Isang Malawak na Programa sa Pagtuturo
Isang Malawak na Programa sa Pagtuturo
“Ang mga edukado lamang ang malaya.”—Epictetus, c. 100 C.E.
ANG ika-19 na siglong aktibista na kontra sa pang-aalipin na si William H. Seward ay naniniwala na “ang buong pag-asa ng pagsulong ng tao ay nakasalalay sa lalong lumalaking impluwensiya ng Bibliya.”
Ang mga Saksi ni Jehova rin ay may malaking pagpapahalaga sa Bibliya. Kumbinsido sila na yaong mga nagkakapit ng mga simulain nito ay nagiging mas mabubuting asawang lalaki, mas mabubuting asawang babae, mas mabubuting anak—oo, ang pinakamabubuting tao sa daigdig. Kaya sinusunod nila ang utos ni Jesu-Kristo: ‘Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na tinuturuan sila.’—Mateo 28:19, 20.
Dahil sa pagtataguyod sa tunguhing ito na turuan ang mga tao sa Bibliya, pinasimulan ng mga Saksi ni Jehova ang posibleng pinakamalawak na kampanya sa pagtuturo sa kasaysayan ng tao. Gaano kalawak ito?
Isang Pandaigdig na Gawaing Paglalathala
Sa kanilang pangmadlang ministeryo, ginagamit ng mga Saksi ang mga salin ng Bibliya na maaaring makuha sa daan-daang wika. Subalit ginawa rin nila ang New World Translation of the Holy Scriptures sa 21 wika at ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures (na tinatawag na Bagong Tipan) sa 16 na karagdagang wika. Gayundin, sa kasalukuyan ay isinasalin nila ang Bibliyang ito sa 11 pang wika. Gumagawa rin ang mga Saksi ng literatura na nagpapalalim ng pagpapahalaga sa Bibliya at nakatutulong sa higit na pagkaunawa rito.
Halimbawa, ang babasahing ito, ang Gumising!, ay inilalathala sa 82 wika, at sa katamtaman ay mahigit na 20,380,000 kopya ng bawat isyu nito ang naililimbag. Ang kasamang magasin nito, Ang Bantayan, ay naililimbag sa katamtamang bilang na 22,398,000 kopya ng bawat isyu sa 137 wika. Nangangahulugan ito na mahigit sa isang bilyong kopya ng mga magasing ito taun-taon ang naililimbag! Bukod dito, Ang Bantayan ay nililimbag nang sabay-sabay sa 124 sa mga wikang ito at 58 naman sa Gumising! Kaya, sa buong daigdig, ang impormasyon sa mga babasahing ito ay sabay-sabay na nababasa ng mga taong may iba’t ibang wika sa kanilang sariling wika.
Karagdagan dito, nitong nakaraang mga dekada, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapaglathala ng daan-daang milyong kopya ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay nailimbag sa mahigit na 107 milyong kopya. Nang maglaon, ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa ay lumampas sa 81 milyong kopya, at nito lamang kamakailan, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay lumampas sa 75 milyong kopya sa 146 na wika. Bukod dito, mahigit sa 113 milyong kopya ng 32-pahinang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ang nailimbag sa 240 wika.
Nailathala ang iba pang aklat upang tugunan ang partikular na mga pangangailangan. Mahigit na 51 milyon ang nailimbag sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na dinisenyo para sa mga bata. Ang dalawang aklat na pantanging ginawa para sa mga tin-edyer, Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito at Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, ay may pinagsamang limbag na mahigit sa 53 milyon. At Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na nakatulong sa milyun-milyong pamilya na makayanan ang kanilang mga problema, ay inilimbag sa 115 wika.
Apat pang ibang publikasyon na inilabas mula noong 1985 na nagpapatibay sa pananampalataya lalo na sa Maylalang, sa kaniyang Anak, at sa Bibliya ang may pinagsamang limbag na mahigit sa 117 milyong kopya. Ang mga ito ay ang Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, at Is There a Creator Who Cares About You?
Sa ngayon, ang salig-sa-Bibliyang mga publikasyon na ginawa ng mga Saksi ni Jehova ay maaaring makuha sa 353 wika, at ang ilan sa mga ito ay malapit nang ilabas sa karagdagang 38 wika. Sa katunayan, mahigit sa 20 bilyong aklat, buklet, brosyur, at mga magasin ang nailimbag na ng mga Saksi ni Jehova mula noong 1970! Bukod dito, halos anim na milyong guro ang abala sa pagpapalaganap ng kaalaman sa Bibliya sa mahigit na 230 bansa. Subalit paano naging posible ang lahat ng ito, at paano naaapektuhan ang buhay ng mga tao?
Kung Bakit sa Kanilang Sariling Wika
Gaya ng maguguniguni mo, kailangan ang napakalaki at tulung-tulong na pagsisikap upang makagawa ng de-kalidad na literatura nang
sabay-sabay sa mahigit na sandaang wika. Ang mga pangkat sa pagsasalin, na kusang-loob na nag-ukol ng kanilang panahon at kasanayan, ay gumagamit ng mga sistema ng computer upang makamit ang matataas na antas ng kalidad, katumpakan, at bilis. Kaya naman, maging sa mga wika na doo’y limitado lamang ang bilang ng mga tagapagsalin, mabilis na nagagawa ang mga publikasyon. Sa kasalukuyan, mahigit sa 1,950 lalaki at babae ang kabilang sa pangglobo at di-nagtutubong gawaing ito sa pagsasalin. Subalit bakit ginagawa ang gayong pagsisikap? Sulit nga ba talaga ito, yamang napakarami sa nagsasalita ng di-gaanong kilalang mga wika ay nakapagsasalita rin naman ng isang pangunahing wika?Nalaman ng mga Saksi ni Jehova na talagang sulit ang pagsisikap alang-alang sa dahilang tinukoy ni William Tyndale, isang kilalang tagapagsalin ng Bibliya noong ika-16 na siglo. Sumulat siya: “Natanto ko mula sa aking karanasan kung gaano kaimposible na mapatimo ang anumang katotohanan sa mga pangkaraniwang tao, maliban na lamang kung ang kasulatan ay malinaw nilang mabasa sa kanilang sariling wika, upang makita nila ang diwa, pagkakasunud-sunod, at kahulugan ng teksto.”
Totoo, hindi laging posible na magkaroon ang mga tao ng mga publikasyon sa Bibliya sa kanilang sariling wika. Subalit kapag maaari namang ilaan ang mga ito, mas madali at mas matinding umantig sa kanilang puso ang mga katotohanan sa Bibliya. Napansin ito sa mga bansa ng dating Unyong Sobyet kung saan ang mga taong etniko ay nagsasalita ng napakaraming katutubong wika. Noong unang bahagi ng huling siglo, marami sa mga taong ito ay napabilang sa Unyong Sobyet at tinuruan—at hinilingang gumamit—ng wikang Ruso. Kaya, nagbabasa at nagsusulat sila sa wikang Ruso at, kasabay nito, nagsasalita ng kanilang katutubong wika.
Marami sa mga taong ito ang gustong gumamit sa kanilang sariling wika, lalo na mula nang bumagsak ang Unyong Sobyet noong 1991. Totoo ito sa mga tao na ang katutubong wika ay Adyghe, Altai, Belorussian, Georgiano, Kirghiz, Komi, Ossetiano, Tuvinian, o alinman sa pagkarami-rami pang iba. Bagaman ang karamihan ay maaaring makipag-usap sa wikang Ruso, ang mga literatura sa Bibliya sa wikang Ruso ay hindi agad nakaaantig sa kanilang puso. Sa kabilang panig, ang mga literatura sa kanilang lokal na wika ay totoong nakapupukaw ng pansin. “Mabuti’t nagpapasimula na kayong gumawa ng literatura sa aming wika,” ang sabi ng isang nakatanggap ng tract sa Bibliya sa wikang Altai.
Ang isa pang halimbawa nito ay ang Greenland, isang isla sa Artiko na may populasyon na mga 60,000 katao lamang. Kapuwa Ang Bantayan at Gumising! ay inililimbag sa Greenlandico, at lubhang popular ang mga magasing ito—gaya ng iba pang publikasyon na inililimbag ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Greenlandico. Sa katunayan, ang gayong literatura ay maaaring matagpuan sa maraming tahanan sa pinakamalalayong pamayanan ng isla.
Sa Timog Pasipiko, mga 7,000 katao ang nagsasalita ng Nauruan, 4,500 ng Tokelauan, at 12,000 ng Rotuman. Ang mga Saksi sa ngayon ay gumagawa ng mga tract at brosyur sa Bibliya sa mga wikang iyon, gayundin ng buwanang mga edisyon ng Ang Bantayan sa Niueano, na sinasalita ng mga 8,000 katao, at sa Tuvaluano, na sinasalita ng mga 11,000 katao. Ang totoo, ang mga Saksi ni Jehova ay isa sa pinakamalaking tagapaglathala ng nakalimbag na materyal sa di-gaanong kilalang mga wika, anupat gumagawa ng literatura sa Bibliya sa mga wikang gaya ng Bislama, Hiri Motu, Papiamento, Mauritian Creole, New Guinea Pidgin, Seychelles-Creole, Solomon Islands Pidgin, at marami pang iba.
Kadalasan, mientras mas maliit ang populasyon na gumagamit ng isang wika, mas liblib at mas dukha ang pamayanan. Gayunman, maaaring marami ang may kakayahang bumasa at sumulat sa gayong mga rehiyon. At ang Bibliya sa lokal na wika ay kadalasang isa sa iilang publikasyon na maaaring makuha ng lokal na mga residente. Sa katunayan, wala kahit isa man lamang pahayagan na inililimbag sa ilan sa mga wikang ito, yamang ang paggawa nito ay hindi maaaring gawing negosyo.
Kung Bakit Isang Pinahahalagahang Gawain
Dahil sa inilalaan ng mga Saksi ni Jehova ang literatura na nagpapaunlad sa kalidad ng buhay ng mga tao, maraming tao ang pumupuri sa kanilang ginagawang mga pagsasalin. Sinabi ni Linda Crowl, isang manggagawa sa Institute for Pacific Studies, na nakasentro sa University of the South Pacific sa Suva, Fiji, na ang gawaing pagsasalin ng mga Saksi ay “ang pinakakawili-wiling bagay na nangyayari sa Pasipiko.” Inirerekomenda
niya ang kanilang mga publikasyon dahil sa napakahusay na kalidad ng mga ito.Nang pasimulan ang tuwing ikatlong buwan na edisyon ng Gumising! sa wikang Samoano, ang pangyayaring ito ay ibinalita ng lokal na mga pahayagan at ng pambansang balita sa TV. Sa panahon ng pagsasahimpapawid, ipinakita ang pabalat ng Gumising!, at binuklat ang magasin sa bawat artikulo. Pagkatapos ay isa-isang itinampok ang mga artikulong ito.
Kapansin-pansin na sa ilang bansa, ang mga tagapagsalin ng mga publikasyon ng mga Saksi ay laging sinasangguni ng lokal na mga institusyon sa wika pagdating sa balarila, ortograpiya, paglikha ng bagong mga termino, at ng marami pang iba. Maliwanag, ang walang-bayad na gawaing pagtuturo na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang nakaapekto sa buhay ng mga naging aktibong miyembro ng kanilang mga kongregasyon kundi sa mas maraming tao din naman.
Gayunman, gaya ng binanggit sa naunang artikulo, halos isang bilyong adulto—mga sangkanim ng populasyon ng daigdig—ang hindi marunong bumasa at sumulat. Ano ang ginagawa upang tulungan ang gayong mga tao na
makinabang mula sa mahalagang impormasyon na maaaring makuha sa pagbabasa at pag-aaral?Pagtugon sa Pangunahing mga Pangangailangan sa Pagtuturo
Sa maraming bansa, isinaayos ng mga Saksi ang walang-bayad na mga programa sa pagbasa at pagsulat, anupat tinuturuan ang mga tao kung paano bumasa at sumulat. Nakagawa pa nga sila ng kanilang sariling manwal sa pagtuturo, gaya ng publikasyon na Apply Yourself to Reading and Writing, na nagawa na sa 28 wika. Libu-libong indibiduwal, pati na ang mga babae at matatanda, ang natulungan na matutong bumasa at sumulat sa pamamagitan ng mga klaseng ito.
Sa Burundi, nagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng mga klase sa pagbasa at pagsulat na nakatulong sa daan-daang tao na matutong bumasa at sumulat. Matapos repasuhin ang mabubuting resulta ng programang ito, pinagkalooban ng gantimpala ng National Office of Adult Literacy ng bansang iyon ang apat na gurong Saksi noong International Literacy Day, Setyembre 8, 1999.
Ang sumusunod na ulat ay natanggap hinggil sa mga klase sa pagbasa at pagsulat sa mga 700 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mozambique: “Sa nakalipas na apat na taon, 5,089 na estudyante ang nagtapos, at sa kasalukuyan ay may 4,000 nakatala.” Sumulat ang isang estudyante: “Gusto kong ipahayag ang aking taimtim na pagpapahalaga sa paaralan . . . Ako’y isang taong walang kaalam-alam. Dahil sa paaralan,
marunong na akong bumasa, at bagaman kailangan pang magsanay, marunong na akong sumulat.”Mula noong 1946, nang simulan ang pag-iingat ng rekord sa Mexico, mahigit na 143,000 katao roon ang naturuan na bumasa at sumulat sa pantanging mga paaralang itinatag upang magturo ng ganitong mga kasanayan. Sumulat ang isang 63-taóng-gulang na babae: “Malaki ang aking pasasalamat sa mga Saksi ni Jehova, na nagturo sa akin kung paano bumasa at sumulat. Miserable ang aking buhay noon. Ngunit ngayon, maaari na akong sumangguni sa Bibliya ukol sa payo, at nasumpungan ko ang kaligayahan sa mensahe nito.”
Sa bansang Brazil sa Timog Amerika, tinuruan din ng mga Saksi ang libu-libo upang matutong bumasa at sumulat. “Ang pagkatutong bumasa ay parang paglaya mula sa mga kadena pagkalipas ng maraming taon,” ang sabi ng isang 64-na-taóng-gulang. “Maaari ko na ngayong basahin ang lahat ng uri ng impormasyon. Higit sa lahat, pinalaya ako ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya mula sa huwad na mga turo.”
Kadalasan, isa-isang tinutulungan ng mga guro sa Bibliya na mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga estudyante upang matutong bumasa. Sa Pilipinas, mahigit na 80 taóng gulang na si Martina nang dalawin siya ng isang Saksi. Gusto ni Martina ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya, ngunit hindi siya marunong bumasa. Sa tulong ng kaniyang guro sa Bibliya, sumulong si Martina, at sa pamamagitan ng karagdagang pagsasanay sa lokal na kongregasyon, siya ay nagkaroon ng kakayahang gamitin ang Bibliya sa pagtuturo sa iba. Sa ngayon, siya ay marunong nang bumasa at sumulat at isa nang buong-panahong guro sa Bibliya.
Maliwanag, ang kakayahang matutong bumasa at sumulat ay taglay ng lahat ng tao. Subalit maaaring itanong natin, Talaga bang kapaki-pakinabang sa tao ang kaalaman mula sa Bibliya hinggil sa Diyos at sa kaniyang mga layunin? Sasagutin ng huling artikulo ng seryeng ito ang tanong na iyan.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
“Hindi Ko Maipahayag sa Salita . . . ”
Ang mga awtoridad sa pamahalaan, mga edukado, at ang mga karaniwang tao ay pawang nakapansin sa mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na itaguyod ang pagtuturo sa mga tao sa buong daigdig. Narito ang ilang halimbawa ng kanilang mga komento:
“Ako at ang aking pamahalaan ay lalo nang natuwa dahil ang aklat na ito [Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, sa Tuvaluano] ay isa na namang bago at mahalagang karagdagan sa mahahalagang ‘yaman’ ng Tuvalu. Dapat na lubos kayong matuwa sa bahagi na inyong ginampanan—isang napakainam na bahagi sa pagpapasulong sa espirituwal na buhay ng mga tao sa bansang ito. Naniniwala ako na ang akdang ito ay mapapasulat sa kasaysayan ng Tuvalu may kinalaman sa paglilimbag ng mga nakapagtuturong aklat.”—Dr. T. Puapua, dating punong ministro ng Tuvalu, Timog Pasipiko.
“Ang mga Saksi ni Jehova ay may napakaaktibong programa sa paglalathala, na gumagamit ng pinakabagong teknolohiya sa Timog Pasipiko. . . . Ang gawaing paglalathalang ito ay lalo pang kapuri-puri kapag isinasaalang-alang ng isa ang pagbabagu-bago ng pakikipagtalastasan . . . sa gitna ng mga nakatira sa Pacific Islands.”—Linda Crowl, University of the South Pacific, Suva, Fiji.
“Napakaganda at napakabisa ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya sa wikang Isoko! Pinasasalamatan namin ang mga boluntaryong kabilang sa pangkat ng tagapagsalin sa wikang Isoko dahil sa pagtulong sa amin na maunawaan nang lubusan ang aklat.”—C.O.A., Nigeria.
“Hindi ko maipahayag sa salita kung gaano ang aking pasasalamat sa salin na ito ng Bibliya [ang New World Translation sa wikang Serbiano], na madaling unawain. Noong nakalipas, sinikap kong basahin ang buong Bibliya, subalit lagi akong sumusuko kaagad dahil hindi ko maunawaan ang wika. Nababasa ko na ngayon ang kakaibang salin na ito at nauunawaan ito!”—J. A., Yugoslavia.
“Salamat sa mainam, nakapagtuturo, at nakapagpapatibay na mga publikasyon na isinalin sa wikang Tiv. Sa katunayan, hindi kayang ipahayag sa salita ang lahat ng kapakinabangan at pampatibay-loob na natamo mula sa mga aklat at mga brosyur na ito. Naabot ng mga publikasyong ito ang libu-libong tao.”—P.T.S., Nigeria.
[Larawan]
36 na milyong kopya 115 wika
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Mahigit na 100 milyong kopya ng “New World Translation” ang ginawa sa 37 wika
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa buong daigdig, halos 2,000 ang nakikibahagi sa pagsasalin ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. (Pangkat na Zulu sa Timog Aprika, kaliwa; at Hapones na tagapagsalin, ibaba)
[Larawan sa pahina 7]
Mahigit sa isang bilyong magasing “Bantayan” at “Gumising!” ang inililimbag taun-taon
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang mga klase sa pagbasa at pagsulat ay idinaraos ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Mexico, kanan; at Burundi, ibaba. Makikita sa aming pabalat ang Ghana)