Ang Pinakamalaking Pagtatanghal ng mga Lobo sa Buong Daigdig!
Ang Pinakamalaking Pagtatanghal ng mga Lobo sa Buong Daigdig!
SA LOOB ng siyam na araw tuwing Oktubre, nagkakabuhul-buhol ang trapiko sa Albuquerque, New Mexico, E.U.A. Bumabagal sa pagmamaneho ang mga drayber o humihinto pa nga sila upang panoorin ang napakalaking plota ng matitingkad-na-kulay na mga lobong pumupuno sa maaliwalas na kalangitan sa taglagas. Ito ang taunang Kodak Albuquerque International Balloon Fiesta, at mahigit sa 800,000 panauhin ang nagpupunta rito upang panoorin ito.
Madaling maunawaan kung bakit bumabagal ang trapiko. Gunigunihin ang tanawin! Daan-daang lobo—karaniwan nang 15 hanggang 25 metro ang taas—ang sama-samang pumapailanlang sa preskong hangin ng umaga, pagkatapos ay lumulutang sa banayad na mga hangin patawid sa Ilog Rio Grande at patungo sa ibabaw ng lunsod ng Albuquerque. Makikita sa likuran ang kaakit-akit na 10,000-piyeng Kabundukan ng Sandia na lubusang nagpaganda sa nakabibighaning panoorin.
Ang pagtatanghal ay mabilis na lumaki mula noong magsimula ito sa isang paradahan ng mga sasakyan noong 1972 na may 13 lobo lamang. Pagsapit ng 1978, may 273 ang lumahok, at ito na ang naging pinakamalaking pagtatanghal ng mga lobo sa buong daigdig. Sa taóng 2003, mahigit sa 720 lobo ang isinali. Ang mga koponan ng mga lobo ay nagmula sa maraming estado ng Estados Unidos at sa mga 20 iba pang bansa. Ang mga kinatawan ng media mula sa napakaraming organisasyon kasama ng iba pang di-mabilang na mga litratista ang siya ring dahilan kung bakit ang pagtatanghal ay nakilala bilang “ang pagtatanghal na kinukunan ng pinakamaraming litrato sa buong daigdig.” Bilang pagdiriwang sa bagong milenyo
noong taóng 2000, mahigit na 1,000 lobo ang lumahok—mga 20 porsiyento ng lahat ng kilalang lobo sa buong daigdig.Kung Paano Lumilipad ang mga Lobo
Ang mas marami sa mga lobong makikita sa pagtatanghal ay iniaangat ng mainit na hanging ibinubuga ng mga propane burner sa pinakabibig ng lobo. Ang mga envelope, o mga bag ng lobo, ay gawa sa sintetikong tela na pinahiran ng polyurethane upang mabawasan ang pagsingaw ng hangin. Isang basket, o gondola, na sinasakyan ng piloto at ng iba pang mga pasahero, ang nakakabit sa bawat lobo. Hinahanginan ang lobo sa dalawang yugto. Una, isang malaking bentilador ang nagbubuga ng malamig na hangin sa loob ng lobo habang nakalatag ito sa lupa. Pagkatapos, isang propane burner ang nagbubuga ng mainit na hangin sa bahagyang nahipang lobo. Pinatatayo ng mainit na hangin ang lobo, pero mahigpit itong nakatali sa lupa hanggang sa handa na ang piloto sa paglipad. Minsang nasa himpapawid na ang lobo, maaaring pataasin pa ng piloto ang lobo sa pamamagitan ng pagbukas sa mga burner at pagdaragdag ng mainit na hangin. Para pababain naman ang lobo, hinahayaan lamang niyang lumamig ang hangin, o maaari niyang buksan ang isang labasan ng hangin sa tuktok ng lobo upang sumingaw ang mainit na hangin.
Sa araw ng pagtatanghal, karaniwan nang kargado lamang ng sapat na propane ang mga lobong pinaiilanlang ng mainit na hangin upang manatili ito sa himpapawid nang ilang oras, kadalasan nang sa taas na wala pang 600 metro. Kaya ang mga balloonist (piloto ng lobo)—kasama na ang isang pangkat ng mga tauhang nasa ibaba na sumusunod sa lobo—ay dapat na patuloy na maghanap ng ligtas na mga lugar upang lapagan ng lobo. Ang piloto at ang mga tauhan ay naghahanap ng malawak na lugar na walang mga kawad ng kuryente at malayo sa abalang mga lansangan.
Ang ilang lobo sa pagtatanghal ay binubugahan ng helium o hidroheno. Di-tulad ng mga binubugahan ng mainit na hangin, ang mga lobong ito na nilagyan ng gas ay makapananatili sa himpapawid sa loob ng maraming araw. Ang mga balloonist ng ganitong mga lobo ay nagpapaligsahan upang malaman kung sino ang pinakamalayong makapagpapalipad ng lobo, anupat naglalakbay sa taas na 3,000 hanggang 4,500 metro.
Hindi naman talaga puwedeng maniobrahin ang mga lobo. Sa halip, tinatangay ito sa direksiyon ng hangin. Pero kayang kontrolin ng isang makaranasang piloto ang direksiyon ng lobo sa pamamagitan ng pagpapaangat o pagpapababa sa lobo upang tangayin ito ng hanging dumadaloy sa ninanais na direksiyon. Ito ang dahilan kung bakit angkop na angkop na lugar ang Albuquerque sa pagpapalipad ng mga lobo. Ang nakapalibot na kabundukan at libis ng ilog ang bumubuo sa Kahon ng Albuquerque—isang kombinasyon ng mga direksiyon ng hangin na siyang dahilan para itulak ng mabababang hangin ang mga lobo sa isang direksiyon samantalang ipinapadpad naman ng matataas na hangin ang mga ito sa kabilang direksiyon.
Isang Kapana-panabik na Okasyon
Mahigit sa 2,000 boluntaryo ang nagtutulungan para sa tagumpay at kaligtasan ng okasyon. Ang nag-oorganisa sa komplikadong pagtatanghal na ito ay ang opisyal na tinatawag na balloonmeister. Ang kaniyang trabaho na pangangasiwa sa pag-angat ng daan-daang lobo ay waring katulad ng pamamanihala sa isang abalang paliparan. Gunigunihin ang tanawin! Sa pag-angat, makikita ang pananabik kapuwa sa mga adultong manonood at sa mga batang di-kumukurap dahil sa sari-saring kulay at kakaibang mga hugis. Tingnan mo! May isang lobo na hugis-palaka, ang isa pa ay katulad ng oso, at yaong isa ay kagaya ng kuneho! Hayun ang isang maliit pang dinosauro, isang higanteng baka na lumulutang, dalawang baboy na lumilipad, isang goldfish na pinanganlang Sushi, isang jack-in-the-box, isang napakalaking lata ng softdrink na lumilipad, isang bota ng koboy, isang kumpol ng pulang sili, at marami pang iba.
Sa dami ng kulay at disenyong makikita sa maaliwalas at asul na kalangitan, talaga namang mabibighani ang isang litratista! At iba naman ang kahanga-hangang tanawin sa gabi—makikita sa dumidilim na kalangitan ang nagkalat na daan-daang lobo, na ang bawat burner ay nagniningas na parang kandila sa isang lamparang papel.
Maaaring iilan lamang sa atin ang makasasaksi sa pagtatanghal na ito ng mga lobo o makararanas ng kapana-panabik na pagsakay sa isang lobo. Pero habang binubulay-bulay mo ang mga larawang ito, sa paanuman ay maaari mong gunigunihing ikaw ay lumilipad—sa kalangitan sa taglagas sa ibabaw ng Albuquerque.
[Larawan sa pahina 18]
1. Ang bawat lobo ay nangangailangan ng mga tauhan sa lupa na susubaybay sa paglipad ng lobo, karaniwan nang apat hanggang walong tao
2. Nagbubuga ng mainit na hangin ang “propane burner” para sa pag-angat
3. Sa gabi, ang mga lobo ay nagbibigay ng manilaw-nilaw at mamula-mulang ningas
4. Sari-saring disenyo ng mga lobo
[Credit Line]
Larawan 1 at 2: Raymond Watt/Albuquerque International Balloon Fiesta