Masusumpungan Mo ang Tunay na Kaligayahan!
Masusumpungan Mo ang Tunay na Kaligayahan!
MARAMING tao sa buong daigdig ang waring naniniwala na ang susi sa kaligayahan ay ang pagkakaroon ng magarang kotse, malaking deposito sa bangko, popular na karera, malaking bahay, at pinakabagong elektronikong mga gadyet, pati na ang pagkakaroon ng isang kaakit-akit o matipunong katawan. Subalit talaga bang nakadepende sa gayong materyal at pisikal na mga bagay ang kaligayahan?
“Biglang dumami ang pagsasaliksik hinggil sa kaligayahan, optimismo, positibong mga emosyon at mga katangiang nagdudulot ng mabuting kalusugan,” ang sabi ng isang pantanging ulat sa magasing Time. Marami ang nagulat sa resulta ng gayong mga pagsusuri. Kapansin-pansin na pare-parehong ipinakikita ng mga ebidensiya na dinadaya lamang ng mga tao ang kanilang sarili sa paniniwalang mapapaligaya sila ng pera, katanyagan, o kagandahan. Sa katunayan, nakasentro ang kanilang buhay sa isang ideya na maaaring makapinsala sa kanilang kaisipan at humantong pa nga sa depresyon.
Sa Estados Unidos, maraming tao ang lalong yumayaman. “Pero hindi ito nagdulot . . . ng higit na kaligayahan,” ang sabi ng Time. Siyempre, gayundin ang masasabi ng mga tao sa ibang lupain. Bagaman umuunlad ang ekonomiya ng Tsina, nakababahalang malaman na dumarami rin ang mga tao roon na hindi maligaya. Ang pagpapatiwakal ang “pangunahing sanhi ng kamatayan [sa Tsina] sa mga taong edad 15 hanggang 34,” ang sabi ng babasahing Access Asia. Ang isang salik kung bakit nangyayari ito ay waring ang panggigipit sa mga kabataan na magtagumpay sa isang maigting at mapaghanap na sekular na daigdig.
Maliwanag, ang materyal na kasaganaan ay hindi nag-aalis ng kabalisahan at kaigtingan; sa katunayan, nakadaragdag pa ito. “Ang atin mismong paraan ng pamumuhay ang naging pangunahing sanhi na ngayon ng kawalan ng katiwasayan sa isip at damdamin,” ang konklusyon ng isinagawang pag-aaral sa isang unibersidad. Ayon kay Van Wishard, isang analista ng mga kalakaran sa lipunan, “ang mental at emosyonal na kalusugan ang madalas na nagiging bahagi ng segurong ibinibigay ng maraming kompanya para sa kalusugan [ng kanilang empleado].”
Kahit ang mga bata ay naaapektuhan ng ating mabilis-na-nagbabagong daigdig. May mga aklat na ngayon para sa mga batang walong taóng gulang, na nagpapayo sa kanila “kung paano makikilala ang mga sintomas ng kaigtingan at kung paano ito haharapin,” ang sabi ni Wishard. At ayon sa isang talaan hinggil sa depresyon, nakagugulat na dumarami nang 23 porsiyento taun-taon ang bilang ng mga batang may depresyon sa ilang Kanluraning lupain. Karagdagan pa, “nagiging mabili ang mga gamot sa depresyon para sa mga batang hindi pa nag-aaral.”
Nagiging laganap din ang takot—at hindi lamang ito dahil sa kawalan ng katatagan sa kabuhayan. Palibhasa’y dumarami ang mga radikal sa pulitika at relihiyon, marami ang nanghihilakbot sa posibleng mangyari sa hinaharap. May makukuha bang tulong?
Mga dalawang libong taon na ang nakalilipas, itinuro ni Jesu-Kristo ang isang paraan ng pamumuhay na lubhang naiiba subalit nakagiginhawa at nakababawas ng kaigtingan. Ang pangunahing mensahe ng kaniyang turo ay simple ngunit isang katotohanan na punung-puno ng kahulugan. Ganito ang sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Oo, pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na ituon ang kanilang pansin sa pinakapangunahing pangangailangan ng tao—ang espirituwal na katotohanan hinggil sa ating Maylalang at sa Kaniyang layunin para sa atin.
Gaya ng makikita natin sa sumusunod na mga artikulo, makatutulong sa atin ang katotohanang iyan upang maunawaan kung ano talaga ang mahalaga, na umaakay sa mas maligaya at mas makabuluhang buhay. Ang gayong espirituwal na katotohanan ay nagbibigay rin sa atin ng isang magandang pag-asa.
[Blurb sa pahina 3]
Nakadepende ba sa materyal na ari-arian ang kaligayahan?