Alam Mo Ba?
Bakit malaking bagay na pinayagan ni Jehova na maghandog ang mga Israelita ng alinman sa batubato o kalapati?
SA ILALIM ng Kautusan, parehong katanggap-tanggap ang batubato at kalapati bilang handog kay Jehova. Laging binabanggit ang dalawang ibong ito sa mga batas tungkol sa paghahandog at puwedeng gamitin ang alinman sa mga ito. (Lev. 1:14; 12:8; 14:30) Bakit malaking bagay iyon? Hindi kasi laging makakakuha ng batubato. Bakit?
Kabilang ang mga batubato sa mga ibong nandarayuhan. Matatagpuan ang mga ibong ito sa buong Israel kapag mainit ang panahon. Tuwing Oktubre, nandarayuhan sila patimog sa mas mainit na mga bansa, at bumabalik sa Israel sa panahon ng tagsibol. (Sol. 2:11, 12; Jer. 8:7) Kaya mahirap para sa mga Israelita noon na maghandog ng batubato sa panahon ng taglamig.
Ang mga kalapati naman ay bihirang mandayuhan, kaya madaling makakuha nito sa Israel sa buong taon. Bukod diyan, inaalagaan din sa bahay ang mga kalapati. (Ihambing ang Juan 2:14, 16.) Sinasabi sa aklat na Bible Plants and Animals na “may mga alagang kalapati sa lahat ng nayon at bayan sa Palestina. Sa bawat bahay, may mga bahay ng ibon, o ukà sa pader, kung saan puwedeng tumira ang mga ibon.”—Ihambing ang Isaias 60:8.
Ipinapakita lang ni Jehova na maibigin siya at makatuwiran dahil tinatanggap niya ang alinmang ibon na madaling makuha ng mga Israelita sa buong taon.