Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May malalaking gusali at monumento sa lunsod ng Nineve

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang nangyari sa Nineve pagkatapos ng panahon ni Jonas?

NOONG ikapitong siglo B.C.E., ang Asirya ang pinakamalaking imperyo sa buong mundo. Ayon sa The British Museum Blog, ang sakop nito ay “mula sa Ciprus sa kanluran hanggang sa Iran sa silangan, at may panahon pa nga na nasakop nito ang Ehipto.” Ang kabisera nito, ang Nineve, ang pinakamalaking lunsod sa buong mundo. Mayroon itong malalaking monumento, palasyo, library, at magagandang hardin. Ipinapakita ng mga inskripsiyon sa pader ng sinaunang Nineve na gaya ng ibang mga hari ng Asirya, tinatawag ni Haring Ashurbanipal ang sarili niya bilang “hari ng daigdig.” Noong panahon ng pamamahala niya, lumilitaw na walang kayang sumakop sa Asirya at Nineve.

Ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Asirya ang pinakamalaking imperyo sa buong mundo noong panahong iyon

Noong panahong napakamakapangyarihan ng Asirya, inihula ng propeta ni Jehova na si Zefanias: “Pupuksain [ni Jehova] ang Asirya. At ang Nineve ay gagawin niyang tiwangwang, tuyot na gaya ng disyerto.” Sinabi rin ng propeta ni Jehova na si Nahum: “Dambungin ang pilak, dambungin ang ginto! . . . Ang lunsod ay walang laman, abandonado, wasak! . . . Ang lahat ng makakakita sa iyo ay lalayo at magsasabi, ‘Nawasak na ang Nineve!’” (Zef. 2:13; Na. 2:9, 10; 3:7) Nang marinig ng mga tao ang mga hulang iyon, baka naisip nila: ‘Napakalakas ng Asirya, posible ba talaga itong matalo?’ Mukha kasing malabong mangyari iyon.

Wala nang nakatira ngayon sa Nineve!

Pero kahit napakamakapangyarihan ng Asirya, nasakop pa rin ito! Sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E., sinakop ito ng mga Babilonyo at Medo. Bandang huli, hindi na tinirhan ang Nineve at nabaon na ito sa limot! Sinabi ng publikasyong inilabas ng The Metropolitan Museum of Art sa New York: “Wala nang nanirahan sa Nineve at tuluyan na itong natabunan at sa Bibliya na lang nababasa ang tungkol sa lunsod na ito.” Binanggit ng Biblical Archaeology Society Online Archive na noong pasimula ng 1800, “hindi alam ng mga tao na nagkaroon pala ng isang makapangyarihang kabisera ang Asirya.” Pero noong 1845, natagpuan ng arkeologong si Austen Henry Layard ang lunsod ng Nineve. Pinapatunayan ng mga nahukay doon na talagang napakaunlad ng Nineve noon.

Natupad ang lahat ng hula ng Bibliya tungkol sa Nineve kaya lalo tayong makakapagtiwala na matutupad din ang mga hula na wawakasan ang lahat ng politikal na kapangyarihan sa ngayon.​—Dan. 2:44; Apoc. 19:15, 19-21.