Kapag ang mga Pusa ay Naging Mailap
Kapag ang mga Pusa ay Naging Mailap
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
HABANG dahan-dahang gumagapang at nakatitig sa pinupuntirya nito, palihim na sinundan ng maninila ang kaniyang biktima. Sandaling huminto ito at dumapa sa lupa. Nanginginig ang mga kalamnan nitong nakakubli sa manilaw-nilaw at kayumangging balahibo. Pagkatapos, kagaya ng paghilagpos ng isang palaso mula sa busog ng mangangaso, sinugod nito ang nagulat na biktima. Sa pamamagitan ng mga pangalmot nito, sinunggaban at dinaganan ng pusa ang kaniyang biktima.
Hindi sa Aprika naganap ang sagupaang ito na nagsasangkot ng buhay at kamatayan kundi sa Australia. Ang mabilis na hayop ay hindi isang malakas na leon kundi isang maliit na ligáw na pusa (feral cat). Sa Australia, tinataya na 12 milyong ligáw na pusa ang masusumpungan sa tropikong kagubatan ng pinakahilagang bahagi ng bansa, sa malalamig na taluktok ng mga bundok sa timog, at sa napakaiinit na disyerto sa sentral na kapatagan.
Ano ba ang Ligáw na Pusa?
Ang mga ligáw na pusa ng Australia ay kamukha ng mga pusang inaalagaan sa bahay dahil sa ito ang mga ninuno nila. Iisa ang kulay ng kanilang mga balahibo—itim, puti, kulay-abo, kulay-luya—at iisa ang mga disenyo, pati na ang patse-patseng kulay, solidong kulay, o guhit-guhit. Gayunman, mas malaki ang kalamnan sa leeg at balikat ng mga ligáw na pusa kaysa sa inaalagaang mga pusa. Tumitimbang ang mga lalaki mula tatlo hanggang anim na kilo, at ang mga babae naman ay mula dalawa hanggang apat na kilo. Kung ang karamihan sa mga inaalagaang pusa ay umaasa sa mga tao, ganap namang nagsasarili at umiiwas sa mga tao ang mga ligáw na pusa.
Ang mga ninuno ng mga ligáw na pusang ito ay kasama ng unang naninirahang mga Europeo na nagpunta sa Australia, at noong ika-19 na siglo, nagsipangalat ang mga pusa sa kontinente. Maraming pusa ang nakatakas at nagpunta sa iláng. Ang iba naman ay sadyang pinakawalan noong dekada ng 1880 sa pagsisikap na mapatigil ang salot na mga kunehong sumisira sa mga pastulan. Di-nagtagal, natutong makibagay ang mga pusa sa kanilang bagong tahanan at naging isa sa pinakamalaganap na uri ng hayop na dinala sa Australia. Sa ngayon, naglipana ang mga ligáw na pusa sa bawat sulok ng Australia, kasama na ang marami sa katabing maliliit na isla nito.
Napakahusay Makibagay na mga Hayop
Mabilis magparami ang mga ligáw na pusa. Ang isang babae ay maaaring magkaroon ng kamada (supling sa isang pag-aanak) na may pitong kuting bago pa ito maging isang taóng gulang. Pagkatapos ay maaari itong magluwal ng mga tatlong kamada sa isang taon, na ang bawat kamada ay binubuo ng apat hanggang pitong kuting. At maaari siyang magkaanak sa loob ng pito o walong taon na siyang haba ng kaniyang buhay. Kapag nagluwal siya ng tatlong babae at tatlong lalaking kuting taun-taon at gayundin ang ginawa ng mga babaing kuting niya, sa loob ng pitong taon, ang isang ligáw na pusa ay maaaring pagmulan ng ilang libong ligáw na pusa.
Gayunman, upang mabuhay sa malupit na klima ng Australia, higit pa sa mabilis na pagpaparami ang kailangan. Kadalasan nang naninila ang mga pusa sa malamig na gabi o sa madaling araw. Iniiwasan nila ang init ng araw sa pamamagitan ng pagtulog sa mga hungkag na troso o sa mga lungga ng kuneho. Karagdagan pa, nakapaninirahan ang mga ligáw na pusa kahit sa pinakamasamang kalagayan ng disyerto dahil hindi na nila kailangan pang uminom ng tubig para mabuhay—maaari nilang kunin ang lahat ng likidong kailangan nila mula sa laman ng kanilang buháy na biktima.
Maaari ring makibagay ang mga ligáw na pusa sa pagkaing masusumpungan sa kanilang kapaligiran. Bagaman mas gusto nila ang mga kuneho, ganito ang sinabi ng New South Wales National Parks and Wildlife Service: “Pumapatay at kumakain ang mga pusa ng mahigit sa 100 katutubong uri ng ibon sa Australia, 50 uri ng mamalya at marsupial, 50 uri ng reptilya, at maraming uri ng palaka at hayop na walang gulugod.” At malalakas silang kumain. Karaniwan nang ang kinakain ng lalaki ay katumbas ng 5 hanggang 8 porsiyento ng timbang ng kaniyang katawan bawat araw. Kung nagpapalaki siya ng mga kuting, ang kinakain ng babae araw-araw ay kasimbigat ng 20 porsiyento ng timbang ng kaniyang katawan. Sa isang nabubukod na isla, 375 pusa lamang ang nakaubos ng 56,000 kuneho at 58,000 ibong-dagat sa loob lamang ng isang taon.
Ang karamihan sa mga katutubong hayop sa Australia ay walang kalaban-laban sa isang ligáw na pusa. Ayon sa magasing pangkapaligiran na Ecos, ipinapalagay na dahil sa paninila ng mga ito, ang mga ligáw na pusa ang siyang dahilan kung bakit “di-gaanong nagtagumpay ang mga programa na ibalik muli sa tigang na Australia ang mga mamalyang nanganganib malipol.”
Alagang Hayop o Salot?
Mula pa noong panahon ng sinaunang Ehipto, pangkaraniwan nang mga alagang hayop ang mga pusa. Sa Australia, 37 porsiyento ng mga sambahayan ang nag-aalaga ng di-kukulangin sa isang pusa. Marami sa mga pusang ito ang hindi kinapon, at ang di-ninanais na mga kuting ay itinatapon na lamang kung minsan sa kalapit na kaparangan, kung saan lumalaki, dumarami, at dumaragdag ang mga ito sa bilang ng mga ligáw na pusa.
Upang hindi maging isang salot sa kapaligiran ang isang kaibig-ibig na alagang hayop, ganito ang iminumungkahi ng National Parks and Wildlife Service sa Australia: Panatilihing nasa loob ng bahay ang iyong pusa, lalo na kung gabi. Maglaan ng sapat na pagkain. Lagyan ng pagkakakilanlan ang iyong pusa sa pamamagitan ng pagkakabit ng isang kulyar, pananda, o microchip implant. Kabitan ng tatlong malalaking kuliling ang iyong pusa upang babalaan ang maiilap na hayop. Kapunin ang iyong pusa. Gumawa ng isang bakod na hindi malalabasan ng pusa upang manatili ito sa iyong bakuran.
Ang pagkakapit sa mga mungkahing ito ay gugugol ng panahon at salapi. Ngunit para sa mga Australianong mahihilig sa pusa, sulit naman ito.
[Larawan sa pahina 20]
Isa sa 12 milyong ligáw na pusa sa Australia
[Credit Line]
Joel Winter/NSW National Parks and Wildlife Service, Australia
[Picture Credit Line sa pahina 21]
With permission of The Department of Natural Resources and Mines