang ni Nabucodonosor, na nakaulat sa Daniel 4:30: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang sambahayan sa pamamagitan ng aking lakas at kapangyarihan at para sa aking maluwalhating karingalan?”