Pagdalaw sa Isang Botikang Tsino
Pagdalaw sa Isang Botikang Tsino
ILANG araw nang maysakit si Kwok Kit, kaya nagpasiya siyang magpatingin sa doktor. Yamang Tsino siya, mas gusto niyang magpatingin sa isang doktor ng tradisyunal na Tsinong panggagamot. Ang isang kaibigan ng pamilya ay may kilala na gayong doktor, na nagmamay-ari at nangangasiwa ng isang tindahan ng mga halamang-gamot na nasa malapit. Sinabi ng kaibigan kay Kwok Kit na makagagawa ang doktor ng isang tsa mula sa halamang-gamot na magpapagaling sa kaniyang sakit.
Sa Tsina, tulad sa kalakhang Timog-silangang Asia, ang pagpapatingin sa doktor ay ibang-iba sa pagpapatingin sa doktor sa mga Kanluraning lupain. Sa Kanluran, kadalasan na kasama sa pagpapatingin sa doktor ang pakikipag-appointment, pagpunta sa opisina ng doktor, pagpapatingin, at pagtanggap ng reseta. Pagkatapos ay dapat na pumunta ang pasyente sa isang botika upang makuha ang inireseta. Sa isang Tsinong doktor, mas simple ang pamamaraan. Pupuntahan mo ang isang tindahan ng halamang-gamot, kung saan halos laging may isang regular na espesyalista sa halamang-gamot na isa ring doktor ng Tsinong panggagamot. Maaari ka niyang tingnan, suriin ang iyong problema, gumawa ng isang reseta ng halamang-gamot, at sabihin sa iyo kung paano ito iinumin—lahat ng iyan sa isang maikling pagdalaw! *
Mga Halamang-Gamot Bilang Panlunas?
Bagaman sanay na ang karamihan sa mga taga-Kanluran sa mga pildoras, kapsula, at mga iniksiyon, ang gayong mga uri ng panggagamot ay masasabing bago. Libu-libong taon nang nagtitiwala ang mga tao sa likas na mga pamamaraan ng pagpapagaling. Halimbawa, ang mga Hebreong manggagamot ay gumamit ng mga panlunas na tulad ng langis, balsamo, at alak. (Isaias 1:6; Jeremias 46:11; Lucas 10:34) Ang mga pantapal sa sugat na gawa sa pinatuyong igos ay maliwanag na ginamit sa paggamot ng mga bukol.—2 Hari 20:7.
Sa katunayan, halos bawat bansa o lahi ay minsang gumamit ng mga halamang-gamot at ng sari-saring bagay na tinimpla upang gamutin ang mga karamdaman at sakit. Kahit ang karamihan sa mga pampalasa na ginagamit sa pagluluto sa ngayon ay unang ginamit
sa panggagamot. Hindi ito nangangahulugan na ang gayong mga gawain ay laging matagumpay. Sa kabaligtaran pa nga, madalas na nasasangkot ang pamahiin at kawalang-alam. Gayunman, umiiral na sa loob ng mga milenyo ang gayong mga pamamaraan sa paggamot ng sakit. Maging ang ilan sa mga pinakakaraniwang gamot sa ngayon ay galing sa mga halaman.Ang Teoriya at Pagsasagawa ng Tsinong Panggagamot
Ang paggamot ng karamdaman sa pamamagitan ng halamang-gamot ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Tsina. Tinutukoy ng kuwentong-katutubo na si Huang Di, ang Dilaw na Emperador, ang gumawa ng Nei Jing, ang kanon ng internal medicine, na sinasangguni pa rin ng mga manggagamot sa Tsina. * Tinatalakay ng kanon na ito, na ang petsa ng pagkakasulat ay pinagtatalunan pa, ang marami sa mga paksa na maaaring sinasaklaw rin ng isang Kanluraning aklat sa medisina. Hindi lamang nito tinatalakay ang hinggil sa pagsusuri, sintomas, dahilan ng sakit, paggamot, at pag-iwas sa mga sakit kundi pati ang kayarian ng katawan at ang paggana ng iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kung paanong ang karamihan sa mga kasanayan sa Timog-silangang Asia ay naiimpluwensiyahan ng doktrinang yin-yang, nagiging totoo rin ito sa teoriya at pagsasagawa ng Tsinong panggagamot. Sa kasong ito, kumakatawan ang yin sa malamig at ang yang naman sa mainit—kumakatawan rin ang mga ito sa maraming iba pang nagkakasalungatang katangian. * Karagdagan pa, ang mga lugar na meridian sa katawan, na iniuugnay sa acupuncture, ay isinasaalang-alang para sa pagsusuri at paggamot. Ang mga halamang-gamot at mga pagkain na itinuturing na malamig o mainit ay inirereseta upang mapaglabanan ang pagiging di-balanse ng yin-yang sa pasyente.
Halimbawa, itinuturing na mainit ang isang pasyenteng may lagnat, kaya ang mga halamang-gamot na sinasabing nakapagpapalamig ang inirereseta. Bagaman maaaring hindi na espesipikong binabanggit ang yin-yang, ang katulad na mga simulain ay ginagamit pa rin upang malaman kung paano gagamutin ang isang pasyente. Ngunit paano nakagagawa ng isang pagsusuri ang doktor ng Tsinong panggagamot? At ano ba ang hitsura ng isang tindahan ng halamang-gamot? Upang malaman natin, bakit hindi natin sundan si Kwok Kit sa tindahan na inirekomenda ng kaniyang kaibigan?
Isang Kakaibang Tindahan ng Halamang-Gamot
Aba! Ngayon ay dapat na maghintay si Kwok Kit upang magpatingin sa doktor. Mukhang may epidemya ng trangkaso o sipon, kaya may naunang dalawang pasyente sa kaniya. Tumingin-tingin muna tayo sa tindahan habang tayo’y naghihintay.
Habang naglalakad tayong papasok, ang una nating mapapansin ay ang mga bunton ng pinatuyong mga paninda—mga kabute, kabibi, kabibeng tainga (abalone), igos, mani, at iba pang makakain—na nakadispley sa mga bukás na mga lalagyan sa may pasukán. Oo, maraming pagkain dito. Ngunit ang ilan sa mga ito ay maaari ring bahagi ng mga inireresetang gamot.
Paglampas natin sa mga panindang iyon, makikita natin ang mga iskaparateng may salamin sa magkabilang panig ng medyo makitid na tindahan. Ang mga iskaparateng ito ay naglalaman ng bihira o pantanging mga halamang-gamot, mineral, at mga pinatuyong bahagi ng hayop, na may kamahalan ang presyo. Kapag tiningnang mabuti, makikita natin ang mga sungay ng usa, perlas, at mga tuyong bayawak at mga sea horse, gayundin ang iba pang lubhang kakaibang mga bagay. Nito lamang nagdaang mga taon, makikita sa gayong mga displey ang sungay ng rhinoceros, apdo ng oso, at iba pang bahagi ng hayop na tulad nito, ngunit sa ngayon ay ipinagbabawal na ang mga ito.
Sa isa pang sulok ng tindahan, makikita natin ang mga supot ng mga pinaghalu-halong halamang-gamot para sa mga karaniwang sakit tulad ng sipon at pananakit ng tiyan at gayundin ang isang koleksiyon ng mga halamang-gamot na nasa bote na galing sa Tsina. Sabihin mo lamang sa tindero o sa dispatsadora kung ano ang iyong problema, at magrerekomenda siya ng isang produkto na nasa bote o kaya naman ay bibigyan ka niya ng isang supot ng pinaghalong mga halamang-gamot at sasabihin niya sa iyo kung paano ito gagawin sa bahay.
Sa kahabaan ng kabilang panig ng pader na nasa likod ng tindero, makikita natin na nakahanay sa mga istante ang matataas na babasaging garapon na naglalaman ng iba’t ibang pinatuyong ugat, dahon, at maliliit na sanga. Ito ang mga halamang-gamot na pamilyar sa mga parokyano at maaaring
bilhin ito para sa mga panlunas na sariling-gawa o kaya’y para sa pagluluto. Sa kabilang panig naman ng tindahan, may isang kabinet na ang taas ay mula sa sahig hanggang sa kisame na naglalaman ng maraming hanay ng lumang-luma nang mga drower. Tinatawag itong baizigui, o “kabinet ng isang daang bata,” dahil maaaring may isang daan o higit pang drower sa ganitong uri ng kabinet ng halamang-gamot. Pinadadali ng mga drower na ito ang pagkuha sa mga halamang-gamot na pinakakaraniwang ginagamit sa mga inirereseta, anupat ang pinakamadalas gamiting mga halaman ay nasa mga lugar na madaling maabot. Karaniwan nang hindi minamarkahan ang mga drower na ito. Alam na alam ng makaranasang mga tindero kung saan matatagpuan ang bawat halamang-gamot.Tingnan kung gaano kahusay magtimbang ang tindero ng mga halamang-gamot para sa babae na kaniyang inaasikaso. Gumagamit siya ng isang maselan ngunit tumpak na timbangan sa Asia—isang panukat na patpat na may kasamang bilog na trey na nakabitin sa tatlong tali sa isang dulo at may isang nagagalaw na pabigat sa kabilang dulo. Alam niya na may mga halamang-gamot na nakamamatay kapag ininom ito ng higit sa tamang dami, kaya dapat na tingnan niyang mabuti ang kaniyang pagsukat. Hindi lahat ay tinitimbang. Ngayon ay nakikita natin na kumukuha siya ng mga kalahating dakot ng ilan sa mga halamang-gamot mula sa iba’t ibang drower at inilalagay ang mga ito sa papel na pambalot. Oo, tama ka, kasama rin sa resetang ito ang mga balat ng kuliglig. Habang binabalot niya ang mga naipong sangkap, sinasabi niya sa babae kung ano ang gagawin sa gamot na ito.
Ginagawa at iniinom ang mga halamang-gamot sa iba’t ibang paraan. Ang iba’y sa anyong pulbos. Tinutunaw ito ng pasyente sa mainit na tubig at saka iinumin ang gamot. Ang iba’y paste. Iniinom ito kasama ng pulot-pukyutan o kaya’y inihahalo kasama ng mga inuming de-alkohol. Gayunman, sinabihan ang babaing ito na gawin ang pinakakaraniwang pamamaraan, ang decoction (pagpapakulo). Nangangahulugan ito na pakukuluan niya ang mga halamang-gamot sa isang palayok na seramiko sa loob ng mga isang oras. Pagkatapos ay iinumin niya ang tinimplang gamot sa tuwing ilang oras. Kapag kailangan na namang muli ng babae ang gamot, kailangan lamang niyang bumalik sa tindahan para bumili ng panibagong suplay.
Sa wakas ay si Kwok Kit na ang titingnan ng doktor. Hindi, hindi kinukuha ng doktor ang presyon ng kaniyang dugo o kaya’y nakikinig sa pintig ng kaniyang puso. Ngunit tinanong niya si Kwok Kit hinggil sa mga sintomas. Kumusta ang pagtulog niya? Kumusta ang panunaw ng kaniyang tiyan, gana sa pagkain, dumi, temperatura, at kulay at kalagayan ng balat? Tinitingnang mabuti ng doktor ang kaniyang mga mata at ang kulay ng iba’t ibang lugar ng kaniyang dila. Ngayon ay pinupulsuhan si Kwok Kit sa kaliwa’t kanang kamay sa iba’t ibang posisyon at diin, na isang pamamaraan na pinaniniwalaang nakapagsisiwalat ng kalagayan ng iba’t ibang sangkap at bahagi ng katawan. Aba, isinusulat pa nga ng doktor ang anumang naaamoy niyang kakaiba! Ang pasiya? Hindi nakagugulat, may trangkaso si Kwok Kit. Kailangan niyang magpahinga at uminom ng maraming likido kasama ang iniresetang gamot na kaniyang pakukuluan at iinumin. Mapait ang magiging tsa na mula sa halamang-gamot, ngunit pabubutihin nito ang kaniyang pakiramdam. Karagdagan pa sa pagsasabi kay Kwok Kit ng mga pagkain na dapat niyang iwasan, may kabaitan pa ngang nagreseta ang doktor ng isang prineserbang plum upang masarapan ang panlasa ni Kwok Kit pagkatapos niyang uminom ng gamot.
Kaya humayo si Kwok Kit dala ang kaniyang supot ng mga halamang-gamot. Gumastos siya sa kaniyang pagpapatingin sa doktor at sa gamot ng kulang-kulang na $20—murang-mura. Bagaman ang mga halamang-gamot ay hindi magdudulot ng isang makahimalang lunas, gagaling na si Kwok Kit pagkatapos ng mga ilang araw. Ngunit hindi siya dapat magkamali tulad ng iba na nag-isip na mas mabuti ang pag-inom ng higit sa inireseta. Karaniwan nang maririnig na ang mga tao ay dumaranas ng masasamang epekto ng sobrang pag-inom ng ilang halamang-gamot.
Sa ilang mga bansa, kaunti lamang o walang mga pamantayang nagkokontrol sa mga halamang-gamot o sa mga nagsasagawa ng tradisyunal na Tsinong panggagamot. Dahil dito, lumaganap ang mga nagkukunwaring doktor ng halamang-gamot at maging ang pagbebenta ng mga mapanganib na tinimplang halamang-gamot bilang panlunas. Mauunawaan, kung gayon, na sa pagpili ng isang tradisyunal na Tsinong doktor, maraming pasyente na taga-Asia ang nagtitiwala sa mga inirerekomenda ng mga kamag-anak at malalapít na kaibigan.
Siyempre pa, walang panggagamot—maging ito man ay halamang-gamot o gamot mula sa Kanluran—ang makapagpapagaling sa bawat sakit. Gayunman, ang botikang Tsino at ang doktor na ito ng tradisyunal na panggagamot ay patuloy na magiging mahalagang bahagi ng buhay sa Asia.
[Mga talababa]
^ par. 3 Hindi itinataguyod ng Gumising! ang anumang partikular na panggagamot para sa mga problemang pangkalusugan. Dapat na tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang panggagamot na kanilang pipiliin ay hindi sumasalungat sa mga pamantayan ng Bibliya.
^ par. 8 Ang Dilaw na Emperador, isang makaalamat na pinuno bago ng dinastiya ng Zhou, ay sinasabing namuno mula noong 2697 hanggang 2595 B.C.E. Gayunman, maraming iskolar ang naniniwala na ang Nei Jing ay naisulat lamang nang magtatapos ang dinastiya ng Zhou, na tumagal mula noong mga 1100 hanggang 250 B.C.E.
^ par. 9 Ang Tsinong titik na “yin” ay literal na nangangahulugang “lilim” o “anino” at kumakatawan sa kadiliman, lamig, at sa pagkababae. Ang “yang,” ang kabaligtaran, ay kumakatawan naman sa mga bagay na maliwanag, mainit, at sa pagkalalaki.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang kakaibang mga bagay, pati na ang mga pinatuyong sea horse, ay makikita sa tindahan ng halamang-gamot
[Mga larawan sa pahina 24]
Maingat na tinitimbang ang mga pinatuyong ugat, dahon, at maliliit na sanga