Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Makasusumpong ng Panahon Para Gawin ang Aking Araling-Bahay?
‘Nasa huling taon ako ng haiskul, at dumaranas ako ng matinding kaigtingan. . . . Napakarami kong “project” at “presentation” na gagawin, grabe na ito. Wala akong panahong gawin ang mga ito.’—Isang 18-taóng-gulang na babae.
NADARAMA mo bang tambak ang mga atas na araling-bahay na iniuuwi mo mula sa paaralan tuwing hapon? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. “Habang sinisikap ng mga paaralan sa buong bansa na itaas ang mga pamantayan—at isunod sa pamantayan ang mga iskor sa mga pagsusulit—nagbibigay sila ng isang tambak na araling-bahay,” ang sabi ng isang ulat ng pamahayagan sa Estados Unidos. “Ang mga estudyante sa haiskul ay nag-uulat ng mahigit na tatlong oras isang gabi sa paggawa ng araling-bahay sa ilang dako ng bansa. Sinasabi ng isang pagsusuri sa University of Michigan na ang mga bata ay gumagawa ng halos tatlong ulit ng dami ng araling-bahay kaysa sa ginawa ng mga bata mga 20 taon na ang nakalipas.”
Ang napakaraming araling-bahay ay hindi natatangi sa mga estudyante sa Estados Unidos. Bilang halimbawa, iniulat na mga 30 porsiyento ng mga 13-taóng-gulang doon ang gumagawa ng mahigit sa dalawang oras na araling-bahay araw-araw, sa Taiwan at Korea, ang bilang ay 40 porsiyento, at sa Pransiya naman, mahigit na 50 porsiyento. “Kung minsan, talagang nahihirapan ako kapag tambak ang aking araling-bahay,” ang panangis ni Katie, isang estudyante sa unibersidad sa Estados Unidos. Gayundin ang nadarama nina Marilyn at Belinda, na nag-aaral sa Marseilles, Pransiya. “Madalas na gumugugol kami ng dalawang oras o higit pa gabi-gabi sa paggawa ng araling-bahay,” ang sabi ni Marilyn. “Kung may iba ka pang mga pananagutan, mahirap makasumpong ng panahon.”
Saan Ako Makasusumpong ng Panahon?
Hindi ba maganda kung may ilang oras na maidaragdag ka sa loob ng isang araw kapag kailangan mo ang mga ito upang matapos mo ang iyong araling-bahay at maasikaso ang lahat ng bagay na kailangan mong gawin? Sa katunayan, magagawa mo iyan kung iyong matututuhan mula sa Bibliya ang simulaing masusumpungan sa Efeso 5:15, 16: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.” Bagaman wala sa isipan ng manunulat ng Bibliya ang araling-bahay nang isulat niya ang mga salitang iyon, ang simulain ay maaaring ikapit sa pang-araw-araw na buhay. Kapag ikaw ay bumibili ng isang bagay, kailangang may ibigay ka bilang kapalit nito. Ang ideya rito ay na upang makasumpong ng panahon para makapag-aral, kailangang may ibang bagay kang ipapalit dito. Subalit ano iyon?
“Gumawa ng listahan ng kung ano ang pinakamahalagang bagay na dapat mong unahin,” ang payo ng isang kabataang nagngangalang Jillian. Sa ibang pananalita, magtakda ng mga priyoridad. Dapat una sa iyong listahan ang Kristiyanong mga pulong at espirituwal na mga bagay. At huwag kalilimutan ang mga pananagutan mo sa pamilya, mga gawain sa bahay at, siyempre pa, ang araling-bahay.
Pagkatapos, sikaping gumawa ng talaarawan kung paano mo talaga ginugugol ang iyong panahon sa loob ng mga isang linggo. Baka magulat ka sa matutuklasan mo. Ilang oras ang ginugugol mo
sa panonood ng TV? pagbubukas ng mga website sa Internet? panonood ng sine? pakikipag-usap sa telepono? pagdalaw sa mga kaibigan? Ngayon, paano mo maihahambing ang iyong talaarawan sa iyong listahan ng mga priyoridad? Baka kailangan mo lamang suriin kung ilang oras ang iyong ginugugol sa panonood ng TV, pagtawag sa telepono, o pagbubukas ng mga website sa Internet upang makita kung saan mo makukuha ang maraming panahon!Unahin ang Mahahalagang Bagay
Hindi naman ibig sabihin nito na hindi ka na talaga manonood ng TV o ikaw ay magiging ermitanyo. Baka kailangan mong gawing tuntunin ang “Unahin ang mahahalagang bagay.” Ganito ang sabi ng isang teksto sa Bibliya na maaaring ikapit: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Halimbawa, yamang mahalaga ang iyong pag-aaral, maaari kang gumawa ng isang tuntunin para sa iyong sarili na hindi mo bubuksan ang TV hangga’t hindi mo natatapos ang iyong gawain sa bahay, ang pag-aaral para sa mga pulong Kristiyano, at ang iyong araling-bahay. Sabihin pa, maaaring nakalulungkot nga na hindi mo mapanood ang iyong paboritong palabas sa TV. Subalit sa totoo lang, ilang beses ka na bang naupo at nagbalak na ang panonoorin mo lamang ay ang iyong paboritong palabas subalit nagbabad ka naman sa harap ng TV buong gabi—anupat wala ka nang nagawang iba pang bagay?
Sa kabilang dako naman, kailangan mong pahalagahan ang pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Halimbawa, kung alam mong mayroon kang nakaiskedyul na mahalagang pagsusulit o atas na araling-bahay, sikapin mong paghandaan ito nang patiuna upang hindi ito makagambala sa iyo sa mga pagpupulong. Maaari mo pa ngang ipakipag-usap ang kalagayan mo sa iyong mga guro, anupat ipinaaalam sa kanila na pasasalamatan mo ang patiunang pagpapabatid ng anumang mga atas na araling-bahay na maaaring tumapat sa gabi ng pulong. Baka makipagtulungan ang ibang mga guro.
Ang isa pang nakatutulong na simulain ay itinuro sa ulat ng Bibliya tungkol sa isang kaibigan ni Jesus na nagngangalang Marta. Napakaabala at napakasipag niya, subalit hindi tama ang kaniyang mga priyoridad. Noong minsan, napagod siya sa paghahanda ng marahil ay isang magarbong pagkain para kay Jesus samantalang ang kapatid niya, si Maria, ay nakikinig kay Jesus sa halip na tumulong sa kaniya. Nang magreklamo si Marta hinggil dito, sinabi sa kaniya ni Jesus: “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang. Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.”—Lucas 10:41, 42.
Anong aral ang matututuhan natin dito? Panatilihing simple ang mga bagay. Paano mo maikakapit ang simulaing ito sa iyong kalagayan? Buweno, ikaw ba ay “nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay”—marahil ay pinagkakasya mo ang iyong iskedyul sa paggawa ng araling-bahay at part-time na trabaho? Kung may trabaho ka, talaga bang kailangan ng iyong pamilya ang pera? O gusto mo lamang magkaroon ng ekstrang pera upang makabili ng mga bagay na gusto mo subalit hindi mo naman talaga kailangan?
Halimbawa, sa ilang bansa, sabik ang mga kabataan na bumili ng sarili nilang kotse. Ipinaliwanag ng tagapayo sa haiskul na si Karen Turner na “may matinding panggigipit sa mga kabataan sa ngayon na magkaroon o kumita ng pera sapagkat magastos ang may kotse.” Subalit ganito ang naging konklusyon ni Turner: “Isang problema kapag napakarami mong bagay na ginagawa gaya ng extra-curricular na mga gawain, at trabaho, pati na ang maraming gawain sa paaralan. Sa gayon ay labis na napabibigatan ang mga estudyante.” Bakit labis-labis mong pabibigatan ang iyong sarili kung hindi mo naman kailangan itong gawin? Kung lubhang naaapektuhan ang iyong gawain sa paaralan, marahil ay maaari mong bawasan ang iyong oras ng pagtatrabaho o huminto pa nga sa iyong trabaho.
‘Bilhin’ ang Panahon sa Paaralan
Bukod sa paghanap ng ekstrang oras kapag wala ka sa paaralan, pag-isipan kung paano mo mas mabuting magagamit ang iyong panahon habang ikaw ay nasa paaralan. “Sinisikap kong gawin ang maraming araling-bahay na magagawa ko sa panahon ng pag-aaral,” ang sabi ni Josue. “Sa gayong paraan, nalalapitan ko ang guro kung mayroon akong hindi naunawaan sa klase nang araw na iyon.”
Maaari ring isaalang-alang ang pagbawas ng mga elective class na iyong kinukuha. Baka gusto mo ring ihinto ang ilang extracurricular na mga gawaing iyong sinasalihan. Sa paggawa ng mga pagbabago sa mga larangang ito, magkakaroon ka ng ekstrang panahon para mag-aral.
Mas Mabisang Paggamit ng Iyong Panahon
Oo, ipagpalagay nang nakagawa ka ng mga sakripisyo at mga pagbabago anupat nagkaroon ka ng
kaunti pang panahon para sa araling-bahay. Paano mo mabisang magagamit ang panahong iyon? Kung matatapos mo ang kalahati ng araling-bahay sa katulad na haba ng panahon, hindi ba’t kalahati na ng panahon ang natipid mo? Kaya narito ang ilang mungkahi para mapasulong ang iyong pagiging mabisa.▪ Magplano. Bago mo simulan ang iyong araling-bahay, pag-isipan muna ang mga bagay na gaya nito: Aling asignatura ang kailangan munang gawin? Ilang oras ang dapat gugulin sa takdang-aralin? Anu-anong gamit—mga aklat, papel, panulat, calculator—ang kailangan mo sa paggawa nito?
▪ Humanap ng isang lugar para sa pag-aaral. Ang pinakamabuti ay dapat na walang mga pang-abala. ‘Kung mayroon kang mesa, gamitin mo ito,’ ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Elyse. ‘Mas makapagtutuon ka ng pansin kung ikaw ay nakaupo nang tuwid kaysa kung ikaw ay nakahiga sa iyong kama.’ Kung wala kang sariling kuwarto, marahil ay handang tumulong sa iyo ang iyong mga kapatid upang magkaroon ka ng kapayapaan at katahimikan sa panahon ng iyong pag-aaral. O marahil ay magagamit mo ang isang parke o isang aklatang-bayan. Kung mayroon kang sariling kuwarto, huwag mong hadlangan ang iyong mga pagsisikap na mag-aral sa pamamagitan ng pagbubukas ng TV o pagpapatugtog ng nakagagambalang musika habang ikaw ay nag-aaral.
▪ Magpahinga paminsan-minsan. Sa kalaunan, kung napapansin mong ikaw ay nahihirapang magtuon ng pansin, makatutulong sa iyo na magpahinga sandali saka magpatuloy sa iyong pag-aaral.
▪ Huwag magpaliban! “Mahilig akong magpaliban ng aking mga gawain,” ang sabi ni Katie, na sinipi kanina. “Hindi ako makagawa ng takdang-aralin malibang gipit na gipit na ako sa oras para gawin ito.” Iwasan ang pagpapaliban sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang tiyak na iskedyul sa paggawa ng iyong araling-bahay at sundin ito.
Mahalaga ang gawain sa paaralan, subalit gaya ng itinawag-pansin ni Jesus kay Marta, ang pinakamahalagang gawain—‘ang mabubuting bahagi’—ay ang espirituwal na mga gawain. Siguruhin na hindi nakahahadlang ang araling-bahay sa mahahalagang gawain na gaya ng pagbabasa ng Bibliya, pakikibahagi sa ministeryo, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Mapagyayaman ng mga bagay na ito ang iyong buhay magpakailanman!—Awit 1:1, 2; Hebreo 10:24, 25.
[Mga larawan sa pahina 15]
Mahihirapan kang makasumpong ng panahon para sa araling-bahay kung pinagkakasya mo ang iyong oras para gawin ang napakaraming gawain
[Larawan sa pahina 15]
Makatutulong sa iyo ang mabuting pag-oorganisa upang makasumpong ka ng higit na panahon sa paggawa ng iyong araling-bahay